Batas Republika 9271

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Batas Republika 9271, higit na kilala sa taguring Quarantine Act of 2004 ( Batas sa Kwarantina), ay pinagtibay upang patatagin ang sistema ng pagsasagawa ng kwarantina o pagbubukod sa mga sasakyang panghimpapawid at pandagat na hinihinalang maaaring makagpadala ng nakahahawang sakit, at sa mga pasaherong may sakit o na-expose sa sakit ngunit hindi pa kinakikitaan ng sintomas nito. Pinawalang-bisa ng batas ang Batas Republika 123 na pinagtibay noong 1947. Pinalawig ng bagong batas ang hurisdiksyon ng Bureau of Customs kaugnay ng pagsasagawa ng kwarantina. Hindi na lamang mga barkong parating sa mga daungan at eroplanong parating sa mga paliparan ang sakop ng kawanihan kundi maging yaong mga paalis ng daungan o paliparan, nanggaling o papunta man sila sa ibayong dagat o sa ibang bahagi ng bansa.

Mga nilalaman

Mahahalagang Probisyon

Iniatas ng batas sa kawanihan ang pagsusuri sa mga barko at eroplano (kabilang yaong mga sa hukbong katihan at hukbong pandagat) kaugnay ng kanilang kalagayang pangkalinisan, gayundin ang kalagayan ng mga tripulante, pasahero at kargamento ng mga ito. Ang kawanihan din ang magbibigay ng kinakailangang sertipiko ng kwarantina, katibayan ng kaligtasang pangkalusugan at iba pang kaugnay na dokumento.

Binigyang-kapangyarihan ng batas ang direktor ng kawanihan, sa pagsang-ayon ng kalihim ng Departamento ng Kalusugan, na ipahayag at ipatupad ang kinakailangang mga panuntunan at regulasyon upang maiwasan ang introduksyon ng mga sakit mula sa ibang bansa papasok sa Pilipinas o mula sa isang bahagi ng bansa patungo sa iba, at ang pagkakasalin at pagkalat ng gayon mga sakit sa mga mamamayan. Kaugnay nito, maaaring isagawa ang inspeksyon, pagpuksa sa mga peste at mikrobyo, pagbabakuna sa pasaherong paalis ng bansa, pagsusuring medikal sa mga banyagang papasok ng bansa, at pagpatay sa mga hayop na napatunayang maaaring maging sanhi ng pagkalat ng sakit.

Nakasaad din sa batas na kapag lubos na kinakailangan upang pangalagaan ang kalusugang pangmadla, gagawing sapilitan ang pagsasagawa ng pagbabakuna at mga kauring hakbang sa mga pasaherong parating sa alinmang daungan o paliparan sa bansa.

Ayon pa sa batas, maaaring ipag-utos ng direktor ng kawanihan ang pagsusuring medikal sa sinumang pasahero ng sasakyang pandagat o panghimpapawid na papasok sa bansa kung siya ay inaakalang may nakahahawang sakit. Kapag natuklasang mayroon nga siyang sakit o dumaan sa sitwasyong lubhang nagpatataas sa posibilidad ng pagkakahawa, maaari siyang ibukod sa isang sasakyan, ospital, o pasilidad para sa kwarantina.

Itinatadhana rin ng batas na kapag mayroong mga kagipitang pangkalusugan sa ibang bansa at may nakaambang panganib na maipasok sa bansa ang mga kontaminadong bagay mula sa naturang bansa, maaaring ipagbawal ng pamahalaan ang pagpasok ng gayong mga bagay upang pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.

Ipinag-uutos ng batas ang pagsusumite ng mga sasakyang pandagat at panghimpapawid mula sa ibang bansa na papasok sa Pilipinas ng dokumento kaugnay ng kalagayang pangkalinisan ng sasakyan gayundin ng iba pang mga dokumento. Kinakailangan ding kumuha ng quarantine clearance ang mga ito. Yaong mga sasakyang paalis ng bansa ay kailangan ding kumuha ng quarantine outgoing clearance bago maglayag o lumipad palabas ng bansa.

Panlabas na Kawing

Sanggunian

  • RA09271. (Hinango noong 26 Enero 2009).

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.