Balita:Bagsik ng Bagyong Frank

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Kagimbal-gimbal ang kalupitang iniwan ng Bagsik ng Bagyong Frank.Alas otso ng gabi noong Biyernes, Hunyo 20,2008 ay lumayag mula sa Maynila patungong Cebu ang MV Princess of the Stars. Ang naturang barkong pantawid dagat ay pag-aari ng isang Filipino shipping company, ang Sulpicio Lines. Lumisan ang barko sa kasagsagan ng bagyong Fengshen (na binigyang pangalang “Frank”) kung saan direktang tinamaan ang Romblon. Ang MV Princess of the Stars ay ginawa noong 1984. Maaari itong magkarga hanggang 1,9992 katao.

Mga nilalaman

Ang Trahedya

Nasiraan ang MV Princess of the Stars ng makina at sinalubong ng bagyo sa laot. Lumubog ito sabado ng tanghali, Hunyo 21. Naglalaman ng mahigit 800 katao, at tinatayang may bilang na singkuwenta ang lulang sanggol at mga bata. Higit na dumarami ang naitalang nasawi sa paghagupit ng bagyo. Ayon sa huling ulat ng National Disaster Coordinating Council, (NDCC), umabot na sa 117 ang mga namatay, 139 ang malubhang nasugatan, at 44 ang naiulat na nawawala. Ang mga relief operations ay nakasentro sa Panay Island, Central Visayas, Eastern Visayas partikular sa Panay, Negros, at Mindanao. Ayon pa sa mga ulat, kung saan-saang lugar napadpad ang inanod na labi ng mga biktima ng naturang bagyo. Ngunit may ilang pinalad na mabuhay tulad ng 28 katao na maayos na nakaligtas matapos makayanang makalangoy patungo sa pangpang ng bayan ng Mulanay sa lalawigan ng Quezon.

Pag-asa sa Gitna ng Dilim

Masusing pinag-aaralan ng mga maninisid at ng US Navy kung paanong gagalawin ang MV Princess of the Stars sa pamamaraang hindi magkakaroon ng oil spill at hindi lulubog nang mas malalim ang naturang barko. Nais nilang makumpirma ang loob ng barko at makita kung may buhay pang nalabi dito. Hindi ganoon kadaling sagipin ang barko dahil sa mapanganib nitong posisyon.

Inaasahan ng mga awtoridad na makapagliligtas pa ng maraming buhay mula sa tumaob na barko matapos makalikom ng mga ulat na may ibang nakaligtas na pasahero na tinangay sa pampang at nasa pangangalaga ng komunidad sa baybayin-dagat. Nananawagan sila sa mga opisyales ng Barangay na kungsakaling may mga naanod na pasahero ay ipaalam agad sa kanilang lokal na pamahalaan upang makalap ang mga ito at mabigyan ng karampatang lunas.

Ngitngit ng Pamilya ng mga Nasawi

Higit lalong hinigpitan ang sekyuridad sa tanggapan ng Sulpicio Lines upang makaiwas sa maaaring gawin ng mga naulila ng mga biktima. Sumusulak ang galit na nag-aabang ang mga ito ng balita tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay na hindi pa rin matagpuan kung saan napadpad.Ipinakikiusap din nilang dalhin sila sa [Cebu] upang makita ang mga labi na naging biktima ng trahedya. Nag-aalala sila sa kalagayan ng mga bangkay na maaaring hindi na nila makilala dahilan sa pagkabulok. Sa kasalukuyan ay tanging ang manangis na lamang at mag-ukol ng panalangin para sa kanilang mga minamahal ang tangi nilang magagawa.

Sanggunian

  • [1] Abs-cbn news]. (hinango noong Hunyo 25, 2008).
  • gmanews. (hinango noong Hunyo 25, 2008).
  • e-commuter express news. Silverstream Publishing Co. Makati City:2008

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.