Balita: Kampanya Laban sa Droga

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Dahil sa patuloy at talamak na bentahan at paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa Pilipinas, noong 13 Enero 2009 ay ipinoroklama ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kaniyang sarili bilang anti-drug czar. Ito ay matapos kumalat ang alegasyon na tumatanggap ng suhol ang mga inatasan niyang prosekudo at piskal mula sa mga taong nahuhulihan nila ng droga, partikular na sa kaso ng tinaguriang “Alabang Boys.” Ayon kay Arroyo, personal niyang hahawakan pansamantala ang kampanya ng pamahalaan kontra-droga upang matiyak na ang bawat detalye ay matututukan. Kasabay nito ay inanyayahan niya ang lahat ng sektor ng lipunan – ang lokal na pamahalaan, Simbahan at mga paaralan, lalo na ang Kagawaran ng Katarungan at Philippine Drug Enforcement Agency – na makipagtulungan upang masugpo ang lumalalang suliranin sa iligal na droga.

[baguhin] Pinaigting ang kampanya

Upang pagtibayin ang lakas sa pagsugpo ang lumalalang kaso ng gumagamit at nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot, ipinagutos ni Jesus Versoza, Director General ng Philippine National Police na magsagawa ng random drug test sa iba't ibang parukyano ng mga bars at iba pang lugar pasyalan at gimikan sa Kalakhang Maynila. Ngunit upang hindi maapakan ang karapatang pantao ng mga maaaring mapuntiryang parukyano, hihingin muna nila ang pag-sang-ayon ng kanilang susuriin, batay na rin sa isinasaad ng Dangerous Drug Act. Isasagawa nila ang pagsusuri sa kooperasyon na rin ng mga may-ari ng establisyementong kanilang papasukin.

Batay sa mga imbestigasyong isinagawa ng Regional Anti-Illegal Drug Special Operations Task Group sa pamumuno ni NCR Police Office Director Leopoldo Batoil, ilang mga establisyimento sa mga lungsod ng Makati, Taguig, at Quezon ay nakumpirmang may talamak na bentahan ng ipinagbabawal na gamot. Ang mga ito ang sisimulang siyasating ng Philippine Drug Enforcement Agency, sa pakikipagtulungan na rin ng mga may-ari ng mga gusali.

Isa pang pinag-aaralang solusyon ay ang pagsasagawa rin ng random drug testing sa mga mag-aaral ng hayskul sa iba't ibang paaralan sa Kalakhang Maynila. Maraming butas pa ang nasisilip sa balaking ito. Una, ang pagsasagawa ng pagsusuri sa mga estudyante ay maaaring isang paglabag sa kanilang right against incrimination. Pangalawa, sino ang gagawa ng pagpili sa gagawing random drug testing? Pangatlo, hindi pa malamang kung saan manggagaling ang pondong gagamitin sa pagsasagawa ng pagsusuri, kung sa pamahalaan, paaralan o s mga estudyante? Panghuli, ano ang karampatang parusang ipapataw sa mga mag-aaral na magiging positibo sa ipinagbabawal na gamot? Dahil sa mga ito, isang masinsinang pagpupulong pa ang kinakailangan upang bago isagawa ang naturang plano ay walang suliraning makakaharap ang awtoridad, maging ang mga estudyante.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.