Himala

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Himala(Picture from ([1])

Ang Himala (1982) ay isang pelikulang idinirehe ni Ishmael Bernal at isinulat ni Ricky Lee, ilan sa mga pinakamahuhusay na pangalan sa larangan ng sining sa bansa. Kilala ang pelikulang Himala at nagkamit ito ng mga parangal hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa dahil na rin sa hindi maitatangging galing ng pag-arte ni Nora Aunor. Bukod pa rito ang pagkakaroon ng kakaibang temang ginawa ni Bernal dito, na nagtatalakay ng relihiyon at pananampalataya ng mga tao.


Mga nilalaman

[baguhin] Lagom

Sa Cupang, isang maliit na bayan sa probinsya, dinaranas ng mga taong naninirahan doon ang tagtuyot kung kaya naman pinaniniwalaan nilang isinumpa ang kanilang lugar nang itaboy nila ang isang maysakit na tao ilang taon na ang nakararaan.

Si Elsa, dalagang nakatira roon, ay nakita ang Mahal na Birhen sa tuktok ng isang burol. Noong una'y walang naniniwala sa kanya. At kahit ang kanyang ina-inahan ay pinagalitan pa siya sa kanyang pagkukuwento. Ngunit ilang araw matapos noon, nagsimula na siyang magpagaling ng mga residente ng Cupang. Tinulungan siya ng kanyang matagal nang kaibigang si Chayong, at isa pang taga-roon na nagngangalang Sepa.

Dahil doon, pumunta na ang maraming tao sa Cupang, maging mga dayuhan, para bumisita sa tinawag na nilang "Elsa's Shrine". Kasabay nito, nagsimula na rin ang kasakiman. Ang ilang mga residente ng Cupang ay nag-umpisang magtayo ng iba't ibang negosyo para lamang kumita ng maraming pera mula sa mga turista.

Si Orlie, isang taong gumagawa ng pelikula, ay pumunta sa bayan para imbestigahan ang nagaganap na kaguluhan at higit sa lahat, si Elsa. Si Nimia, isa pang kaibigan ni Elsa mula pagkabata, na ngayo'y isa nang bayarang babae ay dumating mula sa isang madilim na kahapon sa Maynila. Umuwi siya sa Cupang para magtayo ng cabaret para sa mga turista. Ngunit ilang araw pagkatapos, kinailangan nitong magsara dahil samga reklamo ng ilang mga residente.

Sina Elsa at Chayong naman, na patuloy pa ring umaakyat sa burol para manalangin sa Mahal na Birhen, ay nagahasa ng dalawang hindi makilalang lalaki. Ang hindi alam ng marami, nakunan ito ng kamera ni Orlie.

Nagkaroon naman ng epidemya ng kolera sa Cupang, at maraming mga bata ang namatay. Apektado maging ang mga anak ni Sepa. At kahit na nagpunta si Elsa para dasalan at pagalingin ang dalawang ito, namatay pa rin sila. Noong gabi ding iyon, nagbigti si Chayong nang dahil sa panggagahasang ginawa sa kanya. Matapos ang lahat ng pangyayari, sinisi ni Elsa ang kanyang sarili.

Unti-unti na ring nag-aalisan ang mga turista dahil sa mga pagkamatay na nangyayari at dahil na rin sa pagpatay sa mayamang Intsik na dumayo rin para kay Elsa. Nang inakala ng lahat na minalas na naman ang kanilang bayan, kumalat ang balitang nagdadalantao si Elsa. Dahil sa hindi alam ng mga tao na nabuntis siya dahil nagahasa, tinawag nila itong "Immaculada Concepcion".

Kasabay noon, biglang umulan matapos ang pagkatagal-tagal na panahon. Kung kaya naman tuluyan nang inisip na ng mga tao na nagbalik na muli ang himala sa kanilang bayan at tinanggal na ang sumpang ibinigay sa kanilang bayan.

Matapos ang lahat, ipinatawag ni Elsa ang lahat na magtipon-tipon sa burol na kanyang pinupuntahan. Dito'y inamin niyang walang mga himala, walang nagpakitang Mahal na Birhen at walang mga pangitain. Sinabi niyang ang tao ang siyang gumagawa ng mga diyos, himala, sumpa at kung anu-ano pa. Hindi pa siya natatapos magsalita nang biglang may bumaril sa kanya sa harap ng napakaraming mga tao.

Kaya nagkagulo ang lahat at nagtakbuhan sa iba't ibang direksyon. Ang mga matatanda at mga maysakit naman ay nadaganan ng mga taong nagmamadaling lumayo. Namatay si Elsa na katabi ang kanyang ina ngunit dinala ang kanyang katawan patungong ospital. Si Sepa naman na patuloy na naniniwala sa kanya, ay namuno sa lahat ng mga taong naroon pa rin na magdasal ng Aba Ginoong Maria habang nakaluhod paakyat muli sa burol.


[baguhin] Mga Tauhan

  • Nora Aunor - Elsa
  • Laura Centeno - Chayong
  • Amable Quiambao - Sepa
  • Gigi Duenas - Nimia
  • Spanky Manikan
  • Vangie Labalan
  • Veronica Palileo
  • Cris Daluz
  • Joel Lamangan
  • Ben Almeda
  • Aura Mijares
  • Ray Ventura
  • Pen Medina
  • Lem Garcellano
  • Estela de Leon
  • Cesar Dimaculangan
  • Joe Gruta
  • Tony Angeles
  • Richard Arellano
  • Mahatma Canda
  • Erwin Jacinto
  • Vicky Castillo
  • Tommy Yap


[baguhin] Mga Parangal

Nakahakot ang pelikulang ito ng walong karangalan mula sa 1982 Metro Manila Film Festival (MMFF), kasama na rito ang Best Story / Screenplay, Best Picture, Best Actress, Best Supporting Actor, Best Supporting Actress, Best Editing, Best Cinematography, at Best Production Design.

Ang URIAN naman ay isinama ito sa Sampung Pinakamahusay na Pelikula ng Dekada. Sa Catholic Mass Media Awards naman ay nanalo rin ito ng Best Screenplay noong 1982.

At sa ika-19 na Chicago Film Festival ay nag-uwi ito ng Bronze Hugo Awards


[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Panlabas na Kawing


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.