Halina sa Ating Bukas

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Halina sa Ating Bukas (1947), na nobela ni Macario Pineda, ay matalinghagang tumatalakay sa paghahanap ng lupaing makapamumuhay nang malaya, sagana, at nagkakaisa ang mga tao. Pangunahing tauhan si Pepe, na magsasakang nakaalitan ni Kapitang Tomas. Mabalasik si Mang Tomas na nabaril si Pepe. Papasok sa eksena si Maria Luisa, na hihingi ng tawad kay Pepe, at nang mailigtas ang kaniyang amang si Kapitang Tomas. Nagbabala si Pepe kay Maria Luisa na mamamatay si Kapitang Tomas kapag nakisabay ito sa kura paroko.

Lalahok sa himagsikan si Pepe, at mapapasabak ang kaniyang tropa sa sa Kakarong de Sili. Makalipas ang tatlong taon, uuwi sa kaniyang bayan na may tama ng bala sa hita. Isang Amerikanong doktor, na pinagdududahan ng kaniyang mga kababaryo, ang gagamot sa sugat ni Pepe. Inasahan ni Pepe na iba na ang minamahal ng kaniyang kasintahang si Maria Luisa, at kaya nilisan ni Pepe, kasama ang kaniyang kaibigang si Berto, ang sinilingang baryo at naglakbay sa malayong pook. Ngunit nang makarating na sa kung saang pook ay makakatagpo naman nila ang armadong pangkat na ibig kunin ang lupaing tinatahanan nina Pepe at Berto. Magkakaroon ng engkuwentro, at sasaklolohan ang sugatang si Pepe ng kaniyang mga kaibigang kasama si Maria Luisa. Nagwakas ang nobela sa pahiwatig na mamumuhay sila sa lupaing lahat ay malaya, sagana, at may pagmamahalan.

[baguhin] Sanggunian

  • Pineda, Macario. Halina ang Ating Bukas, na nalathala noong 1946.

[baguhin] Panlabas na Kawing

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.