Banog

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Philippine Eagle [1]

Ang Banog o Philippine Eagle ((Pithecophaga jefferyi)) ang isa sa mga pinakamalaking agila sa daigdig na matatagpuan sa mga isla ng Luzon, Samar, Leyte at Mindanao.

Mga nilalaman

[baguhin] Katangian

May iba-iba itong tawag; haribon (haring ibon), manaol (ang matandang tawag sa agila ng mga Tagalog at Bisaya), garuda, at malambagook. May taas ito na 1.021 metro mula sa dulo ng tuka at hanggang sa dulo ng buntot at ang mga mata nito ay kulay abuhing asul. Ang pugad nito ay matatagpuan sa mga puno na may taas na 120 dipa mula sa lupa. Ang itlog nito ay halos sinlaki ng kamao. Nagsisimula itong magligawan nang Hulyo, at nagpupugad sa mga buwan ng Setyembre hanggang Disyembre. Walo hanngang sampung araw bago mangitlog, matamlay at hindi kumakain ang banog na babae. Matapos ito mangitlog bandang hapon o takipsilim. Inaabot ng 58 hanggag 68 araw ang paglilim ng itlog na ginagawa ng Banog na lalake at babae. Pagkatapos mapisa ang sisiw ay mananatili sa pugad ng limang buwan.

[baguhin] Pinakamalaking Ibon

Ang Banog ay itinuturing na pinakamalaking ibon sa buong mundo ngunit pumapangalawa ang bigat nito sa Harpy Eagle ng matatagpuan sa Timog Amerika. Natagpuan ni John Whitehead ang Banog noong 1896 sa Samar. Nakilala rin itong "monkey-eating-eagle" dahil sa pagkain ng unggoy,bagaman kumakain din ito ng butiki, musang, manok, paniki, usa, lawin, daga, at ahas. Noong ika-16 Disyembre 1986, sa pagtitipon sa London ng British Ornithologists' Club, inilarawan ni Ogilvie Grant ang Banog at binigyan pangalang siyentipiko na Pithecophaga jefferyi. Nagmula ito sa salitang Griyego na pithekos na nangangahulugang unggoy at phagien, tagakain. Isinunod naman sa pangalan ng ama ni Whitehead ang jefferyi.

[baguhin] Tirahan at pag-uugali

Dahil walang ibang maninilang hayop sa Pilipinas na mas nakalalamang, ang Banog ay nangibabaw sa mga hayop sa mga kagubatang sinasakupan nito at naging dahilan din ito sa pagkakabansag dito na hari ng mga ibon. Ang bawat pares ng Banog ay nangangailangan ng malawak na lugar upang makapagpalaki ng isang sisiw. Dahil dito, lubhang naaapektuhan ang Banog ng pagkakalbo ng kagubatan.

Ang paglipat ng Banog ay mabilis at maliksi na mas naaayon sa mga maliliit na lawin imbis na as mga iba pang malaking ibong mangangaso.

Naglalaro ang mga batang Banog sa pamamagitan ng pagkapit sa mga butas sa tabla ng mga puno gamit ang kanilang mga kuko, pag-eensayo ng balanse gamit ang kanilang mga buntot at pakpak, at pagdungaw ng kanilang ulo sa mga lukab ng puno. Sinasalakay din ng mga batang Banog ang mga bagay na hindi gumagalaw at sinusubukang bumitin nang patiwarik mula sa mga puno. Dahil wala ang mga magulang na Banog habang nangyayari ang mga paglalarong ito, napagpasyahang hindi kasangkot ang mga magulang sa pag-eensayo ng mga batang Banog sa pangangaso.

Ang buhay ng isang Banog ay umaabot ng 30 hanggang 60 taon. Sa isang zoo sa Roma, nabuhay ang isang Banog ng 41 taon. Gayon pa man, pinaniniwalaang mas matagal mabuhay ang mga Banog kapag nasa pangangalaga ng mga tao kung ihahambing sa mga ligaw.

