Balagtasan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang balagtasan ay isang pagtatalo sa pamamagitan ng pagtutula. Inimbento ito noong panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng Amerika, base sa mga lumang tradisyon ng makatang pagtatalo gaya ng karagatan, huwego de prenda at duplo. Ang pinagmulan ng pangalan na balagtasan ay ang orihinal na apelyido ni Francisco Baltazar, Balagtas, dahil ginawa ito para sa okasyon ng pagdiwang ng anibersaryo ng kanyang kaarawan.

Ang balagtasan ay hawig sa isang duplo. Ang mga kasali dito ay gumaganap na nasa isang korte na sumisiyasat sa kaso ng isang hari na nawala ang paboritong ibon o singsing. May gumaganap na fiscal o tagausig, isang akusado,at abogado. Ito ay magiging dibate o sinasabing tagisan ng katwiran sa panig ng taga-usig at tagapagtanggol at maaaring paiba-iba ang paksa. Bagamat ito ay lumalabas na dibate sa pamamaraang patula, layunin rin nito na magbigay aliw sa pamamagitan ng paghahalo ng katatawanan, talas ng isip, na may kasamang mga aktor sa isang dula. Ang balagtasan ay ginamit ng mga manunulat upang maipahiwatig ang kanilang palagay sa aspetong politika at mga napapanahong pangyayari at usapan.

Mga nilalaman

[baguhin] Kasaysayan

Nabuo ang konseptong ito sa isang pagpupulong nang mga nangungunang manunulat noong Marso 28, 1924, Linggo, sa tanggapan ni Rosa Sevilla sa Instituto de Mujeres (Women's Institute), Tondo, Maynila. Ito ay naganap bilang paghahanda sa pagdiriwang ng kaarawan ng dakilang makata na si Francisco Balagtas o Balagtas Day sa darating na Abril 2.

Ang unang balagtasan ay nangyari noon 6 Abril 1924. Tatlong pares ng makata ang nagtalo na gumamit ng iskrip. Ang pinakamagaling sa mga nagbalagtasan ay sina José Corazón de Jesús at Florentino Collantes, kaya naisipan ng mga nag-organisa na magkaroon ng isa pang balagtsan para sa dalawang kagalang-galang na makatang ito, ngayon naman na walang iskrip. Ginawa ito noong 18 October 1925, sa Olympic Stadium sa Maynila. Si De Jesus ang nagwagi bilang unang Hari ng Balagtasan.Nakilala si Jose Corazon de Jesus bilang si "Huseng Batute" dahilan sa kanyang angking kahusayan sa balagtasan noong 1920.

Mula noon hanggang ilang taong makalipas ang Ika-2 Digmaang Pandaigdig, naging paboritong aliwan ang balagtasan. Gumawa pati ang mga makata sa ibang mga wika sa Pilipinas ng sarili nilang bersyon, gaya ng bukanegan ng mga Ilokano (mula sa apelyido ng makatang Ilokanong si Pedro Bukaneg at ng crisotan ng mga Pampango (mula sa pangalan ng Pampangong makata na si Juan Crisostomo Soto.

[baguhin] Pamamaraan

Ang balagtasan ay karaniwang may mga paksa na pinag-uusapan ng tatlo katao. Ang mga kalahok ay inaasahang magaling sa pag-alala ng mga tulang mahahaba at pagbigkas nito ng may dating (con todo forma) sa publiko. Ang takbo ng tula ay magiging labanan ng opinyon ng bawat panig. May mga hurado na magsisiyasat kung sino sa kanila ang panalo o ang mas may makabuluhang pangangatwiran.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.