Ating Alamin

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Ating Alamin ang kinikilalang pinakamatagal na pangkabuhayang-palabas sa telebisyon sa Pilipinas. Ito ay tumatalakay sa samu't saring uri ng agrikulturang kabuhayan na patok sa klima at likas-yaman ng bansa.

Ito ay unang naisahimpapawid noong 1980 sa pamamatnugot ng batikang tagapag-ulat sa radyo na si Gerry Geronimo. Ang programang ito ay nagnanais na makapagbigay ng tulong sa mga mamamayang salat ang kaalaman sa yaman ng agrikultura sa bansa. Nagtuturo ito at nagbibigay ng mga makabuluhang payo sa mga paraan ng pagtatanim ng halaman gaya ng prutas, gulay at mga bulaklak; pag-aalaga ng hayop gaya ng manok, baboy, bibe at isda; at iba pang pantahanang industriya gaya ng paggawa ng kandila. Ang mga payong ito ay mula pa sa mga eksperto sa mga nasabing industriya.

Maliban sa palabas sa telebisyon, naglulunsad din ang programang Ating Alamin ng mga seminar at pagsasanay sa iba't ibang dako ng Pilipinas upang higit na mapalapit sa mga taong nangangailangan ng ganitong uri ng kaalaman. Ang palabas ay umaabot ng isang oras at mapapanood sa IBC 13.

Mga nilalaman

[baguhin] Gabayan sa Kabuhayan Livelihood Seminar

Sa likod ng kamera ay patuloy pa rin ang pag-aabot ni Gerry Geronimo at ng kaniyang programa ng kaalaman sa agrikultura sa pamamagitan ng mga seminar. Kabilang sa mga seminar na kanilang pinasisinayaan ay ang mga sumusunod:

  • Pag-aalaga at pagpapalaki ng baboy
  • Pagpoproseso ng karne gaya ng paggawa ng tocino, longganisa, atbp.
  • Paggawa ng pangkomersyong tinapay, at paghurno ng keyk at pastelerya
  • Pag-aalaga ng bubuyog at pagproseso ng pulot nito
  • Pagpapadami ng tilapia at pagproseso nito
  • Paggawa ng sorbetes
  • Paggawa ng sabong gawa sa halaman
  • Paggawa ng iba't ibang klase ng kandila
  • Mga pagpupulong tungkol sa pangangalakal at pagnenegosyo.

[baguhin] Salin Kaalaman: Libro sa Video

Upang masabayan ang makabagong teknolohiya ng bansa, isang mahalagang proyekto ng Ating Alamin ang paglalagak ng kanilang mga unang serye sa VCD na pinamagatan nilang Salin Kaalaman: Libro sa Video. Dito ay muling mababalikan ang mga mahahalagang yugto na ipinalabas sa telebisyon ng programa, kabilang na rin ang mga testimonya ng pagtatagumpay ng ilang negosyante sa kanilang napiling pang-agrikulturang kabuhayan. Makikita rin sa VCD ang mga salik at pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto upang higit na mapahusay ang iba't ibang industriya sa agrikultura.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.