Cirio Panganiban

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Si Cirio H. Panganiban ay abogado at isa sa mahalagang manunulat sa kasaysayan ng panitikang Filipino. Isa siyang makata, kuwentista, mandudula, mambabalarila at guro ng wika.

Sa kanyang pagiging kuwentista ay naiambag niya sa panitikan ang kanyang kuwentong Bunga ng Kasalanan na nalathala sa Taliba noong 1920. Isa ito sa mga itinuring ng mga kritiko na palatandaan na nauunawaan at gamay na ng mga manunulat na Pilipino ang anyo ng maikling kuwento, na dinala ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ito rin ang naging dahilan upang tanghalin si Panganiban na kuwentista ng taong 1920 dahil sa boto ng mga mambabasa ng magasing Liwayway.

Sa larangan ng dula ay napabantog ang kanyang isang yugtong dula na may pamagat na Veronidia noong 1927 kung saan ginamit niya ang sagisag sa panulat na Crispin Pinagpala. Itinanghal ang dulang ito sa Dulaang Zorilla sa pamamahala ng Samahang Ilaw at Panitik. Sinasabi ng mga kritiko na ang Veronidia ay nagpasigla at nagbigay-halaga sa dulang Tagalog. Ang Sa Kabukiran ay isang dulang-awit na mula rin sa panulat ni Cirio H. Panganiban.

Bilang makata kung saan siya higit na nakilala ay naipamana niya ang katipunan ng mga tulang kanyang nasulat sa isang aklat na binigyan ng pamagat na Salamisim na pinagsikapang ipalathala ni Teodoro Gener pagkamatay ni Cirio H. Panganiban.

Naging alagad siya ni Balagtas sa pagsulat ng tula. Tradisyunal ang istilo niya sa pagbuo ng tula subalit kinalaunan ay nagbago na rin ng istilo. Unang nakita ang pagbabagong anyo sa kanyang tula sa kanyang mga tulang Manika, Sa Habang Buhay at Three O'Clock in the Morning.


"Ang akdang ito ay katiting [stub]. Tumulong sa Wikifilipino at palawakin pa ito !"