Datu Utto

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Datu Utto (Uto o Utu), (Sultan Anwar ud-Din) ay isang tagapagtanggol ng Bakat, sa Sultanato ng Buayan, na nakipaglaban sa mga Espanyol.

Mga nilalaman

[baguhin] Tagapagmana ng Sultanato ng Maguindanao

Bilang anak ni Sultan Marajan ud-Din at asawa ng anak na babae ni Sultan Qudarat Untang ng Maguindanao, si Datu Utto, siya ang may karapatang maging sultan ng Maguindanao. Kung kaya siya ang kinilalang pinuno ng kaniyang mga nasasakupan at siya rin ang namuno sa pakikipaglaban sa mga Espanyol. Ngunit, hindi niya lehitimong maangkin ang pagiging Sultan, dahil sa dalawang kadahilanan. Una, ang mga naunang namumuno sa Maguindanao ay tinanggap na ang pananakop ng mga Espanyol noong 1843, at nakipagkasundo na sila sa bansang Espanya. Ikalawa, hinahadlangan ng mga Espanyol ang pagpasa ng pamumuno ng Maguindanao kay Datu Utto.

[baguhin] Banta sa Pamahalaang Espanyol

Kinatatakutan ng mga Espanyol na maging ikalawang Sultan Kudarat si Datu Utto. Noong 1880, siya na ang kinatatakutan at makapangyarihang datu sa lugar ng Pulangi, at pansamantalang nagtatag ng kaniyang kaharian sa Bakat. Matagumpay niyang nakuha ang Sultanato ng Tulayan, at nakakolekta ng buwis sa mga grupo ng Tiruray, at nasindak niya ang mga misyoneryong Heswita na noon ay nasa Tamontaka. Dahil sa ipinakikitang pwersa ni Datu Utto, nag-isip ng istratehiya ang mga Espanyol upang hindi na maipluwensyahan ni Datu Utto ang iba pang datu sa Mindanao na lumaban sa kanila. Inuna nila si Sultan Idris ng Talakuku , na noon ay nasa Tumbao. Nang matalo si Sultan Idris, nangako ito ng kaniyang katapatan sa mga Espanyol. At bilang kapalit ng kaniyang pakikipagkaibigan sa mga mananakop, nangako ang mga ito na bibigyan proteksyon siya kung sakaling lulusubin ang kaniyang nasasakupan ni Datu Utto.

Hindi nagpasindak ang si Datu Utto sa mga Espanyol, ipinagpatuloy niya ang kaniyang pakikipaglaban sa dayuhang mananakop, kaya sinunod na lusubin ng mga Espanyol ang Buluan, na lugar na pinagkukunan ni Datu Utto ng lakas.

Noong 19 Enero 1886, nang simulan ng mga kawal ni Gobernador Heneral Emilio Terrero ang kuta ni Datu Utto sa Buayan, napilitan siyang umatras. At noong 4 Pebrero, ang Bakat at Kuta Reina Regente naman ang nasakop ng mga Espanyol, ngunit bigo parin silang mahuli si Datu Utto.

Habang tinutugis si Datu Utto ng mga Espanyol, hinimok ng mga mananakop ang ilang datu na tumulong sila sa pagdakip kay Datu Utto, at magpasakop sa mga ito. Dahil sa humuhinang suporta ng mga kapuwa datu kay Datu Utto, nagpadala ng siya ng liham sa mga Espanyol na nagsasabing siya ay sumusuko na. Kinabukasan, si Datu Utto at ang kaniyang asawa, at Rajah Putri, ay lumagda ng kasunduan sa mga Espanyol.

[baguhin] Sanggunian

  • Majul, Cesar Adib. "Islam in the Philippines." Muslims in the Philippines. Diliman, Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1999.
  • "Mindanao, Sulu and ARMM: Datu Ampuanagus." Unsung Heroes of the Philippines Revolution - MSC Communications Technologies, Inc. http://www.msc.edu.ph/centennial/hero/armm/page15.html (hinango noong 12 Marso 2008).
  • Muslim Rulers and Rebels. (hinango noong 12 Marso 2008).

[baguhin] Panlabas na kawing

  • Kung nais ninyong mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Datu Utto


[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.