Barlaan at Josaphat

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Barlaat at Josaphat.jpg

Ang Barlaan at Josaphat (1708) ang una't pinakamakabuluhang salin sa Tagalog ng prosang umiinog sa buhay ng dalawang santo. Ang buong pamagat ng aklat ay Aral na tunay na totoong pag aacay sa tauo, nang manga cabanalang gaua nang manga maloualhating santos na si Barlaan ni Josafat na ipinalaman sa sulat ni S. Juan Damaceno na salin sa Tagalog ni Fray Antonio de Borja. Inilathala ng Lacompania de Jesus ang akda at may pahintulot ni Pablo Clain, ang pinunong probinsiyal ng Kompaya ni Hesus sa Filipinas, at ni Arsobispo Arebalo, matapos suriin ni Padre Fray Nicolas De San Pedro na priyor sa bayan ng Pasig.

Umabot sa 553 pahina ang salin sa Tagalog ni Fray de Borja. Samantala, ang bersiyong inilahok ni Virgilio S. Almario sa bagong edisyon ay may kasamang modernisadong Filipino ang orihinal na tekstong Tagalog upang maging gabay sa pagbabasa ng bagong henerasyon.

Ayon sa pag-aaral ni Almario, ang Barlaan at Josaphat ay hango lamang isang sagradong kuwentong Buddhista na isinalin sa Latin at Espanyol mulang Griyego. Ipinaliwanag naman ni Resil Mojares na sa pagitan nina San Juan Damaseno na pinagmulan ng Griyegong teksto at ni Borja na nagsalin sa Tagalog ay maaaring ginamit din ni Borja ang saling Espanyol ng bersiyong Latin ng Barlaam at Josafat na sinulat ni Jocobo Biblio. Ngunit may pasubali si Almario na ang tekstong pinagbatayan ni Fray de Borja ay Espanyol imbes na Griyego. Sumang-ayon din si Almario sa mga saliksik na Balavariani na ang kuwento ng Barlaan at Josaphat ay hindi orihinal na akda ni San Juan Damaseno, bagkus “sinulat ng isang monghe sa monasteryo ng Sabbas na malapit sa Jerusalem.”

Mga nilalaman

[baguhin] Ang tagasalin

Si Fray de Borja ay isinilang sa Valencia, Espanya noong 1644. Naging misyonero siya at ipinadala sa Filipinas sa edad 27. Iba't ibang matataas na tungkulin ang hinawakan niya bago naging prokurador ng mga Heswita. Namatay siya noong 27 Enero 1711, tatlong taon pagkatapos payagan ng Simbahang Katoliko na ilathala ang kaniyang salin sa Tagalog.

[baguhin] Halaga ng akda

Para kay Almario, “makabuluhang mohon” ang Barlaan at Josaphat sa pormalisasyon ng wikang Tagalog. Napatunayan umano ng salin na may kakayahan ang Tagalog na magamit para sa sopistikadong paksaing panrelihiyon at pampolitika. Nalahukan din ang Tagalog ng Espanyol, at ito ang nagpayaman sa Tagalog bilang makabagong wika sa matataas na larang.

Ngunit higit pa rito, nagamit sa salin ang mga dalumat [konsepto] na Tagalog at inilangkap sa kaisipang Espanyol. Sa ganitong paraan, naging talaan ng wika't kaisipang Tagalog ang salin ni Borja na hindi na lamang makabuluhan noon para sa mga frayleng Espanyol bagkus maging sa kasalukuyang mag-aaral ngayon ng Tagalog na naghahanap na bagong bukal ng katutubong dalumat.

[baguhin] Sanggunian

  1. Almario, Virgilio S. editor. Barlaan at Josaphat, Modernisadong Edisyon ng salin ni Fray Antonio de Borja. Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2003.
  2. Balmaseda, Julian Cruz. “Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog,” sa Publications of the Institute of National Language, vol. IV, blg. 3. Maynila: 1938.
  3. Lumbera, Bienvenido. Tagalog Poetry 1570–1898. Lungsod Quezon. Ateneo de Manila University Press, 1986.
  4. Mojares, Resil B. Origins and Rise of the Filipino Novel. Lungsod Quezon: University of the Philippines Press, 1983.

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.