Balita: Mga Kabataan sa Rehiyon, Magaling sa Filipino

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Nagwagi ang mga pahayagang pampaaralan ng mga taga-lalawigan sa timpalak na ginanap sa National Schools Press Conference sa Lungsod Baguio noong Disyembre 2007. Ang kakatwa'y inilampaso ang mga taga-Kalakhang Maynila sa wikang inakala nilang gamay na nila.

Nanguna ang pahayagang Ang Pastol ng Mataas na Paaralan ng Lungsod General Santos sa hanay ng sanlibong pahayagang pampaaralan sa buong bansa. Pumangala ang Metrians na mula pa rin sa Lungsod General Santos, at pumangatlo ang Ang Luad ng Mataas na Paaralan ng San Matias na mula sa Pampanga. Samantala, nakopo ng Ang Sinag ng Daniel R. Aguinaldo Memorial National High School ng Lungsod Davao ang ikaapat na puwesto, at nakuha ng Ang Palawanian ng Lungsod Puerto Princesa ang ikalimang puwesto.

Itinaguyod ng Departamento ng Edukasyon ang nasabing timpalak, at kinuha ang serbisyo ng mga batikang peryodista upang husgahan ang nilalaman ng editoryal, estilo ng pagsusulat ng balita, disenyo, at iba pang tampok na lathalain.

Sanggunian

  • Rimando, Tony Pe. “Non-Tagalog regions win student newspaper contest,” mula Manila Bulletin, 6 Enero 2008, Tomo 421, Bilang 6, p. 8.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.