Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature o Gawad Palanca ay isang parangal na ipinagkakaloob sa mga natatanging manunulat na nagpamalas ng husay alinsunod sa iba't ibang kategorya ng panitikan. Marami sa mga tanyag na Pilipinong manunulat ay malaon nang nagkamit ng parangal na ito. Sa katunayan, ang pagtanggap ng naturang parangal ay itinuturing na hakbang upang mapabilang sa lupon ng mga haligi ng panitikang Filipino.

Mga nilalaman

Ang Patimpalak

Nabuo ang patimpalak noong 1950 bilang paggunita sa mga natatanging ambag ni Don Carlos Palanca, Sr. sa larangan ng edukasyon. Layunin ng parangal na ito na itaguyod ang panitikang Filipino; ganyakin ang mga manunulat na lumikha ng mga akdang de-kalidad; at maging daan upang maipaabot ang mga akdang ito sa mga mambabasa.

Sa simula, ang Gawad Palanca ay unang nagparangal sa mga piling Maikling Kwento sa wikang Ingles at Filipino. Makalipas ang ilang taon ay unti-unting nadagdagan ang mga kategorya ng patimpalak ayon sa sumusunod: Dulang may Isang Yugto (1953), Tula (1963), Dulang Ganap ang Haba (1975), Lathalain (1979), Nobela (1980), Maikling Kuwentong Pambata (1989), Dulang Pantelebisyon (1990), at Dulang Pampelikula (1994).

Noong 1997, tatlong karagdagang kategorya ang binuksan para sa mga maiikling kwentong nasulat sa wikang Iloko, Cebuano, at Hiligaynon. Samantala, pinasimulan ang patimpalak para sa Kabataan Sanaysay noong 1998 upang mahikayat ang mga kabataan sa mataas na paaralan na maging mahuhusay na manunulat. Mula 2000-2005, iginawad ang parangal para mga piling katha na kabilang sa kategoryang Futuristic Fiction. Kabilang sa kategoryang ito ang makabagong paksa ng panulat ng maikling kwento na nakatuon sa pagtanaw sa panahong hinaharap.

Noong 1975, walo sa mga nagwaging dula sa Gawad Palanca ay itinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Ang huling pagtatanghal ng mga ito ay ginanap sa Luneta Grandstand.

Nabuo ang Palanca Hall of Fame noong 1995 bilang pagkilala sa kahusayan ng isang manunulat. Kabilang dito ang mga awtor na nagwagi ng unang gantimpala sa patimpalak nang mahigit sa limang beses.

Nang sumunod na taon, pinasinayaan ng Gawad Palanca ang kauna-unahan nitong Creative Writing Workshops sa iba't ibang kolehiyo at unibersidad. Kasamang itinatanghal dito ang mga nanalong akda sa pamamagitan ng dramatikong pagbigkas.

Mga Alituntunin sa Patimpalak

Ang patimpalak ay bukas para sa lahat ng mga manunulat na Pilipino o dating mamamayan ng Pilipinas, anumang edad, maliban sa mga kasalukuyang opisyal at empleyado ng Carlos Palanca Foundation. Ang patimpalak ay ginaganap taun-taon mula Enero hanggang Abril 30.

Nahahati sa limang sangay ang iba't ibang parangalsa wikang Ingles, Filipino, Hiligaynon, Iloko, at Cebuano. Ang sampung regular na kategorya ng patimpalak ay ang mga sumusunod: Nobela, Futuristic Fiction, Maikling Kwento, Maikling Kwentong Pambata, Lathalain, Tula, Dulang may Isang Yugto, Dulang Ganap ang Haba, Dulang Pantelebisyon, at Dulang Pampelikula. Samantala, ang Kabataan Sanaysay ay bukas lamang para sa mga may edad 18 at pababa.

Ang lahat ng mga kategorya ay bukas para sa mga akdang nasusulat sa wikang Filipino at Ingles maliban sa Dulang Pantelebisyon at Dulang Pampelikula na maaari lamang sa wikang Filipino. Bukas lamang sa kategorya ng Maikling Kwento ang mga akdang nasusulat sa Hiligaynon, Iloko, at Cebuano. Ang mga akdang isinalin para sa isang kategorya ay hindi pinahihintulutang isumiteng muli sa ibang kategorya.

