Awiting Pilipino

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
{{#if: Awiting Pilipino, Aklat Bilang 1 | }} {{#if: | }} {{#if: Manlapaz Publishing Company | }} {{#if: 1971 | }} {{#if: Quezon City | }} {{#if: | }}
Awiting Pilipino
Pamagat Awiting Pilipino, Aklat Bilang 1
Awtor
Pabliser Manlapaz Publishing Company
Petsa 1971
Lugar Quezon City
ISBN / ISSN {{{isbn/issn}}}


Mga nilalaman

Pambungad

Binubuo ng 302 awiting popular na matalik sa puso ng Pilipino ang Awiting Pilipino, Aliw ng Bawat Puso, Aklat Bilang 1 (1971). Mapapansing ang “Pilipino” ay “P” ang ginamit dahil noong panahong iyon ay sinusunod ang pagbaybay ng salita na pinauso ni Lope K. Santos at naging panutong ipinalaganap ng dating Institute of National Language na naghunos na Linangan ng mga Wika sa Pilipinas bago naging Komisyon sa Wikang Filipino. Mababago ang ispeling ng “Pilipino” at magiging “Filipino” pagsapit ng dekada 1990 nang magkaroon ng mga pagbabago sa ortograpiyang Filipino at ilahok ang iba pang hiram na titik sa ibang wika, gaya ng j, q, v, x, at z sa dating alpabeto.

Ang Aklat

Taglay ng nasabing koleksiyon ang mga awiting kundiman at panambitan sa isang panig, gaya ng “Ibong Sawi” ni Jose Corazon de Jesus, “Laging Ikaw” ni Levi Celerio, at “Bulong-bulungan” ni Constancio de Guzman; at ang mga awiting popular sa Ingles na hinalaw kung hindi man isinalin sa Filipino sa kabilang panig, gaya ng “Ang Lolo kong Sundalo” na hinalaw mula sa “The Ballad of the Green Beret”; “Bakit Ako Nabubuhay” na hinalaw sa “What am I Living for?” at “Batas ng Puso” na may saliw ng musika ng “Two Different Worlds.”

Karamihan sa mga awit ay pumapaksa hinggil sa pag-ibig sa kasintahan o babaeng napupusuan, na maaaring inaaamo, inaakit, o nililigawan. Bukod dito'y pinaksa rin ang hinggil sa kaligiran, kabansaan, at pangyayari sa lipunan, samantalang ang ibang awit ay hango sa mga awiting-bayang nilapatan ng bagong tunog o interpretasyon. Ang ilang awit ay nasa tradisyonal na anyo ng tulang lalabindalawahin ang sukat na ang tugma ay isahan (aaaa, bbbb, cccc, etc) o sunuran (aabb, ccdd, eeff) o salitan (abab, cdcd, efef). Magbago man ang mga tugma'y halos sumusunod pa rin yaon sa padron na pinauso ng mga tinaguriang Balagtasista sa panulaang Filipino.

Kompositor

Ang mga kompositor ng awit, kung hindi man ang naglapat ng titik sa musika, ay may mga pangalan ding matunog sa panitikang Tagalog, kabilang dito ang gaya nina Alejandro G. Abadilla, Servando de los Angeles, Levi Celerio, José Corazon de Jesús, Erning Ocampo, Deogracias A. Rosario, Ruben Vega, Pablo Vergara, at Juan Silos Jr. Makikilala rin ang ibang komposistor na gaya nina Narciso S. Asistio, Jerry Brandy, George Canseco, Josefino Cenizal, Bert Reyes, Pablo Vergara, Dominador Santiago, Ped Tiangco, at Mike Velarde. Sa nasabing pangkat, mahihinuha na ang mga awit hindi lamang karaniwang awit, bagkus tumutulay kahit sa hanggahan ng tula.

Musiko

Gaano man kaganda ng titik ng isang kanta ay nangangailangan pa rin yaon ng musikong maglalapat ng tunog sa titik. Dito pumasok sina Nicanor Abelardo, Ariston Avelino, Constancio de Guzman, Tony Maiquez, Pepe Merto, G.B. Nimermann, Lucio San Pedro, S.S. Suarez, Francisco Santiago, Manuel Velez, Laureano Vicensio, at Resti Umali. Nagkaroon ng bagong bihis ang tulang “Madaling Araw” ni De Jesus, halimbawa, nang malapatan ng musika ni Santiago. Sina Abelardo at Santiago ang dalawang nagpasimuno ng kundiman at naglapat ng musika sa dating mga awiting-bayan.

Mang-aawit

Kahit ang listahan ng mang-aawit ay mga bantayog na ngayon sa larangan ng musika, at ang iba't ibang estilo ng pag-awit ay maririnig sa mga tinig nina Jerry Brandy, Cely Bautista, Carmen Camacho, Tessie Contreras, Apeng Daldal, Bobby Gonzales, Cenon Lagman, Yolanda Guevarra, Dely Magpayo, Ric Manrique Jr, Diomedes Maturan, Larry Miranda, Tessie Miranda, Merci Molina, Fred Panopio, Ernie de la Peña, Lilia Reyes, Betty Rivera, Alfred la Rosa, Carmen Rosales, Dan Santy, Danilo Santos, Ruben Tagalog, Sylvia La Torre, at Tres Dahlias. Sina Bautista at Camacho ay aktibo pa rin hangga ngayon, at maririnig ang pag-awit nila sa estasyon ng radyo.

Kompanya sa rekording

Ang bilang ng mga kompanyang nagrerekord ng mga awitin ay patunay ng sigla ng musika, at mababanggit dito ang Adonis Records, Badjao Records, Dyna Records, Fama Records, Goldwyn Records, Jessica Records, Mabuhay Records, Maryon Records, Maya Records, Mayon Records, Molave Records, Royal Records, Silahis Records, Scoop Records, Starlite Records, Virgo Records, at Villar Records, na pinakamalaking kompanya ng rekording noon. Nagsara na ang lahat ng kompanyang ito sa kasalukuyan, at kahit ang mga plaka ng Villar Records ay ibinenta na sa ibang kompanya.

Halaga ng aklat

Ang Awiting Pilipino ay hindi lamang isang kalipunan ng mga awit o tula. May mahahalagang impormasyon dito na maaaring magamit ng mga kritiko, mananaliksik, guro, at estudyante sa kani-kaniyang pag-aaral hinggil sa ebolusyon ng awiting popular. Isang halimbawa ng pag-aaral ang ginawa ni Michael Coroza, na inuri ang mga awit na likha ni Levi Celerio at iniugnay yaon sa tradisyong pabigkas ng mga Pilipino. O kaya'y ang mga biyograpiyang sinulat ni E. Arsenio Manuel hinggil sa mga musikong gaya ni Abelardo, Santiago, at de Guzman.

Sanggunian

  1. Coroza, Michael M., “Ang Awit Bilang Tula o si Levi Celerio Bilang Makata,” sa Bulawan 11, inedit ni Virgilio S. Almario. Quezon City: National Commission for Culture and the Arts.
  2. Legarte, Stephen. “Songs that Defy Stereotypes,” sa Araw, Manila: National Commission for Culture and the Arts, Issue No. 1, 2001.
  3. Tiangco, Ped C. tagapagtipon. Awiting Pilipino, Aliw ng Bawat Puso, Aklat Bilang 1. Quezon City: Manlapaz Publishing, 1971.
  4. Tiangco, Ped C. tagapagtipon. Awiting Pilipino, Quezon City: Manlapaz Publishing, 1971.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.