Hindi sagabal ang kapansanan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Isang Pilipino-Amerikana na napaglabanan ang mga pisikal na limitasyon nag naging unang pilotong walang mga kamay.

Si Jessica Cox, isang dalawampung taong gulang na babae na lumaki sa Arizona, ay naging popular sa Amerika, matapos makuha ang kanyang lisensya bilang isang piloto mula sa Federal Aviation Administration sa kabila ng kawalan niya ng mga braso.

Isinilang si Jessica na walang mga braso at ginagamit niya ang kanyang mga paa upang siya ay makagawa ng normal na mga bagay.

Dumating siya sa Pilipinas upang bigyan ng inspirasyon ang kanyang mga kababayan. Nang makuha niya ang kanyang lisensya at mapatunayang kaya niyang gumawa ng makabuluhang mga bagay kahit na mayroon siyang kapansanan ay naging tagapagsalita siya sa iba't ibang lugar upang ibahagi ang kwento ng kanyang buhay na puno ng inspirasyon.

Namuhay si Jessica ng tulad ng isang normal na taong walang kapansanan. Habang lumalaki ay pumasok siya sa iba't ibang klase at paaralan na tumutulong sa kanyang pisikal na pangangatawan. Ilan sa kanyang mga ginagawa upang tumibay ang kanyang katawan ay ang swimming, gymnastics, tap dancing, at maging Tae Kwon Do kung saan nagkamit siya ng black belt.

Ayon kay Jessica, isa ang paglipad sa kanyang kinatatakutan. Ang pagpapalipad ng eroplano ang nakita niyang paraan upang maalis ang kanyang takot. Gumugol si Jessica ng tatlong taon kumpara sa karaniwang anim na buwan bago makamit ang kanyang lisensya. Ginawaran siya ng lehitimong lisensya bilang isang Sport Pilot ng FAA matapos ang kanyang matagumpay na pagpapalipad noong 10 Oktubre 2008.

Nais ni Jessica na maging inspirasyon para sa maraming Pilipino ang kanyang kwento. Nais niyang ihati sa lahat ang kanyang tagumpay.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.