Ferdinand E. Marcos

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap


Ferdinand E. Marcos
F.E.Marcos.jpg
Kasalukuyang Nanunungkulan
Ika-10 Pangulo ng Pilipinas
Panahon ng Panunungkulan
1965 - 1986
Kapanganakan 11 Setyembre 1917
Sarrat, Ilocos Norte
Kamatayan 28 September 1989
Honolulu, Hawaii
Asawa Imelda Marcos
Mga Magulang Mariano Marcos
Josefa Edralin

Si Ferdinand Emmanuel E. Marcos ay ang ika-sampung pangulo ng Republika ng Pilipinas. Nanilbihan siya bilang pangulo mula 1965 hanggang 1986. Siya ang natatanging pangulo ng Pilipinas na nagsilbi sa kanyang tanggapan ng mahigit sa dalawampung taon. Dalawang beses siyang tumakbo at nagwagi bilang pangulo ng bansa bago ang pagdedeklara ng Batas Militar noong 1972. Muli siyang nagwagi sa eleksyon ng pagkapangulo noong 1981 at sa 1986 Snap Presidential Elections, ngunit ang malawakang protesta na kilala sa tawag na "1986 People Power Revolution" ang puwersang humila sa kanya na bumaba sa pwesto noong 1986.

Mga nilalaman

[baguhin] Pinag-Ugatan

Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos ay ipinanganak sa Sarrat, sa lalawigan ng Ilocos Norte sa hilagang-kanlurang bahagi ng Luzon. Siya ay panganay na anak nina Mariano Marcos, isang pulitiko, at Josefa Edralin, isang guro. Noong 1935 na halalan, ang katunggali ng kaniyang ama sa pulitika na si Julio Nalundasan ay pinatay makaraang manalo bilang kinatawan ng Ilocos Norte. Inaaresto siya noong 1938 kaugnay sa pagkakasangkot sa pagpatay, ngunit matagumpay niyang naipetisyon sa Korte Suprema ang kaniyang pansamantalang paglaya upang matapos ang kaniyang pag-aaral. Noong 1939 ay nagtapos siya ng Abugasya sa Unibersidad ng Pilipinas at nakapasa sa Bar Exam na may mataas na grado. Bago matapos ang taong iyon, siya ay napatunayang nagkasala at sinintensiyahang makulong ng hanggang 10 taon. Habang nasa kulungan ay sumulat siya ng apela, at noong 1940 ay hinawakan niya ang sariling kaso sa harap ng huwes na si Jose P. Laurel, na siyang nagpawalang sala sa kaniya.

Nagsilbi si Marcos sa Sandatahang Lakas ng Filipinas noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinanindigan ni Marcos na siya ang namuno sa mga gerilya laban sa pananakop ng Hapones sa Pilipinas, paninindigang kaniyang pinanghawakan sa kanyang buong karera sa pulitika.

[baguhin] Karera sa Pulitika

Pagkatapos ng himagsikan, nakamit ng Pilipinas ang ganap na kalayaan mula sa Estados Unidos. Mula noong 1946 hanggang 1947, nagsilbi si Marcos bilang katulong sa bagong pangulo nangg nagsasariling republika na si Manuel Roxas. Humiwalay si Roxas sa Partido Nasyonal, na noon ay nangungunang partido upang buuin ang Partido Liberal. Tumakbo si Marcos bilang kandidato ng Partidong Liberal at nagwagi bilang kinatawan ng Ilocos Norte noong 1949. Nakatatlong termino siya bilang mambabatas, samantalang pinakasalan niya si Imelda Romualdez na dating nagwagi sa timpalak pangkagandahan mula sa Leyte. Nagwagi si Marcos bilang senador noong 1959. Nagsilbi siyang pangulo ng senado mula noong 1963 hanggang 1965. Lumipat siya ng ibang partido upang makalahok sa pambansang halalan bilang katunggali ng dating pangulong Diosdado Macapagal, ang ama ng kasalukuyang pangulong si Gloria Macapagal Arroyo. Ipinakilala niya ang kanyang sarili na may kakayahang pumutol sa katiwalian at sa hindi maayos na pamumumuno ng pamahalaan. Nakuha niya ang suporta ng pangulo ng Estados Unidos na si Lyndon B. Johnson at ng kumunidad ng mga dayuhang negosyante. Madaling napagwagian ni Marcos ang halalan at siya ay pinasinayahan noong 30 Disyembre, 1965.

[baguhin] Bilang Pangulo

Mula sa simula nang panunungkulan ni Marcos bilang pangulo, tumindi ang pagkakasangkot ng Estados Unidos sa digmaan sa Vietnam. Naglagay ng dalawang base ng militar ang Estados Unidos sa Pilipinas. Ang mga ito ay ang Clark Air Base at Subic Bay Naval Base. Ang digmaan na ito ang nagpasok ng bilyun-bilyong dolyar sa ekonomiya ng Pilipinas. Maraming proyekto ang pinondohan ng mga dayuhang nagpapautang, na naging malaking tulong sa pag-unlad ng ekonomiya. Nakadagdag pa ang paglulunsad ni Imelda Marcos ng serye ng mga prestihiyosong proyekto sa Maynila, kasama na ang pagtatayo ng mga gusali ng museo at magagarang otel.

