Barangay

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

(Upang mabása ang mga kaugnay na artikulong nasusulat sa Ingles, pindutin ang Barangay at Balangay). Ang sumusunod na artikulo ay orihinal na isinulat sa Filipino para sa mga mambabasa ng Wikifilipino.

Mga nilalaman

[baguhin] Pakahulugan

Kung lilikha ng bagong diksiyonaryo, maaaring makatagpo ng sumusunod na lahok upang ipakahulugan ang dalawang salitang magkasingkahulugan sa ilang aspekto.

  1. Barangay [Sinaunang Bisaya at Tagalog, ba·ra·ngáy] pangngalan 1: ang tawag sa sinaunang sasakyang pandagat na malaki at malapad, may katig at layag, sinasagwan ng ilang tao upang umusad, at ginagamit sa malayuang paglalakbay: balangáy 2: ang sistemang pampolitika na may pinakamaliit na bahagi sa pamahalaang lokal: baranggáy 3: pangkat ng mga kawal: balangay.
  2. Balangay [Sinaunang Bisaya at Tagalog, ba·la·ngáy] pangngalan 1: ang tawag sa sinaunang sasakyang pandagat na malaki at malapad, may katig at layag, sinasagwan ng ilang tao upang umusad, at ginagamit sa malayuang paglalakbay: barangay 2: pangkat ng mga kawal.

Hindi dapat ipagtaka ang ganitong mga pakahulugan. Kung babalikan ang kasaysayan, ani istoryador na si William Henry Scott, ang barangay o balangay ay malaki ang kinalaman hindi sa lamang sa pagdaragat, bagkus maging sa matalik na ugnayan ng mga tao na naninirahan sa dalampasigan at umaasa ng ikabubuhay sa tubigan.

[baguhin] Ugat ng salita

Nagmula sa iisang tabas ang mga salitang “barangay” at “balangay” na pawang tumutukoy sa malalaking uri ng bangka, o kaya'y sa pinakamaliit na sistemang pampolitika ng isang bayan, kung babalikan ang etimolohiya ng dalawang salita. Ito ang nabatid ni Scott, habang pinag-aaralan ang salimuot ng salita at katutubong konseptong taglay nito.

Ang kauna-unahang banggit sa balangay ay matatagpuan sa talâ ni Antonio Pigafetta sa kaniyang Primo viaggio intorno al mondo (Unang paglilibot sa buong daigdig, 1524). Ikinuwento ni Pigafetta na isinama siya ng hari ng Mazaua (o mas kilala bilang Limasawa)—sampu ng mga kasama nitong pinuno—upang ipakita ang mga bundok at lambak na hitik sa ginto sa pulong sakop ng Butuan at Calaghan. Napagod umano si Pigafeta sa maghapong paglilibot, at nang pabalik na ito sa kaniyang galeon ay inihatid siya ng hari sa pamamagitan ng balangay.

Balanghai at balangai ang ispeling na ginamit ni Pigafetta sa kaniyang talâ, at ipinadron ang bigkas sa Italyano imbes na Espanyol. Mahihinuha na magiging “ba·lan·ngay” ang bigkas niyon, imbes na “ba·lang·hay” dahil wala namang tunog ang titik “h” sa kapuwa Italyano o Espanyol kapag dumikit sa malakas na katinig. Kung gagamitin ang pamamaraan ng pagbigkas sa Espanyol, ang mahinang patinig na "i" sa "balangai" ay sumasanib sa malakas na patinig na "a". Ang bigkas kung gayon sa Espanyol ay ba·lan·ngay.

Nakatala naman sa Diccionario bisaya-español y español-bisaya (1885) ni Juan Felix de la Encarnación ang ispeling na “balañgay.” Walang kambal katinig na “ng” sa Espanyol, at mahihinuhang ang paglalagay ng “ñg” ay pagsisikap na isunod ang bigkas ng Espanyol sa bigkas ng Bisaya. Lilipas ang sampung taon at lilitaw sa Diccionario Hispano-bisaya y bisaya-español (1895) ni Antonio Sanchez de la Rosa ang salitang “barangay.” Muli, ang bigkas ng naturang salita ay “ba·ra·ngay” imbes na “ba·ran·gay.”

