Dagli

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang dagli ay isang anyong pampanitikan na maituturing na maikling maikling kwento. Bagamat walang katiyakan ang pinagmulan nito sa Pilipinas, sinasabing lumaganap ito sa unang dekada ng pananakop ng mga Amerikano.

Wala ring nakatitiyak sa angkop na haba para masabing dagli ang isang akdang pampanitikan. Subalit sinasabing kinakailangang hindi ito aabot sa haba ng isang maikling kwento. Kabilang sa mga kilalang manunulat ng dagli sina Iñigo Ed. Regalado na may talipanpang Tengkeleng, Jose Corazon de Jesus, Rosauro Almario (Ric. A. Clarin), Patricio Mariano, Francisco Laksamana, at Lope K. Santos.


Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan

Sa pananaliksik ni Rolando Tolentino, sinabi ni Teodoro Agoncillo na sumulpot ang dagli noong 1902, kasabay ng pagkakalathala ng pahayagang Muling Pagsilang na pinamahalaan ni Lope K. Santos, at nagpatuloy hanggang 1930.

Ayon naman kay E. Arsenio Manuel, nag-ugat ang dagli sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Naging tampok ang mga ito sa mga pahayagang Espanyol at tinawag na Instantaneas. Gayunman, hindi malinaw kung hinango nga ng mga manunulat sa Tagalog ang ganitong anyo mula sa mga Kastila dahil hindi pa malinaw noon kung anong uri ang itatawag sa akdang anyong prosa ngunit patula ang himig.

Nagkaroon lamang ng linaw ang anyong prosang gaya ng maikling kuwento at nobela pagsapit ng 1920, at mula rito'y lalong sumigla ang pagpapalathala ng dagling nasa ilalim ng sagisag-panulat.


[baguhin] Katangian at anyo

Ayon kay Aristotle Atienza, malaking bilang ng mga dagli na nakalap nila ni Tolentino para sa antolohiyang “Ang Dagling Tagalog: 1903-1936” ang tumatalakay sa karanasan ng mga lalaki sa isang patriyarkal na lipunang kanilang ginagalawan. Karaniwan ding iniaalay ang dagli sa isang babaeng napupusuan subalit may ilan ding ginamit ito upang ipahayag ang kanilang mga damdaming makabayan at kaisipang lumalaban sa mananakop na Amerikano.

Sa obserbasyon ni Tolentino, nagpapalit-palit ang anyo ng dagli mula sa harap na pahina ng mga pahayagan hanggang sa maging nakakahong kwento sa mga tabloid o tampok na kwento (feature story) sa mga kolum, pangunahing balita (headline) sa pahayagan, at telebisyon. Aniya, “natransform na ang dagli, hindi na ito tinawag na dagli at nagkaroon na ng ibang lehitimong pangalan at katawagan—anekdota, slice-of-life, day-in-the-life, at iba pa—at lehitimasyon (pagpasok ng ganitong uri ng kwento sa media).”


Dagdag ni Tolentino:

”Mismong ang kasaysayan ang lumilikha ng porma ng panitikang magbibigay-representasyon sa kanya. Umaangkop ang dagli—o anumang stilo ng porma ng panitikan—sa politika ng panahon batay sa politikal na ekonomiya ng paglalathala. Kailangang linawin ang porma at estilo—ang porma ay ang genre (tradisyonal na pagkakahati-hati at pagkatuto ng panitikan bilang prosa, tula, at dula), samantalang ang estilo ay ang suma-total ng lahat ng kumbensyong ginagamit sa isang porma ng panitikan para magkaroon ng kakaibang dating (effect) sa mambabasa. Tulad ng maraming estilo, ang dagli ay kwento pero ibang uri ng kwento.”


[baguhin] Ang dagli sa kasalukyan

Karaniwang napagkakamalang katumbas ng flash fiction o sudden fiction sa Ingles ang dagli. Nguni't ayon sa panayam kay Dr. Reuel Molina Aguila, naunang magkaroon ng dagli sa Pilipinas (1900s) bago pa man nagkaroon ng katawagang flash fiction na umusbong noong 1990s. Maaari itong nagmula sa anyong pasingaw at diga ng mga magbabarkada kung kaya't masasabing marami sa mga probinsya at malalayong lugar nagkaroon ng ganitong paraan ng kwentuhan.

Noong 2007, lumabas ang antolohiyang “Mga Kwentong Paspasan” na pinamatnugutan ni Vicente Garcia Groyon. Taong 2011 naman nang mailathala ang “Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay)” ni Eros Atalia kung saan, ayon sa blogger na si William Rodriguez, tinatalakay ang “samu’t saring pangyayari sa lipunan sa paraang madaling unawain dahil simple lang ang paggamit ng wika.” Inilathala naman nitong Mayo 2012 ang koleksyon ng mga dagli ni Jack Alvarez na may pamagat na "Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga" na ayon kay Aguila: "Naiangat ni Jack Alvarez ang dagli sa isang sining ng paglikha ng malaking daigdig mula sa maliit at partikular na karanasan… Isang makabuluhang kontribusyon ito sa panitikan ng bansa."

Sa kasalukuyang panahon, ang dagli ay halos ihambing din sa tulang tuluyan, pasingaw, at proto-fiction o micro-fiction sa Ingles.

Narito ang isang halimbawa ng dagli na isinulat ni Salvador R. Barros:

"Tungkol sa mga bagay na pumapasok sa pandinig, ang lalaki, babae, at reporter ay may malaking ipinagkakaiba.

"Ang pumapasok sa isang tainga ng lalaki ay lumalabas sa kabila.

"Ang pumapasok sa dalawang tainga ng babae ay lumalabas sa bibig.

"At ang pumapasok sa dalawang tainga ng reporter ay lumalabas sa pahayagan." (Sampagita, 8 Nobyembre 1932)

[baguhin] Panlabas na Kawing


[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.