Goiter

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Paglaki ng thyroid gland

Ang Goiter, o bronchocele ay ang paglaki ng leeg ng tao, sa dako ng lalagukan/gulung-gulungan (adam's apple) at babagtingan (larynx), sanhi ng pamamaga ng thyroid gland. Karaniwang bunga ito ng kakulangan ng sapat na iodine sa katawan ng tao. Sa ganitong uri ng karamdaman, ang thyroid ay bumubuo ng labis o kakaunting hormones o kaya'y may bukol o nodule na tumutubo sa mismong gland.

Mga nilalaman

[baguhin] Sanhi

Sa pagkakaroon ng goiter, patuloy pa ring nagtatrabaho ang thyroid gland ng tao – maaaring sapat pa rin ang dami ng nailalabas nitong hormones ngunit kapos o labis sa nagagawang thyroxine at triiodotyronine. Ang dalawang hormones na ito ay umaagos sa daluyan ng dugo at mahalagang kasangkapan sa pagregula ng metabolismo ng katawan. Kailangan din sila upang mapanatiling wasto ang paggamit ng katawan ng fats at carbohydrates, nasa tama ang temperatura ng katawan, at normal ang pagtibok ng puso. Maliban dito, may iba pang maaaring dahilan sa pagkakaroon ng goiter ng isang tao:

  • Kakulangan sa iodine. Ang iodine ay ang pangunahing kemikal na kailangan upang makagawa ng hormone ang thyroid gland. Sa kakulangan nito, ang thyroid ay mapupuwersang lumaki upang pilit na makahanap ng mapagkukunan ng iodine. Ang kakapusang ng iodine sa katawan ay maaaring sanhi rin ng labis na pagkonsumo ng mga pagkaing hormone-inhibiting na pagkain gaya ng repolyo, broccoli at cauliflower.
  • Grave's disease (hyperthyroidism). Sa karamdamang ito, ang mga antibodies mula sa immune system, na dapat ay tumutulong sa pagsanggalang sa katawan laban sa mga mikrobyo at bacteria, ay kinakalaban ang thyroid gland. Dahil dito, labis-labis ang nagagawang thyroxine, namamaga ang thyroid at nauuwi sa goiter.
  • Hashimoto's disease (hypothyroidism). Ang goiter ay maaaring sanhi rin ng kakapusan sa nagagawang thyroid hormones sa katawan. Upang buhuayin ang nanghihinang thyroid at utusan itong gumawa ng mga kinakailangang hormones, maglalabas ng labis na thyroid-stimulating hormone ang pituitary gland na siya ring dahilan ng paglaki ng thyroid gland.
  • Multinodular goiter. Ang paglaki ng thyroid gland, sa ganitong kondisyon, ay bunga ng mga bukol o nodules (kadalasan ay maliit hanggang katamtaman ang laki) na tumutubo sa magkabilang panig ng nasabing gland.
  • Solitary thyroid nodules. Sa halip na maraming bukol, isang malaking nodule lang ang dahilan ng pamamaga ng thyroid gland. Ito ay isang noncancerous na uri ng cyst.

[baguhin] Sintomas

Ang goiter ang isa sa mga karamdaman na walang sintomas na pananakit na mararanasan ang nakatamo nito (maliban na lamang sa piling mga kaso). Kabilang sa mga sintomas ay:

  • paglaki ng leeg, sa may bahagi ng lalamunan
  • paninikip ng lalamunan na maaaring magdulot ng:
    • madalas na pag-ubo ng walang plema
    • mahirap na paglunok
    • pamamaos o pamamalat
  • madalas na pag-ubo ng walang plema dahil paninikip ng lalamunan
  • kapos, abot-abot o mahirap na paghinga dulot ng paninikip o pagkipot ng daanan ng hangin
  • paninikip ng lalamunan

[baguhin] Pag-iwas at Medikasyon

Gaya ng ibang karamdaman, maaari ring maiwasan ang pagkakaroon ng goiter.

  • Kumain ng mga pagkaing mayaman sa iodine gaya ng mga lamang-dagat, ilang mga prutas at gulay, maging mga produktong gawa sa gatas. Kinakailangan ng humigit kumulang 150 micrograms ang isang tao kada araw, liban na lamang sa mga bata at babaeng buntis at nagpapagatas na may karampatang dami ng iodine na kailangang makuha.
  • Iwasan ang labis na pagkain ng mga hormone-inhibiting foods gaya ng repolyo, broccoli at cauliflower. Gayun din ang puting asukal, pritong karne, binurong pagkain, at mga pagkain at inuming mayaman sa caffeine.
  • Kung mayroong kasaysayan ng goiter sa pamilya, malaki ang posibilidad na magkaroon din ng goiter. Sakaling nararamdaman o may alinlangan sa thyroid gland (hal. ang paghina nito), ipasuri ito agad. Upang hindi lumubha ang karamdaman sa thyroid, iwasan ang mapagod o maging labis na emosyonal sapagkat ang iritasyon o pagkabalisa ay maaaring magpahirap sa thyroid gland.

Marami sa mga may ganitong karamdaman ay di na kakatamo ng medikasyon, marahil dahil isa ang goiter sa maaaring “isawalang-bahala” na sakit. Para sa nais mapasailalim sa medikasyon, magkakaiba ang pamamaraan sa paggamot sa goiter batay sa kung gaano na ito kalaki o kalubha.

  • Thyroid hormone replacement. Para sa goiter na dulot ng hypothyroidism, mabisang paraan ng paggamot dito ay ang paghalili sa thyroid hormone ng levothyroxine. Sa paraang ito, mapapagal ang pagbuo ng pituitary gland ng mga thyroid-stimulating hormones na siya namang tutulong upang lumiit ang goiter.
  • Thyroidectomy. Ito ay isang uri ng operasyon na tinatanggal ang ilang bahagi o ang buong thyroid gland. Inaalis lamang ito kung ang pasyente ay nakakaramdam na ng hirap sa paghinga at paglunok.
  • Radioactive iodine. Ang radioactive iodine ay gamot na iinumin upang dumaloy sa dugo at makarating sa thyroid gland. Dito, papatayin ng gamot ang mga thyroid cells na nagdudulot ng goiter. Ang masamang epekto ng ganitong uri ng medikasyon ay ang paghina ng thyroid gland matapos na lumiit o tuluyang mawala ang goiter.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.