[baguhin] Pagkain

Natawag na Philippine Monkey-Eating Eagle ang Banog dahil inakalang pulos mga unggoy ang kinakain nito ngunit napabulaanan na ito. Iba-iba ang pangunahing pagkain ng mga Banog depende sa rehiyon kung saan nakatira ang bawat ibon dahil iba-iba rin ang mga hayop sa bawat lugar. Bilang halimbawa, ang mga Philippine flying lemur ay ang pangunahing pagkain ng mga Banog sa Mindanao ngunit hindi ito totoo para sa mga Banog sa Luzon dahil walang mga lemur doon. Ang pangunahing pagkain ng mga Banog sa Luzon ay kasalukuyang hindi tiyak. Napag-alamang kumakain ang mga Banog ng mga unggoy, butiki, at ibon. May mga panaliksik na rin na nagsasaad na nandadagit din ng mga biik at maliliit na aso ang mga Banog paminsan-minsan. Sa mga lugar na kinatitirhan ng mga flying lemur, bumubuo ang mga ito ng 90% ng pagkain ng mga Banog.

Natatanaw rin na magtulong sa pangangaso ang mag-asawang Banog. Hahabulin ng isa ang mga pakay habang nakaabang ang isa pa upang sumalakay habang nakabaling ang atensyon ng kanilang pakay sa humahabol.


[baguhin] Pagpaparami

Dalawang taon ang karaniwang itinatagal ng pag-aanak ng mga Banog. Ang babae ay nagiging handa sa pagsisiping sa edad na limang taon at ang mga lalaki naman ay sa pitong taon. Katulad ng ibang mga agila, kapag nakapili ng kabiyak ang Banog ay mananatili ito sa kabiyak nito habambuhay ngunit kung namatay ang isa ay karaniwang hahanap ang Banog ng bagong asawa.

Ang simula ng panliligaw ay sinasagisag ng paggawa ng pugad at ang pamamalagi ng Banog rito. Ang mga pagpapakitang gilas sa himpapawid ay kasama rin sa mga ritwal ng panliligaw. Nabibilang sa mga pagpapakitang gilas na ito ang sabay na paglipad sa nasasakupang lugar, ang paghabol ng lalaking Banog sa babaeng Banog sa isang hiwas na pagpanaog, at ang pagpapakita ng mga kuko sa isa't-isa. Nagpapahiwatig din ang mga Banog sa pamamagitan ng pagtilaok. Ang senyales ng pagiging handa sa pagsisiping ay ang pagdadala ng ibon ng mga materyales para sa kanyang pugad. Nagaganap ang pagsisiping ng paulit-ulit sa pugad mismo at sa mga malalapit na sanga. Ang pinakamaagang naitalang pagliligawan ay naganap sa Hulyo.

Ang pagsisiping mismo ay nagsismula sa Setembre at Pebrero. Ang eksaktong buwan ay depende sa kung saang isla sa Pilipinas tumatahan ang mga ibon. Nakakaapekto din ang pagbuhos ng ulan at ang pagliit ng kagubatan na sanhi ng sobrang pangangahoy. Ang mga pugad ay ginagawa sa mga punong bukas ang tuktok.

Banog [2]

[baguhin] Nanganganib

Ang mga banog ay isa sa mga nanganganib na uri ng ibon sa buong mundo. Nawawala ang nakamihasnan nitong kapaligiran at pagkain bunga ng malawakang pagtrotroso sa kaingin. Kaya naman, ipinasa ang Republic Act No. 6147 upang protektahan ang Banog laban sa mga panganib. Bumuo din ng isang organisasyon na tinwag na Philippine Eagle Foundation, upang magsawagawa ng pagtatambal sa mga banog para magkaroon ng supling ang mga ito at lunasan ang pagkaubos. At noong 1992, ipinanganak si "Pag-asa" na ngayon ay isang simbolo ng paglaganap ng pangangalaga sa kalikasan. Noong 1995, sa bisa ng Proclamation No. 615 ni Pangulong Fidel Ramos, inideklara ang banog bilang pambansang ibon kapalit ng maya.

[baguhin] Panlabas na Kawing

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.