Batas Republika 8191

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Batas Republika 8191, na kilala bilang National Diabetes Act of 1996 (Pambansang Batas sa Diabetes), ay pinagtibay upang bigyang-tuon ang pagpigil sa pagdami ng mga Pilipinong may sakit na diabetes mellitus. Ito ang nagbigay-daan sa pagpapatupad ng pambansang programa sa pagpigil at paggamot sa nabanggit na sakit. Pinagtibay ng Kongreso ang batas na ito noong 11 Hunyo 1996.

Mga nilalaman

[baguhin] Mahahalagang Probisyon

Itinatag ng Batas Republika 8191 ang National Commission on Diabetes sa ilalim ng Departamento ng Kalusugan. Naging tungkulin ng komisyon na pag-aralan ang epekto ng diabetes mellitus sa panlipunan at pangkabuhayang kalagayan ng mga indibidwal, pamilya, sambahayan, pamayanan at ng bansa; suriin ang kasapatan ng mga pambansang pondo at kagamitan na inilalaan para sa pagpigil sa pagkalat, pagsusuri at paggamot sa nabanggit na sakit; at pagbalangkas sa National Diabetes Prevention and Control Plan.

Bilang pagtalima sa itinadhana ng batas, ang naturang plano ay sumaklaw sa sumusunod:

  • (a) pagbubuo ng mga estratehiya at programa, kabilang ang mga kampanya para sa pagpapataas ng kamalayan at patuloy na edukasyon ng mga manggagawang pangkalusugan upang mapigilan ang pagkakaroon ng diabetes mellitus at mga komplikasyon nito;
  • (b) pagpapairal ng matipid at akmang pamamaraan ng screening para sa deteksyon ng diabetes mellitus habang nasa maagang yugto pa ito o yugtong hindi pa kinakikitaan ng sintomas;
  • (c) imbestigasyon sa mga salik na nagdudulot ng diabetes mellitus; dami ng mamamayang apektado; at paraan ng pagsusuri, paggamot, at pagpigil dito;
  • (d) ebalwasyon ng mga ginawang hakbang kaugnay ng pagkontrol sa diabetes mellitus;
  • (e) pagtatatag ng mga mekanismo upang mapagaan ang epekto ng diabetes mellitus sa panlipunan at pangkabuhayang kalagayan ng mga apektadong indibidwal at pamilya;
  • (f) pagakakaloob ng insentibo at suporta sa mga samahang binubuo ng mga apektadong indibidwal at pamilya;
  • (g) pagtatatag ng mga maayos na sistema sa pagharap sa diabetes mellitus at mga komplikasyon nito, na kasasangkutan ng mga doktor, mananaliksik, manggagawang pangkalusugan, at mga nagbibigay ng boluntaryong paglilingkod;
  • (h) pakikisangkot ng mga lokal na pamahalaan, kaagapay ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at samahang di-pampamahalaan, sa implementasyon ng mga programa sa pagpigil sa diabetes mellitus; at
  • (I) pana-panahong muling pagsusuri sa mga pangangailangan sa pananaliksik at mga posibilidad sa pagkontrol sa diabetes mellitus.

Tulad ng itinadhana ng batas, makalipas isumite ng komisyon ang kopya ng nabuong plano sa Kongreso at sa Kalihim ng Departamento ng Kalusugan ay nabuwag ito at naging Oversight Committee for the Prevention and Control of Diabetes. Tulad ng nabuwag na komite ay napailalim din ito sa Departamento ng Kalusugan. Naging responsibilidad nito ang pagsusuri at pagrerepaso sa pagpapatupad sa National Diabetes Prevention and Control Plan at ang paggawa ng kinakailangang mga rekomendasyon para sa mas mahusay na pagpapatupad ng plano. Nabuwag naman ito makalipas ang limang taon at naisalin sa Departamento ng Kalusugan ang lahat ng tungkulin nito.


[baguhin] Panlabas na Kawing

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.