Arnel Pineda

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Arnel pineda 2.jpg


Si Arnel Pineda ay isang Pilipino na sikat na mang-aawit at kompositor na tanyag sa buong mundo. Siya ang kasalukuyang bokalista ng bandang Journey ng Amerika.

Mga nilalaman

Pagkabata

Si Arnel ay isinilang noong ika-5 ng Setyembre 1967, panganay sa apat na magkakapatid, at lumaki sa Sampaloc, Maynila. Isa ang kanyang ina sa may malaking impluwensya sa kanyang buhay, maging sa kanyang musika. Pinilit siyang mapag-aral nito sa isang Katolikong paaralan sa paniniwalang makakakuha siya ng magandang edukasyon dito. Naging mahusay siya sa pag-aaral at naging aktibo sa mga organisasyon sa paaralan tulad ng glee club at rondalla. Madalas din siyang kumanta sa mga programa ng paaralan, kaya naman siya ang napili na kumanta sa isang national quiz bee. Ito ang unang pagkakataon na napanood siya sa telebisyon habang kinakanta ang ‘Gaano kita Kamahal’ ni Celeste Legaspi.

Simula ng karera

Arnel pineda.jpg

Nang mamatay ang kanyang ina, naghirap ang kanilang pamilya at napilitang tumigil sa pag-aaral ang magkakapatid. Nagkahiwa-hiwalay sila nang dalhin sa ilang kamag-anak ang kanyang mga kapatid. Sumali siya sa bandang “Hijos” bilang isang bokalista. Bagamat bukod-tangi na ang husay ni Arnel sa pag-awit, kinailangan niyang hasain pa ang kanyang boses at sanaying kumanta ng mga 70s at 80s ‘’rock’’ na iba ang istilo mula sa kanyang paboritong Beatles at mga awit kundiman.

Makalipas ang ilang taon, ang Hijos ay pinalitan ng “AMO Band”, na nagsimulang sumali sa iba’t ibang kumpetisyon. Nakarating ang grupo nila sa Olongapo, ]]Makati]], at Singapore sa pagsali sa mga kumpetisyon at pagtugtog sa mga bar, at maging sa telebisyon. Ang tagumpay na ito ni Arnel ang dahilan kung kaya’t napag-aral niya ang isang kapatid.

Pagsubok

Sa edad na 20, naging ama si Arnel. Ang relasyong ito ay hindi nagbunga ng magandang pagsasama. Maging ang sumunod na relasyon, na nagbunga rin ng isang supling, ay hindi nagtagal. Mula Pilipinas ay nagtungo siya sa Hong Kong upang tuparin ang pangarap na maging isang rakista. Ngunit dahil sa problemang pangkalusugan, unti-unting nasira ang kanyang boses. Bumalik siya sa Pilipinas upang ipasuri ang kanyang kalagayan. Masamang balita ang hatid ng mga doktor na nagsabing hindi na siya muli pang makakaawit. Sumailalim siya sa anim na buwang rehabilitasyon at nagsikap upang gumaling agad.

Nagpatuloy siya sa pagkanta hanggang nakuha siya bilang isang recording artist ng isang kumpanya. Isang album niya na may titulong “Arnel Pineda” ang inilabas noong 1999. Ngunit hindi natupad ng alok na ito ang kanyang pangarap na maging isang rakista dahil siya ay inatasan ng mga awiting taliwas sa kanyang persona. Hindi naging epektibo ang pag-awit niya ng mga pop o ballad dahil sa siya ay sanay sa mga awiting rock.

Bandang Zoo

Ipinagpatuloy pa rin niya ito hanggang nadiskubre siya ng sikat na direktor sa telebisyon na si Bert de Leon sa Hong Kong. Isinama ni Bert si Arnel at ang kanyang tagapagturo na si Moneth Cajipe pabalik sa Pilipinas upang bumuo ng banda at tulungang maipasok at mabigyan ng kontrata sa ‘’MCA Music’’. Dito na nabuo ang bandang “Zoo”.

Inilabas ng Zoo ang kanilang unang album na “Zoology” noong 2007. Nakilala sila bilang regular na banda sa mga bar tulad ng Bagaberde at Hard Rock Café.

Journey

Isang tagahanga ni Arnel ang naglagay ng video ng isang palabas ng Zoo sa YouTube. Ito ang mismong video na napanood ni Neal Schon ng bandang Journey, na naghahanap ng bagong bokalista. Napahanga siya sa husay ni Arnel kaya naman agad niya itong tinulungan na makapunta ng San Francisco, Amerika para magpaaudisyon sa kanila. Tila nakikisama ang tadhana nang mapabilis ang pagkuha ng visa ni Arnel dahil ang taong nag-isyu nito ay napahanga niya sa isa nilang gig. At siya na nga ang napili ng banda na maging bagong bokalista, kapalit ni Steve Perry, noong ika-5 ng Disyembre 2007.

Ang unang palabas ng Journey kasama si Arnel ay noong ika-21 ng Pebrero 2008 sa Viña del Mar International Song Festival na ginanap sa Quinta Vergara Amphitheater sa Viña del Mar, Chile. Noong ika-6 ng Marso 2008, bumalik ang banda sa Amerika para sa isang Remax Convention na ginanap sa MGM Grand sa Las Vegas. Makalipas ang dalawang araw, sinundan pa ito ng isang pagganap sa Las Vegas’ Planet Hollywood. Nagtanghal din ang banda sa Super Bowl XLIII Pregame Show noong ika-1 ng Pebrero 2009.



“Revelation” Album

Ang unang album ng Journey, “Revelation”, na kasama si Arnel ay naging pang-lima sa Billboard Top 200 album charts isang linggo pagkatapos ilabas ito. Nanatili ito sa ika-20 puwesto sa sumunod na anim na linggo. Nakakuha ito ng platinum noong ika-1 ng Oktubre 2008.

Sanggunian

Panlabas na kawing

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.