Pinansin ni Scott na ginamit ni Pigafetta ang kapuwa ispeling ng “balangai” at “balanghai” na puwedeng bigkasin nang “ba·lan·ngay” kung magiging batayan ang wikang Italyano. Ang kakatwa pa, dagdag ni Scott, ay nang mahukay ang antigong bangka sa Butuan, tinawag iyong “ba·lang·háy.” Isang mabigat na pagkakamali iyon, aniya, dahil walang gayong salita sa anumang wika sa Pilipinas; at nagkataong sumikat pa ang bigkas!

[baguhin] Ang pamayanan

Nabatid din ng mga Kastilang napadaong sa Luzon na ginagamit na noon ang salitang “barangay” o “balangay” bilang pantukoy sa pangkat ng mga tao na may pinakamaliit na samahang pampolitika. Isinaad ni Juan de Plasencia na ang nasabing pamayanan ay pinamumunuan ng datu, at sumasaklaw sa 30–100 bahayan ng mga Tagalog. Ang buong barangay ay tila isang malaking pamilyang “may magulang, anak, alipin, at kamag-anak.” Ayon kay Scott, walang pasubaling ang mga ninuno ng Tagalog ay nakarating sa arkipelago sa pamamagitan ng malalaking bangka, ngunit imposibleng mapanatili ang gayong uri ng sistema sa libo-libong taon.

Nakasalalay ang ikabubuhay ng mga Tagalog noon, o ng iba pang lipi, sa tubigan. Nakabatay din ang sistema ng transportasyon sa tubigan, at kaugnay iyon ng kalakalan at serbisyo. Nang mahawan ang kagubatan, ani Scott, napalaya sa tubigan ang mga tao. Sumalalay ang bagong ekonomiya sa panlupang transportasyon. Mahalaga, kung gayon, ang papel na ginagampanan ng datu. Ang datu ang tagapagbuklod ng bayan, gaya lamang ng paghahari ng sultan sa mga datu sa katimugan ng kapuluan. May kapangyarihang makapagsarili ang datu sa kaniyang nasasakupang pamayanan, at ito ay kailangang igalang kahit ng sultan, upang manatiling tapat sa kaniya ang datu.

[baguhin] Pampolitikang gamit

Binuhay noong administrasyon ni Pang. Ferdinand E. Marcos ang salitang "barangay" upang itaguri sa mga pook na dating tinatawag na "baryo." Gayunman, Ingles ang ginawang pamantayan ng bigkas (i.e., ba·rang·gáy). Barangay ang pinagtuonan ni Marcos sa pagbubuo ng maliliit na pamayanan tungo sa bisyon niyang tinawag na "Bagong Lipunan." Sa nasabing panahon, nauso ang Kabataang Barangay na si Imee Marcos ang mukha ng modelong pamumuno. Ngunit ang kapangyarihan ay naging labis na sentralisado sa pambansang pamahalaan. Walang sapat na pondo ang karamihan sa mga barangay upang makapagpatakbo ng mga proyektong makatutulong sa kanilang nasasakupan.

Nilutas ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991 ang nabanggit na problema. Nabuo sa bisa ng naturang batas ang Liga ng mga Barangay na binubuo ng halos 42 libong barangay sa buong bansa. Layon nitong matiyak ang pagkatawan ng barangay sa mga sanggunian; at nang maihayag ang mga usaping makaaapekto sa pamamahala ng barangay habang naghahanap ng sagot sa anumang gusot o alalahanin. Higit pa rito, binigyan din ng kapangyarihan ang mga barangay na makapagsarili, makapagpundar ng pondo sa pamamagitan ng buwis at iba pang pagkilos, nang hindi gaanong nakasandig sa pambansang pamahalaan.

