Baro't Saya

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Ang pambansang kasuotan ng mga Pilipina na minsan ay tinatawag din Maria Clara

Ang Baro't Saya ay ang pambansang kasuotang pambabae ng Pilipinas na binubuo ng manipis at binurdahang pang-itaas, at palda o saya na makulay at kadalasang guhitan. Gamit ang bakya bilang sapin sa paa, ang mga kababaihang nagsusuot nito ay may hawak ding abaniko upang gawing pantakip sa kanilang mukha o kaya'y sa kanilang dibdib. Ang pagsusuot nito ay alinsunod sa utos ng mga Espanyol na takpan at damitan ang hubad na katawan ng mga katutubo, lalo na ng mga kababaihan, sa kanilang pagdaong sa bansa.

Mga nilalaman

Ang Pambansang Kasuotan

Isang konserbatibong kasuotan ang baro't saya. Dati ay naging kasuotan na ng mga katutubo ang isang mahabang tela na mahigpit nilang itinatapis sa kanilang baywang upang takpan ang ibabang bahagi ng kanilang katawan. Nang ipasuot sa mga Pilipino ang baro't saya, hindi nila iniwan ang nakagawian nilang pagsusuot ng tapis. Sa ibabaw ng kanilang mga saya ay ipinapatong nila ang kanilang mga tapis na animo ay apron upang ipagmalaki ang katutubong kasuotan nila.

Ang haba ng saya ay umaabot hanggang bukung-bukong at kung minsa'y sumasayad na sa lupa. Noong umpisa, ang saya ay yari lamang sa makapal na tela na kinulayan. Nang sumapit ang panahon ng matinding kalakalan sa ibayong dagat ay naging mas kaaya-aya ang ginawang disenyo sa kasuotang ito. Naging mas matingkad ang kulay at pinalamutihan pa ng mga laso at mamahaling tela.

Higit na bibinigyang-pansin sa paggawa ang maluwag pang-itaas na terno ng saya, ang camisa o baro. Mas manipis ang telang gamit dito, na karaniwan ay yari sa jusi, pinya o abaca kahalintulad ng ginagamit sa paggawa ng Barong Tagalog. Ito ay binuburdahan ng iba't ibang disenyo gaya ng dahon, bulaklak, puno at iba pa na kadalasan ay hango sa kalikasan. Nilalagyan din ito ng mga maliliit na butil ng makukulay na kristal at maliliit na sigay. Kung minsan, ang tagusang kulay ng baro ay kinukulayan upang bagayan ang tingkad ng saya nito. Upang higit na matakpan ang bahagi ng dibdib ay pinapatungan pa ito ng isang kuwadradong panyolito na tinatawag na alampay. Isang halimbawa ay si Teodora Alonzo, ang ina ni Jose Rizal, na nagsusuot ng de-alampay na baro't saya. Sinasabing iwinangis ang animo paru-paru na manggas ng baro sa kasuotan ng Nuestra Señora de las Remedios.

Kasalukuyan

Sa kasalukuyan, ang baro't saya ay madalas na makita sa mga mahahalagang pagdiriwang at kasiyahan sa Pilipinas. Karaniwang isinusuot ito ng mga pinuno ng gobyerno sa kanilang mga pagpupulong at ilang salu-salo. Sa mga pangkulturang pagtatanghal ay talamak din ang kasuotang ito. Naging isa rin ito sa mga produktong inaangkat sa ibang bansa para sa mga banyagang nagiliw sa ganda nito. Upang higit ding ipakita at ipagmalaki ang baro't saya, may ilang mga kumpanya ng laruan ang ginagamit itong damit sa kanilang mga manyika, halimbawa na dito ay ang Barbie.


Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.