Kagawaran ng Kalusugan

Mula sa Wikifilipino
(Ikinarga mula sa Departamento ng Kalusugan)
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Opisyal na logo ng DOH

Ang Kagawaran ng Kalusugan, o Department of Health (DOH) sa Ingles, ay pangunahing sangay pangkalusugan ng Pamahalaang Pilipinas.

Layunin ng Kagawaran ng Kalusugan na maging punong kalusugan para sa lahat sa Pilipinas. At misyon nito ang magtiyak sa pagbibigay ng pantay-pantay, likas-kaya, at de-kalidad na kalusugan para lahat ng Pilipino, lalo na sa mga dukha, at magpasimuno sa pagkakamit ng kahusayan sa lárang ng kalusugan.

Nagkapuwang ang nasabing kagawaran na pasiglahin ang sistema ng pangangalaga sa kalusugan nang magpalit ng administrasyon ang pamahalaan. Ipinaling ng DOH ang tuon sa paghahatid ng serbisyo sa maraming dukha mula sa iba't ibang rehiyon, at naghanap ng mga paraan upang maihatid sa madla ang mga kinakailangang serbisyo publiko.

Mga nilalaman

[baguhin] Mga Tanggapan

Binubuo ng 17 punong tanggapan, 16 na Sentro para sa Pagpapaunlad ng Kalusugan na nakakalat sa iba't ibang rehiyon, 70 ospital, at apat na kawaksing ahensiya ang DOH. Ang sentrong tanggapan ay binubuo ng Opisina ng Kalihim at limang pangunahing pangkat. Una, ang Sectoral Management Support Cluster, na binubuo ng Health Human Resource Development Bureau at Health Policy Development and Planning Bureau. Ikalawa, ang Internal Management Support Cluster, na binubuo ng Administrative Service, Information Management Service, Finance Service, at Procurement and Logistics Service. Ikatlo, ang Health Regulation Cluster, na binubuo ng Bureau of Health Facilities and Services, Bureau of Food and Drugs, at Bureau of Health Devices and Technology. Ikaapat, ang External Affairs Cluster, na binubuo ng Bureau of Quarantine and International Health Surveillance, Bureau of Food and Drugs, at Bureau of Health Devices and Technology. At ikalima, ang Bureau of of Local Development and Health Program Development Cluster, na binubuo ng national Center for Disease Prevention and Control, National Epidemiology Center, National Center for Health Promotion, at National Center for Health Facilities.

Ang Center for Health Development ay responsable sa paghahatid ng serbisyo at pangangasiwa doon sa rehiyon. Ipinatutupad din nito ang mga batas, patakaran, at programa ng DOH, at nagsisilbing sangay ng pakikipag-ugnayan ng DOH sa mga tao.

[baguhin] Kawaksing Ahensiya

Katuwang ng DOH ang Philippine Health Insurance System sa pagpapatupad ng batas sa pambansang seguro ukol sa kalusugan. Pinangangasiwaan naman ng Dangerous Drugs Board ang pagsugpo sa paglaganap ng ipinagbabawal na gamot. Ang iba pang katuwang ng DOH ay ang Philippine Institute of Traditional and Altenative Health Care, at ang Philippine National AIDS Council.

[baguhin] Mga Puna

Karaniwang puna sa DOH ay malimit ginagamit nito ang Ingles imbes na Filipino sa pagpapalaganap ng kaalaman. Pinansin ng mga kritiko na higit na magiging epektibo ang pangangampanya at paghahatid ng serbisyo publiko nito kung magiging programa nito ang paggamit ng wikang Filipino sa anumang pakikipag-ugnayan nito sa mga Filipino, anumang antas ang kabuhayan na kanilang kinabibilangan.

[baguhin] Huling Kaganapan Hinggil sa Swine Influenza

Sa huling pag-uulat ay anim na raan at apat na ang apektado ng swine influenza sa bansa. Naitala ang pinakamaraming kaso ng pagkakaroon ng virus noong ika-23 ng Hunyo na umabot sa isang daan at tatlumpu't isang katao, isang daan at labingpito sa mga ito ay Pilipino at labingsiyam naman ang banyaga; animnapu't anim dito ay mga lalaki at animnapu't lima ay babae.

Sinuspinde naman ang klase sa ilang eskwelahan sa Metro Manila dahil sa positibo ang pagkakaroon ng kaso ng swine flu sa mga ito. Bagaman ang pagpapaliban ng klase ay ginawa lamang sa mga gusali kung saan pumapasok ang mga estudyanteng nagpositibo sa sakit. Kabilang sa mga nagsuspinde ng klase ay ang University of Sto. Tomas College of Engineering, Faculty of Medicine, College of Nursing at College of Rehabilitation Sciences, pati na rin ang St. Scholastica's College, Adamson University at Southridge School, Alabang.

Naitala na rin ang unang kaso ng pagkamatay dahil sa Influenza A(H1N1) o mas kilala sa tawag na swine influenza sa Asya noong ika-22 ng Hunyo, 2009 at isa itong apatnapu't siyam na taong gulang na Pilipina. Dahil dito, lalong pinagtibay ng DOH ang kampanya upang labanan at iwasan ang nasabing sakit. Patuloy na nagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa sakit pati na rin sa paraan kung paano ito maiiwasan.

Patuloy naman ang pagpapaalala ng DOH sa publiko na maaaring malunasan ang swine flue at mayroong pitumpu't siyam na porsyento na ng mga nagkasakit ang lubusang gumaling.

Ang swine influenza ay isang uri ng nakakahawang sakit na maihahalintulad sa pangkaraniwang trangkaso. Tinawag itong swine flu dahil ayon sa pagsusuri ay malaki ang pagkakahambing nito sa isang virus na karaniwang dumadapo sa mga swine o baboy sa Hilagang Amerika. Unang naitala ang pagkakaroon ng kaso nito sa Pilipinas noong ika-18 ng Mayo 2009.

[baguhin] Sanggunian ni Franze

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.