Carlos "Botong" Francisco

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Mga nilalaman

Simula ng propesyon

Carlos “Botong” Francisco (Picture from ([1]).

Isinilang si Carlos "Botong" Francisco sa Angono, Rizal noong 4 Nobyembre 1913 at yumao noong 1969. Nagsimulang magtrabaho bilang layout artist at ilustrador sa Philippine Herald at Manila Tribune si Botong. Kabilang siya sa unang hanay ng mga guro sa bagong tatag noong UST School of Architecture and Fine Arts. Si Botong ay isa sa mga modernistang pintor na lumihis sa itinakdang kumbensiyon ng pagpipinta ni Amorsolo, at nagpasok ng sariwang imahen, sagisag, at idyoma sa pagpipinta.

Kasama sina Victorio C. Edades at Galo B. Ocampo, nagpinta siya ng sari-saring mural, gaya sa Bulwagan ng Lungsod Maynila; Capitol Theater; The Golden Gate Exposition, San Francisco; State Theater; at sa mga tahanan ng mga sikat na tao, tulad nina Ernesto at Vicente Rufino at Pang. Manuel L. Quezon. Makalipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Botong ang naging pangunahing pintor ng mural sa Filipinas.

Noong 1952, nagwagi ng komisyon at humamig ng pambihirang paghanga sa iba't ibang bansa ang kaniyang higanteng mural para sa First International Fair na ginanap sa Maynila, at may paksang na pinamagatang 500 Taon sa Kasaysayan ng Filipinas.

Ilang mga Obra

  • Kaingin
  • Camote-Eaters
  • Filipino Struggles through History
  • Pageant of Commerce
  • Life and Miracles of St. Dominic, 1954
  • Stations of the Cross, 1956
  • Rising Philippines, kasama si Victorio Edades at Galo B. Ocampo

Nagdisenyo rin siya ng mga kasuotan para sa Romeo at Julieta, Prinsipe Teñoso, Ibong Adarna, Siete Infantes de Lara (Seven Devils) at Juan Tamad.

Gawad at Parangal

Kabilang sa mga natamong gawad ni Botong ang una, ikalawa, at ikatlong gantimpala sa Botica Boei-Kalibapi Painting Contest. Nagwagi rin ng unang gantimpala si Botong noong 1948 sa timpalak ng Art Association of the Philippines, dahil sa kaniyang obrang Kaingin. Ginawaran siya ng Republic Cultural Heritage Award noong 1964, at itinanghal sa Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

Sanggunian

  • CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol IV. Philippine Visual Arts. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
  • Paras-Perez, Rod. Edades and the 13 Moderns. Manila: Cultural Center of the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, at Committee on Visual Arts, 1995.
  • Stangl, Jane. Kayumanggi: Biographies of Philippine Visual Artists. Lungsod Quezon: Peso Book Foundation, 2000.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

<no/include>