Bangkabangka (Boat Motif)

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang bangkabangka, isang disenyong pansining ng Sulu, ay isang simbolo nang paraan ng pamumuhay ng mga katutubo kasama ang dagat. Sa katunayan, ang disenyong ito ay may malaking parte sa buhay ng mga katutubo.

Sa kapanganakan, karamihan sa mga sanggol ay pinapatulog sa buwahan (cradle) na may anyo na kawangis ng hugis ng isang bangka. Mula pagkabata hanggang pagtanda, bawat isa ay nakararanas ng tradisyunal na musika na tinutugtog sa mga instrumentong tulad ng kulintangan, gabbang at bintang, na suportado ng isang pahalang na hugis-bangkang paragan (wooden rack or frame). Ang agung ay tinutugtog naman sa isang hugis-bangkang cross bar na gawa sa kahoy at napapalamutian ng mga pininta o iniukit na disenyong ukit.

Para sa pagtulog, mayroong hinabing tepo o baluy (sleeping mat), na may tinibi o tinaluk nabal (boat-form o mast) na disenyo. Para naman sa pagbayo ng mais, bigas o nganga, ang hugis-bangkang linsungan (mortar) ay kadalasang abstrak upang umangkop sa sinadyang gamit nito. Kabilang naman sa regalong inihahandog ng lalaki sa pamilya ng babae na kanyang mapapangasawa ay ang isang magandang kaayusan ng mga perang papel na nakatali sa crepe paper na mga bulaklak na nakakabit sa lukun (money tree) na nakatayo naman sa isang hugis-bangkang patungan.

Karapat-dapat na bigyang pansin din ang paggamit ng disenyong ito sa mga kubul (grave surround o frame) at sa patungan ng lalaking sunduk na gawa sa kahoy o batong-koral ng mga katutubong manlililok. Ang partikular na paggamit ng anyo ng bangka ay may kaugnayan sa tradisyon ng boat-coffin na sinusunod hindi lamang sa Timog-Silangang Asya ngunit pati na rin sa ibayo.

Ang mga patunay ng tradisyon ng boat-coffin sa paglilibing ay natuklasan na sa Pilipinas. Kabilang dito ang kweba ng Tabon na makikita sa Palawan kung saan natagpuan ang Manunggul jar na nagpapakita ng disenyong bangkabangka sa takip nito.

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


[baguhin] Sanggunian

  • Amilbangsa, Ligaya Fernando. Ukkil: Visual Arts of the Sulu Archipelago. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2005.