Noong 1969, makaraang mangampanya gamit ang islogan na "Bigas at Daan," muling nanalong pangulo si Marcos na nakakuha ng 74 porsiyentong boto. Siya ang kauna-unahang pangulo na nanalo sa ikalawang termino, na pinahihintulutan ng konstitusyon. Maging ang mga nanalong senador at kinatawan ay nanggaling sa Partido Nasyonal, na kaniya ring partido.

Habang si Marcos ay nasa kaniyang ikalawang termino, humarap siya sa maraming suliranin. Maraming mga mag-aaral sa unibersidad at mga Pilipino ang tutol sa patuloy na presensiya ng mga militar ng Estados Unidos at patuloy na pagsuporta sa mga polisiya ng Estados Unidos laban sa Vietnam. Ang partidong komunista sa Pilipinas ay lalong naging aktibo at naglunsad ng malawakang kaguluhan sa maralitang taga-nayon at taga-lunsod. Sa katimugang bahagi naman ng Pilipinas, ang kilusan ng mga Muslim ay dumadagsa na rin. Habang papalapit na ang pagtatapos ng ikalawang termino ni Marcos ay lumalaki ang posibilidad na hindi mabubuwag ang kontistusyong hanggang dalawang termino lamang maaring manungkulan ang pangulo ng Pilipinas at mahaharap siya sa posibilidad na kaniyang lilisanin ang puwesto pagkatapos ng 1973.

[baguhin] Marcos Bilang Diktador

Ang Kumbensyong Pangkonstitusyon ay hindi naisakatuparan, dahil umano sa palapit na kaguluhan. Idineklara ni Marcos ang batas militar noong 1972 at sinuspinde ang konstitusyong 1935, o pagtanggal sa kongreso at pagkuha sa lahat ng kapangyarihan. Sinupil ni Marcos ang mga pulitikong tumutol sa kaniya. Inaresto ang pulitikong pinuno na si Benigno Aquino Jr.. Winakasan ang kalayaan ng mga mamamahayag. Ang bagong konstitusyon ay pormal na ipinahayag ni Marcos noong Enero 1973 na nagbigay ng lubos na kapangyarihan sa pangulo at pagpapaliban ng mga halalan. Si Marcos ay nangasiwa sa bisa ng dekreto at ikinubli ang kaniyang diktaduryang kapangyarihan sa retotrika ng batas.

Sinabi ni Marcos na ang batas militar ang panimula sa paglikha ng bagong lipunan at kailangang isakripisyo ang sarili para sa kapakanan ng bansa. Ngunit si Marcos kasama ang kaniyang asawa at kanilang malalapit na katuwang ay gumanti ng puro katiwalian sa gitna ng paghihirap ng mga mamamayan Pilipino. Kinurakot nila diumano ang kaban ng yaman ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga malalapit na kaibigan na siyang kumontrol sa mga monopolyo sa industriya, komunikasyon, at bangko. Nagkamal ng limpak- limpak na salapi ang pamilyang Marcos at ang iba pang pera ay nakatago sa mga bangko sa ibang bansa. Ang kanilang marangyang pamumuhay ay malaki ang pagkakaiba sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino.

Ang kakayahan ni Marcos na maging matatag ang nag-udyok sa kaniya na bawiin ang ilan sa mga malupit na patakaran na sumasakal sa pagtutol at sa kalayaang magpahayag. Noong 1980, pinayagan ni Marcos si Ninoy Aquino, pinuno ng partidong Liberal, upang lumayo at magtago sa Estados Unidos. Pinayagan din niya ang Radyo Veritas, isang istasyon ng radyo na pinatatakbo ng mga Katoliko, upang magsahimpapawid ng mga batikos laban sa kaniyang rehimen.

Ang Herarkiya ng Katoliko, na pinamumunuan ni Jaime L. Sin, Arsobispo ng Maynila ay hindi natatakot sabihing tutol siya kay Marcos. Sa Pilipinas, kung saan karamihan sa populasyon ay Katoliko, ang simbahan ang ginagawang patnubay hinggil sa usaping pampulitika.

Noong 1981, opisyal na binawi ni Marcos ang batas militar, ngunit nanatili pa rin ang kanyang emergency power upang magamit para sa pekeng halalang pampangulo. Kagaya nang inaasahan, si Marcos ay nanalo ng isa pang termino. Sa kabilang banda ang kaniyang kalusugan ay nagsimulang humina. Nagkaroon siya ng lupus erythematosus, na siyang naging dahilang upang hindi na gumana ang kanyang mga bato.

