Higantes Festival

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

250px|right Ang Higantes Festival na kilala rin sa tawag na Pista ni San Clemente ay ipinagdiriwang tuwing ika-23 ng Nobyembre sa Angono, Rizal. Ito ang pinakamalaking pagdiriwang para kay San Clemente, patron ng mga mangingisda. Ang imahen ng santo ay binibitbit ng mga lalaking deboto habang nagpuprusisyon kasabay ang mga “pahadores”, (mga deboto na nakadamit ng makukulay na kasuotan o ng kasuotan ng mga mangingisda, sapatos na yari sa kahoy at may bitbit na sagwan, lambat at iba pang gamit sa pangingisda) at mga “higantes” (mga higanteng gawa sa papel na may taas na umaabot sa sampu hanggang labindalawang talampakan.) Nagtatapos ang pagdiriwang sa isang prusisyon patungong Laguna de Bay hanggang maibalik ang imahen ng santo sa parokya.

Mga nilalaman

[baguhin] Kasaysayan

Noong panahon ng mga Kastila, isang maliit na hasyenda lamang ang Angono. Ipinagbawal ng mga may-ari ng hasyenda ang pagkakaroon ng anumang pagdiriwang. Maliban sa gastos sa paghahanda sa pagdiriwang, iniiwasan din ng mga hasyendero na magkaroon ng pagdiriwang para sa mga paganong paniniwala. Ang pagdiriwang lamang para kay San Clemente ang kanilang pinapayagan. Sinamantala ng mga mamamayan ang pagkakataon kaya naghanda sila ng maraming pagkain, nagsuot ng makukulay na damit, at nagdaos ng isang malaking prusisyon kung saan kasama ang mga higante na gawa sa papel na kawangis ng kanilang mga among Espanyol. Noon ay dalawa o tatlong higantes lamang ang ginagawa bilang pagsimbulo sa mag-anak. Noong 1987, iminungkahi ni Perdigon Vocalan na lahat ng barangay sa Angono ay dapat mayroong dalawa o tatlong higantes na sisimbulo sa industriya o pagkakakilanlan ng mga ito. Naipatupad ang mungkahing ito sa tulong ng Kagawaran ng Turismo.

[baguhin] Aktibidad

Ang Higantes Festival ay bahagi ng dalawang linggong selebrasyon ng pista ng Angono. Bahagi rin ng pagdiriwang ang Misa Cantada, nobena, paligsahan sa pagsayaw at pagkanta, paligsahan sa pagluluto ng itik, paligsahan sa pagpipinta at ang pabilisan sa pagtakbo ng mga Higantes at prusisyon ng pagoda. Ang prusisyon ay ginagawa sa buong bayan, kung saan ang imahen ng santo ay dinadala sa Laguna de Bay at paglalakbayin lulan ng pagoda hanggang sa makabalik sa simbahan. Habang ginagawa ang prusisyon, ang mga deboto at mga nakikisaya ay nagbabasaan ng tubig.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.