Balita:Brigada Eskwela (Bayanihan Para sa Paaralan)

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Bayanihan ng Paaralan

Ang Brigada Eskwela na orihinal na pinasimulan ng Kagawaran ng Edukasyon ay ang boluntaryong pagpupunyagi nang pinagsama-samang pagtutulungan ng mga guro, magulang, komunidad at iba pang organisasyon upang linisin at isaayos ang kani-kanilang paaralan para sa pagsisimula ng pasukan. Ang tampok na kontribusyon sa simulaing ito ay ang pagkakaloob ng kanilang puso at panahon alang-alang sa diwa ng pakikiisa na siyang tatak ng pagiging isang tunay na Pilipino.

Mga nilalaman

Mga Aktibidad

Isinulong noong 2003, ang Brigada Eskwela ay isang malawakang adhikain na laganap sa buong bansa na humihikayat sa mga boluntaryo upang magkaloob ng mga materiyales na gagamitin sa pagbubuo at pagtatayo ng mga sirang bahagi ng paaralan kagaya ng kahoy, semento, at pintura. Sa unang linggo ng simulain, ang mga boluntaryo ay nagsasagawa ng tungkulin na ihanda ang mga eskwela bago magsimula ang pagbabalik sa eskwela ng mga mag-aaral. Mga simpleng pagkukumpuni ng mga upuan at lamesa, pagpipinta, pagsasaayos ng mga sirang bintana, pintuan, at gripo, sa pakikipagtulungan ng ibat ibang organisasyon at korporasyon. Anupat isang tunay na bayanihan ang kaluluwa ng adhikaing ito.

Diwa

Ang Brigada Eskwela ayon kay Education Secretary Jesli Lapus,ay ang modelong nilikha ng Kagawaran ng Edukasyon na nagpapakita ng taospusong Bayanihan- ito ang sagradong tradisyon ng pagboboluntaryo na nararapat imulat sa bawat batang Filipino.

Ang tunay na kaluluwa ng Brigada Eskwela ay kung paano ituturo sa mga kabataan,kung ano ang katuturan ng komunidad at ng sangkatauhan.Ang leksyon ng Brigada Eskwela ay ang leksyon ng pagiging isang tunay na Filipino.

Suporta

Sa Catbalogan City ay iniulat na ang hukbo ng mga sundalo ng 8th Infantry Division ay patuloy na nagbibigay ng tulong hindi lamang sa pagpapanatili ng katahimikan sa komunidad kundi maging sa pagbibigay ng suporta sa Brigada Eskwela. Nagpakalat ng mga sundalo na nakatalaga sa Catarman, Northern Samar para sa dakilang adhikaing ito sa kapakinabangan ng mga mag-aaral ng Northern Samar. Isinagawa ito sa Mababang Paaralan ng Barangay Mayro, Lope de Vega, Northern Samar noong Mayo 18, 2009 bago magbukas ang klase ngayong Hunyo 2009.

Ang asosasyon ng mga guro at magulang, lokal na gobyerno at mga opisyales ng Barangay ay tulong-tulong na nagkapit-kamay sa paglilinis , pagpipinta ng mga silya, mesa at mga pisara at pagkukumpuni ng mga silid-aralan.

Ang Oplan BalikEskwela ay bahagi ng paghahanda para sa pagbubukas ng klase ngayong 2009-2010.

Sa Carmen Bohol, ang 802nd ng 18th ID ay sumali rin sa Brigada Eskwela 2009. Nakatalaga ang grupo sa Camp Rahaj Sikatuna, Barangay Katipunan kung saan pinalitan nila ang lumang karatula ng naturang eskwela. Kanila ring nilinis ang hardin ng Katipunan National High school. Pinangunahan ni Ssgt. Eduardo Dulfo ang mga sundalo at CAFGUs upang sumali sa mga guro, magulang at mag-aaral na maayos at mapanatili ang kaayusan ng mga pasilidad ng paaralan bilang paghahanda sa pagsisimula ng klase ngayong Hunyo 2009. Pinasalamatan ng prinsipal ng paaralan na si Lourdes Flores ang mga boluntaryo ng Hukbo sa ilalim ng pamamahala ni Col. Alana Luga, Brigade Commander, ang kanilang bisyon na matulungan ang mga pampublikong paaralan na makahikayat ng interes sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan nito.

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.