Aswang

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Upang mabasa ang artikulong ito sa wikang Inggles, pindutin ang Aswang.

Ang aswang ay kilala ng mga Pilipino bilang isang masamang espiritu na anyong tao sa umaga at nagiging isang halimaw na sumisipsip ng dugo pagdating ng gabi. Kilala ang mga aswang bilang mga nilalang na nagpapalit ng anyo. Kadalasan, sila ay nag-aanyong isang hayop. Pinaniniwalaang ang madalas na binibiktima ng mga aswang ay ang mga bata at matatanda. Kinakain nito ang mga laman-loob ng kanyang mga biktima tulad ng puso at atay.

Naging tawag na sa iba't ibang uri ng pinaniniwalaang mga halimaw ang aswang, kabilang dito ang manananggal, mangkukulam, pugot, nuno, tiyanak at iba pa.

Pinaniniwalaan rin na nagmula ang mga kwento tungkol sa mga aswang sa mga probinsya ng Capiz, Iloilo at Antique. Kilala rin ang mga aswang sa tawag na tik-tik at wak-wak.

Mga nilalaman

[baguhin] Anyo

Ang aswang ay sinasabing nag-aanyong tao, madalas bilang isang magandang babae o isang matandang lalaki. Maaari rin itong magpalit ng anyo bilang isang baboy, aso, o halimaw tulad ng sigbin, balbal at wak-wak upang magmasid sa bibiktimahin bago ito tuluyang sumalakay.

Namumuhay ang aswang bilang isang ordinaryong tao sa umaga at madalas na kumukuha ng trabaho na may kinalaman sa laman tulad ng pagkatay ng baboy o manok. Inilalayo nila ang kanilang sarili sa mga tao at naninirahan sa mga liblib na pook.

Sinasabing makikilala ang aswang dahil sa mapula nitong mata. Ayon sa matatanda, malalaman mo kung aswang ang iyong kausap kapag tumingin ka sa kanyang mata at baliktad ang iyong repleksyon.

[baguhin] Pamahiin

Ilang pamahiin ang pinaniniwalaan upang makaiwas sa mga aswang. Kabilang sa mnga ito ang paggamit ng bagacay o kawayan na pinatulis ang dulo. Ayon sa matatanda, takot rin ang mga aswang sa bala ng baril, bolo, balahibo ng ibon, at bawang. Pinaniniwalaan din na mamamatay ang aswang kapag nakakita ito ng krus.

[baguhin] Uri

Ang aswang ay karaniwang kumakatawan sa iba pang uri ng halimaw o masamang espiritu tulad ng mga sumusunod:

  • Wak-wak – Ito ay isang nilalang na anyong ibon. Lumalabas ito sa gabi upang maghanap ng biktima at madalas itong iniuugnay sa isang bampira.
  • Balbal – Ito ay isang uri ng mangkukulam na ang binibiktima ay mga buntis. Kapag gutom ang balbal, nagiging pula ang mga mata nito at ang tingin ay tumatagos sa sinapupunan ng buntis.
  • Kubot – Ito ay isang nilalang na parang paniki na may malalaking pakpak. Hinuhuli nito ang kanyang mga biktima sa pamamgitan ng kanyang matatalas na kuko.
  • Tik-tik – Isa itong malaking ibon na lumilipad sa gabi at naghahanap ng natutulog na tao. Kapag nakita na niya ito, pinapahaba nito ang kanyang nguso hanggang sa umabot sa biktima at kanyang iinumin ang dugo nito.
  • Mansusopsop – Isang masamang espiritu na nambibiktima ng mga buntis. Tulad ng tik-tik, lumiligid ito sa bubungan ng bahay at pinapahaba ang mala-sinulid niyang dila hanggang sa makaabot sa tiyan ng biktima. Sinusupsop nito ang lahat ng dugo, kasama ang sanggol, sa loob ng biktima hanggang sa ito ay tuluyang mamatay.
  • Sigbin – Isang nilalang na kawangis ng kangaroo na mayroong maluwang na bibig at malalaking pangil. Pumapatay ito ng tao sa pamamagitan ng kanyang bahin.

[baguhin] Ilang paniniwala

Hindi pa rin nawawala ang paniniwala sa mga aswang. Marami ang nagpaptunay na ang mga ito ay namumuhay pa rin sa makabagong panahon, lalo na sa mga liblib na lugar. Madalas ay iniuugnay sa aswang ang pagkawala ng mga bata, hindi inaasahang pagkamatay at iba pang mga insidente.

[baguhin] Aswang Festival

Pinasinayaan ang unang Aswang Festival sa Capiz noong 2004, sa pamumuno ng Dugo Capiznon. Isa itong pagdiriwang kung saan nagsusuot ang mga kalahok ng mga damit na kawangis ng kani-kanilang interpretasyon sa aswang. Ginaganap ito bago ang Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay. Hindi naman ito sinasang-ayunan ng simbahang Katoliko at ilan ding opisyal ng pamahalaan sa lalawigan dahil animo'y isa raw itong pagsamba sa kasamaan. Ipinatigil ang pagdiriwang nito noong Hulyo 2007.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.