[baguhin] Estruktura ng barangay

Maliit ngunit epektibo ang estrukturang pampolitika ng barangay. Ito ay binubuo ng isang punong barangay, pitong kagawad, at isang punong Sangguniang Kabataan na pumapapel ding kagawad. Ang mga kagawad ang bumubuo ng konseho na gumagawa ng mga ordinansa sa barangay, bukod pa sa nangangasiwa ng mga sumusunod na lupon: Kapayapaan at Kaayusan; Impraestruktura; Edukasyon; Kalusugan; Agrikultura; Turismo; Pananalapi; at Kabataan at Isports. Sa ganitong sistema, nabibigyan ng oportunidad ang barangay na makapagpasiya kung ano ang dapat gawing prioridad na proyekto.

Ang iba pang tao na bumubuo ng barangay ay ang Lupong Tagapamayapa na may 10–20 kasapi; at mga Barangay Tanod. Sinisikap ng Lupong Tagapamayapa na lutasin ang maliliit na gusot sa hanay ng mga pamilya o residente nang hindi na umabot pa sa korte ang away. Sa ganitong sistema, nakatutulong ang barangay na mabawasan ang kasong iniaakyat sa hukuman at makatitipid ang mga partidong nag-aaway. Sakali't hindi malutas ng Lupong Tagapamayapa ang problema, magbibigay ng sertipiko ang barangay kapitan para maiakyat sa korte ang kaso.

[baguhin] Bagong gamit

Habang lumilipas ang panahon, nadaragdagan ang gamit, konsepto, at pag-unawa ng mga tao hinggil sa "barangay" o "balangay." Noong 1939, itinatag ni Lamberto Avellana at ng kaniyang esposang si Daisy ang Barangay Theatre Guild. Nagpalabas ng mga modernong dula ang BTG, na binubuo noon ng mahuhusay na aktor mula sa akademya at iba pang larang. Noong dekada nobenta, pinasikat ni Robert Jaworski ang Barangay Ginebra, na naging Barangay Ginebra Kings pagkaraan, sa larangan ng basketbol. At pagsapit ng siglo 21, ang salitang "barangay" ay hindi na lamang esklusibo sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa na may mga pangkat o pamayanan ng Pilipinong ibig magtipon-tipon. Halimbawa, may Barangay Wellington sa New Zealand at Barangay Filipino sa New England para sa mga Pilipinong naninirahan o nagtatrabaho sa naturang mga lugar. O kaya'y may kapisanang tinaguriang Barangay (Ingles ang bigkas) upang isulong ang simulain ng mga baklang Pinoy.

[baguhin] Pangwakas

May batayan ang salitang “barangay” para itumbas sa “pinakamaliit na sistemang pampolitika” sa pamahalaang lokal. Samantala, ang “balangay” ay nanatili na lamang na taguri sa sinaunang malaking bangka. Ano't anuman, dapat pa ring tandaan ng mga Pilipino ang sinaunang bigkas ng dalawang salita nang maituwid ang malaking pagkakamali ng mga antropologong nakahukay ng mga piraso ng sasakyang pandagat sa Butuan noong Oktubre 1976.

[baguhin] Sanggunian

  1. Encarnación, Juan Felix de la. Diccionario bisaya-español y español-bisaya. Manila:1885, tingnan sa The Philippine Islands 1493–1898, Emma Helen Blair at James Alexander Robertson, mga editor. Tomo 33: 344.
  2. Pigafetta, Antonio. Primo viaggio intorno al mondo, tingnan sa The Philippine Islands 1493–1898, Emma Helen Blair at James Alexander Robertson, mga editor. Tomo 33: 199–205.
  3. Rosa, Antonio Sanchez de la. Diccionario Hispano-bisaya y bisaya-español. Manila: 1895, tingnan sa The Philippine Islands 1493–1898, Emma Helen Blair at James Alexander Robertson, mga editor. Tomo 33: 344.
  4. Scott, William Henry. Barangay Sixteenth-Century Philippine Culture and Society. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1994, mp. 4–6.
  5. www.barangayfilipino.com/
  6. www.bhong.com/ginkings
  7. www.geocities.com/barangayla/
  8. www.nz-philsociety.wellington.net.nz/


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.