Crisostomo Ibarra

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Crisostomo Ibarra o Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin ay ang pagunahing tauhan sa nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere. Siya ay isang binatang nakapag-aral sa Europa at nang bumalik ng Pilipinas ay nangarap na makapagpatayo ng paaralan sa bayan ng San Diego.

Mga nilalaman

Personalidad

Noli Me Tangere

Sa nobelang Noli Me Tangere, si Ibarra ay nagmula sa isang mayamang pamilya sa bayan ng San Diego. Siya ay bumalik sa Pilipinas nang kanyang mabalitaan ang pagkamatay ng kaniyang ama na si Don Rafael Ibarra, na tiniwalag mula sa simbahang Katoliko dahil sa pagiging diumano'y pilibustero. Sa kaniyang pagbalik sa San Diego, muli niyang nakadaupang-palad ang kasintahang si Maria Clara.

Nang nakita ni Ibarra na mabagal ang pag-unlad ng kanilang bayan, napagisipan niyang magtayo ng paaralan at maging guro. Sinimulan ni Ibarra ang plano niya sa tulong ng magsasakang si Elias na kalauna'y naging kaibigan niya. Gayunpaman, nabanggit ni Pilosopo Tasyo na marami nang naudlot na proyekto ukol sa pagpapatayo ng paaralan sapagkat tinututulan ito ng mga prayle, lalong lalo na si Padre Salvi, sapagkat sila ay nangangamba na ang paaralang ito ay maging banta sa kanilang kapangyarihan sa San Diego.

Nang kalauna'y hindi natiis ni Ibarra ang pangungutya sa kaniya ng mga prayle at sa isang piging, kaniyang nilusob si Padre Damaso, na siyang nagpataw ng ekskomunikasyon sa kaniyang ama. Ito ang naging mitya ng ekskomunikasyon at pagkakakulong ni Ibarra. Nang kalauna'y tumakas si Ibarra at siya'y tinulungan ni Elias habang siya'y tinutugis ng mga Kastila.

Kaugnayan kay Rizal

Noong isinulat ni Rizal ang Noli Me Tangere, inilahad niya rito ang mga kalapastanganang ginagawa ng mga prayle sa mga Pilipino noong panahon ng kanilang pananakop. At gaya ni Ibarra, inilarawan ni Rizal ang 'di makatarungang lipunan na kinabibilangan ng pangunahing tauhan ng nobela.

Si Ibarra, kahalintulad ni Rizal, ay nagkaroon ng karanasang makapag-aral sa Europa at mamulat sa iba't-ibang suliranin ng mga bansa roon. Karagdagan pa, maituturing na isang magandang kaugnayan kina Ibarra at Rizal ang masidhing pagpapahalaga nila sa edukasyon.

Sa kalaunan, si Ibarra ay magbabalik sa katuhan ni Simoun sa nobelang El Filibusterismo.

Panlabas na Kawing

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

`