Noong 1983, nagdesisyon si Aquino na bumalik na sa Pilipinas, kahit na alam niyang siya ay aarestuhin. Si Aquino ay binaril sa likod ng kaniyang ulo, at namatay ilang minuto lamang makaraang dumating sa Manila International Airport (Ninoy Aquino International Airport ngayon}. Sinabi ng pamahalaan na ang pagkakapatay kay Aquino ay gawa ng upahang mamamaril, na napatay ng pulisya sa paliparan. Isang espesyal na komisyon ang nag-imbestiga at nagsabing resulta nang sabwatan ng militar ang pagkakapatay, ngunit noong 1985 ay pinawalang sala ang mga opisyal na kinasuhan nang pagpatay. Noong 1990, 16 opisyal ng militar ang nahatulang nagkasala sa pagkakapatay kay Aquino, ngunit ang utak ng krimen ay hindi na natukoy pa.

Ang pagkamatay ni Aquino ang naging malaking puwersa sa pagbagbsak ni Marcos. Inilarawan ni Corazon Aquino, biyuda ni Aquino, si Marcos bilang isang brutal na diktador. Upang makuha muli ang puwesto at magpatuloy ang suporta ng Estados Unidos sa kaniyang rehimen, inihayag ni Marcos ang pagkakaroon ng biglaang halalan pampangulo na ginanap noong Pebrero 1986, taon bago matapos ang kaniyang termino. Inaasahan ni Marcos ang pagkapanalo, dahil sa kaniyang makinarya at sa pagkakahati-hati ng oposisyon. Ngunit bumuo si Kardenal Sin ng alyansang oposisyon, at hinikayat si Corazon Aquino upang tumakbo sa pagkapangulo at si Salvador Laurel bilang pangalawang pangulo.

Habang nagaganap ang botohan, maraming Amerikano ang nakasaksi sa mga tumatakbong iregularidad. Ang dalawang kinatawan mula sa Estados unidos at sa pamahalaan, na nagbabantay sa resulta ng halalan ay naglabas ng magkaibang resulta. Sinasabi ng parehong kinatawan na si Corazon Aquino ang nanalo ngunit ayon sa pambansang asemblea, ang parehong kinatawan ay sinasabing ang kanila ang nanalo. Ngunit kinilala ng pambansang asemblea si Marcos bilang siyang nanalo. Noon, nagpahayag ang Simbahang Katoliko na ang naganap na halalan ay isang panloloko lamang at ang tagumpay ni Marcos ay isa lamang kahungkagan.

[baguhin] Aklasang Bayan

Noong 22 Pebrero, 1986, dalawa sa matataas na opisyal ng militar ni Marcos ang nagbitiw ng suporta sa kaniya. Naglunsad ng rebelyon ang kalihim ng Tagapagtanggol na si Juan Ponce Enrile at si Fidel V. Ramos, Ikalawang Hepe de Estado Mayor at inagaw ang dalawang kampo ng militar. Ang rebelyong ito ang naging hamon kay Marcos at sa kaniyang pinsan na si Fabian Ver, Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na tapatan ito nang matinding puwersa. Sa tulong ng pananawagan ni Kardenal Jaime L. Sin sa taong bayan, nagdagsaan ang mga tao sa dalawang kampo ng militar upang harangan ang mga tangke ni Ver. Apat na araw pinalibutan ng mga tao ang mga kampo na kinalululanan ni Enrile at ng kaniyang mga kasama. Ito ay upang mapigil ang paglalaban ng puwersa ng mga rebeldeng militar at ng mga loyalista ni Marcos. Walang nagawa ang mga tropa ni Marcos sapagkat hindi nila maaaring saktan ang libu-libong mga tao.

Sa kabila ng mga kaganapan ay iginigiit pa rin ni Marcos na siya ay mapasinayahan na sa simple at pribadong seremonyas noong 25 Pebrero. Noong sumunod na araw, ang pamilyang Marcos at ang mga taong malalapit sa kanila ay lumipad patungong Hawaii lulan ng sasakyang panghimpapawid ng Estados Unidos. Hinirang naman si Corazon Aquino bilang pangulo ng Pilipinas na siyang nagbunsod sa kanya bilang kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa.

[baguhin] Kamatayan

Nanatili si Marcos sa Hawaii hanggang sa siya ay pumanaw noong 1989. Makaraang pumanaw si Marcos, si Imelda ay pinawalang sala sa kasong panglulustay ng hukuman ng Estados Unidos at nahatulang nagkasala sa kasong pangungurakot ng hukuman ng Pilipinas noong 1993 ngunit binaliktad ng korte dahil sa kaniyang apela noong 1998. Maging sa iba pang kaso, siya ay pinawalang sala rin. Noong 1993, ibinalik ang naimbalsamang bangkay ni Marcos sa bansa at inilagak sa isang glass case crypt. Ito ay makikita sa kanyang museleo sa kanyang sinilangang bayan.

Gayunpaman, noong 2003, ginawaran ang pamahalaan ng 624 milyong dolyares mula sa mga perang nakalagak sa mga bangko sa Switzerland, na pag-aari ni Ferdinand Marcos. Ang perang ito ay gagamitin upang pambili ng lupa ng mga mahihirap na magsasaka. Kaagad namang umapila ang mga Marcos sa paratang.

[baguhin] Panlabas na Kawing

[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.