Araw ng mga Pambansang Bayani

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

thumb|right|200px|Jose Rizal bilang isa sa mga Pambansang Bayani

Ipinagdiriwang ang Araw ng mga Pambansang Bayani tuwing huling linggo ng Agosto bilang pagbibigay pugay at pagbabalik gunita sa iba’t ibang personalidad na lumaban at nagtanggol para sa kalayaan ng Pilipinas. Kabilang na rito ang mga pangalang nakalimutan na sa kasaysayan.

Mga nilalaman

Kasaysayan

Ang Araw ng mga Pambansang Bayani ay hango sa Republic Act No. 3827 na ipinasa ng Philippine Legislature noong ika-28 ng Oktubre, taong 1931.

Sa kasaysayan ng [Pilipinas], maraming mga bayani ang nagtangkang ipaglaban ang bansa ayon sa kanilang nalalamang kakayahan. Isa sa mga pinakapopular ay si Dr. [Jose Rizal]. Siya ay idineklara ng mga Amerikano sa pangunguna ni Gobernador William Howard Taft bilang pambansang bayani. Ilan pa sa mga sikat na bayani ay sina Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, Magat Salamat, Diego Silang, Francisco Dagohoy, Lapu-lapu, Rajah Soliman at Tamblot.

Bukod sa kanila, binibigyang karangalan din ang mga lumaban sa ngalan ng kalayaan ng Pilipinas ngunit hindi gaanong nakilala sa kasaysayan tulad nina Amam Dangat ng [Batanes] noong ika-18 siglo. Kasama na rin dito si Datu Akadir na siyang nakipaglaban sa mga Espanyol dahil sa pananakop sa Lanao noong huling 19 siglo at si Diego de la Viña na siyang nagbuo ng kanyang sariling hukbo sa Negros Oriental upang labanan ang mga Espanyol.

Pagpili at paghahayag ng Pambansang Bayani

Noong ika-28 ng Marso, taong 1993, nagpalabas si Pangulong Fidel V. Ramos ng kautusan o Executive Order No. 75 na nagsasabing gagawa ng komite para sa mga pambansang bayani. Ito ay mapapasailalim sa Opisina ng Pangulo ng bansa. Ang pangunahing gawain ng komiteng ito ay pag-aralan, bigyang-halaga at magrekomenda ng mga Pilipinong maaring maging bayani batay sa pagkilala ng kanilang tunay na pagkatao at sa mga bagay na nagawa nila para sa bansa.

Mula sa mga pagpupulong na ginawa ng komite noong ika-3 ng Hunyo, taong 1993, ika-19 ng Agosto, taong 1993, ika-12 ng Setyembre, taong 1994 at ika-15 ng Nobyembre, taong 1995, nabuo ng komite ang mga pamantayan ng pagpoproklama ng Pambansang Bayani. Kasama sa pagbubuo ng naturang mga pamantayan sina Onofre D. Corpuz, Samuel K. Tan, Marcelino Foronda, Alfredo Lagmay, Bernardita R. Churchhill, Serafin D. Quiason, Ambeth Ocampo, na ngayon ay kilala bilang Dom Ignacio Maria, Prof. Minerva Gonzales and G. Carmen Guerrero-Nakpil.

Mga Pamantayan

1. Nagtataglay ang isang bayani ng konsepto kung ano ang isang bansa at handa siyang lumaban para sa kalayaan nito. 2. Ang isang bayani ay nakapagbigay ng katuturan at nakatulong sa sistemang pangkabuhayan at kaayusan ng bansa. 3. Ang isang bayani ay nakatulong sa kalidad ng pamumuhay at kapalaran ng kanyang bansa. 4. Ang isang bayani ay parte ng pagpapahayag ng mga mamamayan. 5. Iniisip ng isang bayani ang kinabukasan, lalu na ang mga susunod na henerasyon. 6. Ang pagpili ng isang bayani ay hindi lamang ayon sa partisipasyon niya sa isang kabanata o pangyayari ng kasaysayan subalit ito ay ayon sa buong proseso ng kasaysayan.

Ilan sa mga bayaning ipinapayong maging Pambansang Bayani ay sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Sultan Dipatuan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino at Gabriela Silang.

Mga Batas na Nagbibigay Pugay sa mga Bayani

  • Decree of December 20, 1898. Ito ay ipinalabas ni Heneral Emilio Aguinaldo, kung saan idineklara ang ika-30 ng Disyembre bilang pambansang pagluluksa sa karangalan ni Dr. Jose Rizal at iba pang mga biktima ng Rebolusyon noong 1896.
  • Act No. 137. Ipinalabas ang batas na ito upang palitan ang pangalang Morong sa Rizal bilang pagpaparangal kay Jose Rizal.
  • Act No. 2946. Ito ay ipinasabatas ng Philippine Legislature noong ika 16 ng Pebrero taong 1921 kung saan ginawa ang ika-30 ng Nobyembre bawat taon bilang legal holiday sa pag-alala sa araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio.
  • Act No. 2760. Ang batas na ito ay ipinalabas noong ika-23 ng Pebrero, 1918 upang patunayan at pagtibayin ang mga isinusulong na hakbang sa paglikha, pagpapanatili, at pagpapabuti ng mga pambansang monumento at partikular na sa pagpapatayo ng mga monumento bilang pag-alala kay Andres Bonifacio.
  • R.A. No. 9070. Idineklara ang batas na ito noong ika-8 ng Abril kung saan nagpapanukalang ang ika-18 ng Disyembre ay gagawing working public holiday o mas kilala bilang Graceano Lopez-Jaena Day.

Panlabas na Kawing

Sanggunian

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.