Eddie Romero

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Eddie Romero (Larawan mula sa [1])


Si Edgar Sinco Romero (Hulyo 7, 1924 - Mayo 28, 2013) o mas kilala bilang Eddie Romero ay isang manunulat, prodyuser at direktor ng pelikula. Ipinagmamalaki bilang isang Pilipino, itinuon niya ang kanyang sarili sa paglilinang ng sining at pangangalakal ng pelikula na napapaloob sa tatlong henerasyon.

Isang bihasang alagad ng sining, marami siyang nais na gawing pagbabago sa paggawa ng pelikula. Hindi siya nakukuntento sa pag-iisip lamang ng mga ideya. Nakagawa siya ng paraan upang gawing posible, kung hindi man higitan, ang mga ito sa mga pelikula. Ang kanyang mga konsepto ay payak, ngunit hitik na hitik sa laman. Ang daloy ng kanyang mga kuwento ay mahirap mahulaan.


Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan at Angkan

Ipinanganak noong 7 Hulyo 1924 sa Bayan ng Dumaguete, siya ay anak nina Pilar Sinco, isang guro sa paaralan; at Jose E. Romero, isang dating miyembro ng kongreso, Kalihim ng Edukasyon, at Philippine Ambassador to London.

Nag-aral siya sa Mababang Paaralan ng Dumaguete, sa Ateneo De Manila University (ADMU), University of the Philippines (UP) High School, at Silliman University High School sa Dumaguete. Nakuha niya ang kanyang grado sa Batsilyer en Artes sa University of the Philippines, kinumpleto ang kanyang associate in arts (pre-law) program sa Silliman University, at nagawaran ng honorary degree, Doctor of Humane Letters, ng Foundation University sa Dumaguete. Isang pinuno sa industriya, naglingkod na siya bilang isang Deputy Director ng Film Academy of the Philippines, at pinuno naman ng Sub-Committee on the Arts ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA).

Ikinasal siya kay Carolina Gonzalez at nagkaroon sila ng tatlong supling. Ang isa rito, si Joey Romero, ay isa ring direktor ng pelikula at ang kanyang pamangkin na si Chanda Romero ay isa namang premyadong aktres.

Pumanaw sa gulang na 88 noong Mayo 28, 2013 dahil sa komplikasyon sa kalusugan sanhi ng namuong dugo sa kanang bahagi ng kanyang utak.

[baguhin] Mga Impluwensiya

Ang mga pangunahing taong nakapanghikayat sa kanya na gumawa ng pelikula ay sina Gerardo de Leon at Yasujiro Ozu, isang Hapones na direktor. Inobserbahan niya rin ang mga estilo at disenyo sa produksyon, at ang mga gawa ng iba pang mga direktor mula sa ibang bansa katulad ng Estados Unidos at sa mga bansa ng Europa.

Bago pa man siya nagdirihe ng pelikula, nagsimula na siya sa pagsusulat ng iskrip. Ang unang iskrip na kanyang nilikha ay Ang Maestra (1941) sa ilalim ng direksyon ni Gerardo de Leon. Sumali siya sa Sampaguita Pictures bilang manunulat rin ng iskrip ng pelikula ni Gerardo de Leon, ang Isumpa Mo, Giliw (1947).

[baguhin] Mga Pelikula

Matapos niyang magsulat ng iskrip sa mga pelikula ay nagsimula na rin siyang maging isang mahusay na direktor mula taong 1947 hanggang 1953.

Kabilang sa mga nauna niyang idinirihe ay Ang Kamay ng Diyos (1947); Hindi Kita Malimot (1948); Ang Selosa (1948); Apoy sa Langit (1949); Abogada (1949); at Ang Asawa Kong Americana (1953). Ang huli ang pinakaunang pelikulang Pilipino na nagwagi sa Asian Film Festival'. Sa mga panahong ito ay nakilala rin siya bilang direktor ng mga pelikulang pinagtambalan nina Pancho Magalona at Tita Duran: Always, Kay Ganda Mo (1949); Kasintahan sa Pangarap (1951); at Ang Ating Pag-ibig (1953).

Si Eddie Romero ang direktor at prodyuser ng pelikulang pinamagatang Buhay Alamang noong 1952, na hango sa dula ni Gerardo de Leon. Sa ilalim naman ng Hempisphere Production ay nagprodyus siya ng mga pelikulang mapapanood sa labas ng bansa at siya rin mismo ang sumulat ng iskrip at nagdirek nito. Ang ilan sa mga ito ay Day of the Trumpet (1957); Lost Battalion (1961); Passionate Strangers (1966); Raiders of Leyte Gulf (1967); at Manila: Open City (1967).

Sa kalagitnaan ng dekada sitenta, binalikan ni Romero ang pagtutuon ng pansin sa lokal na pelikula nang gawin niya ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (1976); Sino'ng Kapiling? Sino'ng Kasiping? (1977); Banta ng Kahapon (1977); Durugin si Totoy Bato (1979); Aguila (1980); Kamakalawa (1981); Ang Padrino (1984); at Hari sa Hari, Lahi sa Lahi (1987).

Nakagawa na siya ng mahigit sa 20 pelikula para sa panlabas na pamamahagi, at mahigit sa 35 pelikula naman para sa lokal na pamamahagi.


[baguhin] Sa Telebisyon

Noong 1992, isinulat niya ang iskrip at idinirihe ang 13-yugtong salin sa telebisyon ng Noli Me Tangere ni Jose Rizal para sa Cultural Center of the Philippines (CCP).


[baguhin] Mga Parangal

Si Romero ay nagkaroon ng limang karangalan para sa screenplay mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS). Ang mga ito ay para sa mga pelikulang Buhay Alamang, Aguila, Passionate Strangers, Durugin si Totoy Bato, at Ang Padrino. Ang mga parangal na ito ang nag-angat sa kanya sa Hall of Fame.

Noong 1951, nagwagi siya ng Maria Clara Award bilang pinakamahusay na direktor para sa pelikulang Ang Pulubi at ang Prinsesa. Napili rin siya ng FAMAS bilang pinakamahusay na direktor para naman sa Aguila at Passionate Srangers.

Tumanggap na rin siya ng Dr. Ciriaco Santiago Memorial Award for Outstanding Achievement in the Movie Industry para sa Day of the Trumpet, ang kauna-unahang produksyon na kasama ang isang dayuhang kumpanya ng pelikula.

Nanalo siya ng Urian Best Picture, Director at screenplay ng mga karangalan para sa Ganito Kami Noon...,na nagwagi rin sa Metro Manila Film Festival (MMFF)para sa screenplay at direksyon.

Nakatanggap rin siya ng Papal Award bilang Film Director of the Decade, 1971-1980, sa Catholic Mass Media Awards (CMMA).

Taong 2003, iginawad ng republika kay G. Romero ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas para sa Pelikula.

[baguhin] Mga Panlabas na Kawing

[baguhin] Sanggunian

  • National Commission for Culture and Arts and the Cultural Center of the Philippines. National Artists (Volume 2). Pasig City: Anvil Publishing, 2003.
  • Server, Lee. “Eddie Romero: Our Man in Manila”, Film Comment, March–April 1999.
  • Tiongson, Nicanor G. ed. CCP Encyclopedia of Philippine Art. Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1994.


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.