Ferdinand Magellan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Ferdinand Magellan (b.__ 1480 – d. 27 Abril 1521; Fernão de Magalhães sa Portuges, Fernando de Magallanes sa Kastila, Ferdinand Magellan sa Ingles) ay isang eksplorador na Portuges na naglayag para sa Kaharian ng Espanya. Siya ang kauna-unahang nakapaglayag mula sa Europa pakanluran tungo sa Asya, ang unang Europeo na nakatawid ng Karagatang Pasipiko, at ang namuno ng unang ekspedisyon para sa sirkumnabegasyon ng daigdig. Bagaman nasawi siya laban sa pwersa ni Lapu-Lapu sa pulo ng Mactan sa Pilipinas, labinwalo sa kanyang mga tripulante at isang barko ang nakabalik sa Espanya noong 1522, at natupad ang pangarap na paglibot sa buong mundo.

Mga nilalaman

[baguhin] Buhay

Isinilang si Magellan sa Portugal noong taong 1480. Naglingkod siya sa palasyo ng reyna noong kanyang kabataan, na naging daan upang malaman niya ang ginagawang mga ekspedisyon ng bansa upang makatuklas ng iba't ibang lugar at mga bagay.

[baguhin] Karera

Noong taong 1505 unang nakapaglayag si Magellan para sa isang ekspedisyon bilang isang militar. Agad siyang nagkaroon ng malalim na interes sa karagatan at dahil na rin sa kanyang kagustuhang makapaglayag ay nadiskubre niya ang Spice Island, kung saan matatagpuan ang iba't ibang uri ng mga halaman at herbo. Dahil din dito ay nagkaroon siya ng teorya na maaari siyang makabalik sa naturang mga isla sa pamamagitan ng paglalayag ng diretso papunta rito. Ngunit bago niya maumpisahan ang nasabing plano ay kinakailangan niya ang pahintulot ng hari. Hindi nagustuhan ng hari ng Portugal ang kanyang ideya kaya napagpasyahan ni Magellan na lumipat sa Espanya. Dito ay inilapit niya ang kanyang mga ideya sa hari ng Espanya na si Carlos I.

[baguhin] Paglalayag

Nagsimulang maglayag si Magellan patungo sa Spice Islands noong ika-20 ng Setyembre 1519. Nasa ilalim ng kanyang pangangalaga at responsibilidad ang limang barko at dalawang daan at animnapu't limang mga tao. May dala siyang ilang mga bagay na maaaring gamitin upang ipagpalit sa mga sangkap na makikita nila sa Spice Islands at mga pagkain na kanilang makokonsumo sa loob ng dalawang taon. Nagkaroon naman ng hindi pagkakaunawan sa pagitan ni Magellan at ng ilang mga tauhan dahil naging masikreto ang una sa kanyang mga plano sa paglalayag.

Noong ika-15 ng Disyembre 1519 ay dumaong ang mga barko ni Magellan sa Brazil. Naging maganda ang pagtanggap ng mga mamamayang naninirahan dito sa grupo ni Magellan. Makaraang makipagpalitan ng mga gamit at pagkain sa mga naninirahan sa Brazil ay nagpatuloy ang kanilang paglalayag upang hanapin ang Spice Islands. Noong ika-10 ng Enero 1520 ay may natagpuan siyang isang malawak na bahagi ng karagatan. Inutusan niya ang kanyang mga kasama na tingnan kung mayroon silang makikitang lagusan patungo sa Spice Islands ngunit bigo ang mga ito sa paghahanap. Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sa lugar na ngayon ay kilala bilang Port San Julian, kung saan matagumpay na natigil ang hidwaan sa pagitan ni Magellan at ng kanyang mga kasamahan. Noong ika-20 ng Oktubre 1520 ay nakakita sila ng isa pang parte ng karagatan, ngunit itinuring nila itong katulad ng mga nakaraan nilang nakita. Siniguro ni Magellan na tama ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagpapadala ng ilan pang mga tauhan upang tingnan ang nasabing lugar at bumalik sa mga barko pagkalipas ng limang araw. Habang wala ang ilan sa kanyang mga tauhan, nagkaroon ng isang malakas na pagbagyo at inisip ni Magellan na hindi malayong namatay na ang mga ito dahil sa hagupit ng bagyo. Ngunit pagkaraan ng limang araw ay bumalik ang kanyang mga tauhan, dala ang balita ng pagkakadiskubre sa isang lagusan. Lahat ng mga barko ay nagpatuloy sa paglalayag sa loob ng tatlumpu't walong araw ng may layong tatlong daan at apatnapu't apat na milya hanggang sa marating ang bagong dagat. Noong ika-28 ng Nobyembre ay nagsimulang maglayag si Magellan at kanyang mga kasamahan sa karagatang walang pangalan na kanyang tinawag na “Pacific” dahil sa mapayapang anyo nito. Noong ika-16 ng Marso 1521, dumaong ang grupo niya sa islang inaakala niyang ang Spice Islands, ngunit ang nasabing lugar ay ang Pilipinas. Naging maganda ang pagtanggap sa kanya at sa kanyang mga tauhan hanggang sa lumipat sila at naglayag patungo sa isa pang isla. Hindi naging maganda ang pagtanggap ng mga katutubo sa isla na ngayon ay kilala bilang Cebu sa pangkat ni Magellan at inatake sila ng may isang libo at limang daang mga katutubo. Nagkaroon ng paglalaban sa pagitan ni Magellan at pangkat ng mga katutubo at nauwi ito sa kanyang kamatayan noong ika-26 ng Abril 1521.

[baguhin] Spice Islands

Bagama't wala na ang kanilang pinuno, ipinagpatuloy ng mga natitirang tauhan ni Magellan ang paglalayag patungo sa Spice Islands at naging matagumpay sila sa paghahanap dito. Binili nila ang lahat ng herbo at halaman na maaaari nilang magamit at sila'y bumalik sa Espanya. Noong ika-6 ng Setyembre 1522, isa na lamang sa orihinal na limang mga bapor ni Magellan ang nakabalik as Espanya at labing walong tao na lamang ang lulan nito.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.