Alinsunod sa patakaran ng patimpalak, ang mga kalahok na manunulat ay maaari lamang magsumite ng isang akda sa bawat kategorya. Ang mga akdang nagwagi na sa anumang patimpalak pampanitikan ay hindi na maaaring maging kalahok. Ang mga akdang nailimbag na o hindi pa naililimbag sa loob ng Mayo ng nakaraang taon at Abril ng kasalukuyang taon ay maaaring maging bahagi ng patimpalak maliban sa kategorya ng Dulang Pampelikula kung saan ang mga hindi pa naililimbag na akda ang tanging tinatanggap.

Ang Inampalan

Ang mga kasapi ng inampalan na itinalaga ng mga tagapagtaguyod ng patimpalak ang siyang tanging may karapatang magpasya sa mga akdang nararapat magkamit ng parangal. Ang mga pangalan ng mga nagwagi at mga kasapi ng inampalan ay ipinapahayag tuwing unang araw ng Setyembre ng taon.

Gantimpala ng mga Nagwagi

Ang gantimpala ng patimpalak ay ayon sa sumusunod:

  • Nobela:
    • Unang gantimpala – P30,000
  • Maikling Kwento, Maikling Kwentong Pambata, Futuristic Fiction, Tula, Lathalain, Isang-Yugtong Dula, at Dulang Pantelebisyon:
    • Unang gantimpala - P12,000
    • Ikalawang gantimpala – P9,000
    • Ikatlong gantimpala – P7,000
  • Dulang Ganap ang Haba
    • Unang gantimpala - P17,000
    • Ikalawang gantimpala – P10,000
    • Ikatlong gantimpala – P7,000
  • Dulang Pampelikula
    • Unang gantimpala - P27,000
    • Ikalawang gantimpala – P12,000
    • Ikatlong gantimpala – P10,000
  • Kabataan Sanaysay
    • Unang gantimpala - P8,000
    • Ikalawang gantimpala – P5,000
    • Ikatlong gantimpala – P3,000

Antolohiya ng Gawad Palanca

Sa nakalipas na ilang dekada, naging matagumpay ang patimpalak sa paglikom ng mga akdang de-kalidad. Sa katunayan, ang Carlos Palanca Foundation ay regular na naglilimbag ng antolohiya ng mga nagwaging akda sa loob ng isang dekada ng pagpaparangal.

Inilimbag ang unang antolohiya ng mga nagwaging akda sa loob ng unang dalawang dekada ng patimpalak noong 1976, ang Isang Kalipunan ng mga Nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Awards, 1950, 1970 (apat na bulto sa wikang Filipino) at ang An Anthology of Palanca Memorial Awards Winners, 1950, 1970 (apat na bulto sa wikang Ingles). Sumunod na edisyon noong 1990 ang Antolohiya ng mga Nagwaging Akda, Dekada 80 na binubuo ng kalipunan ng Dulang May Isang Yugto, Maikling Kuwento, at Tula. Ito ay nailimbag sa tulong ng Anvil Publishing.

Noong 2000, isang muling kalipunan ng mga piling akda sa wikang Ingles ang nailimbag ng Anvil Publishing na pinamagatang Short Stories: The Don Carlos Palanca Awards for Literature; An Anthology of Winning Works (1980s).

Ang mga naturang aklat ay ipinagkaloob ng Gawad Palanca sa tulong ng Pambansang Aklatan sa mga pribado at pampublikong kolehiyo at mga unibersidad sa buong kapuluan.

Mga Parangal

Ilan sa mga parangal na tinamo ng Gawad Palanca ay ang mga sumusunod:

  • Tanging Parangal ng Gawad CCP Para sa Sining (1992)
  • Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng Manunulat sa Pilipinas (1993 )
  • Plake ng Pagpapahalaga mula sa Philippine Board on Books for Young People (1995)
  • Anvil Merit Award (1997)
  • CCP Centennial Honors for the Arts. in 1999
  • Gawad Tanglaw ng Lahi mula sa Ateneo de Manila University (2001)

Sanggunian