Araw ng mga Ama

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Ama, ikaw ang haligi at gabay ng pamilya.

Ang Araw ng mga Ama ay ang araw ng paggunita sa espesiyal na lalaki sa buhay ng bawat tao - ang ama. Madalas nalilimutan ang sakripisyo at ang papel na ginampanan nila sa paghubog ng buhay ng bawat indibidwal, kaya naman ang araw na ito ay pagkakataon upang ipakita at ipahayag ang pagmamahal sa ama, na siyang karapat-dapat makatanggap ng ating suporta. Ang araw din na ito ang pinaka-akmang pagkakaton upang makasama ang pamilya at gunitain ang ligaya at suporta na ibinigay ng mga haligi ng tahanan sa pamilya. Pero hindi lang ang mga sariling ama ang dinadakila sa araw na ito, kung hindi pati na rin ang ibang mga lalaki na tumayo bilang ama - mga pangalawang ama, tiyuhin, lolo, nakatatandang kapatid, at maging ang mga pari o pastor na nakatutulong sa paglago ng bawat indibidwal.

Maraming tawag ang ginagamit patungkol sa ama - Tatay, Itay, Tatang, Itang, Papa, Papang, Papay, Daddy, Dad, Dada, at iba pa. Pero kahit iba't iba man ang mga ito, ang kahulugan ng pagiging isang ama ay hindi pa rin matatawaran ng kahit anong salita. Madalas din ginagamit ang salitang "Ama" sa mga lider spirituwal, imbentor, nagpasimula ng ideya, produkto o serbisyo. Ganoon din sa mga ama na iniuugnay sa kalinga at proteksyon, bilang isang taong dapat mahalin at respetuhin. Ang mga bansang tulad ng Pilipinas, Amerika, Canada, China at India ay ipinagdiriwang ang Araw ng mga Ama tuwing ikatlong Linggo ng buwan ng Hunyo.

Mga nilalaman

Kasaysayan ng Araw ng mga Ama

Pinaniniwalaan na ang unang paggunita ng Araw ng mga Ama ay ginanap noong ika-5 ng Hulyo, 1908 sa Central United Methodist Church of Fairmont sa West Virginia. Ang selebrasyon ay pinangunahan ni Dr. Robert Webb.

Noong 1909, habang nakikinig sa isang sermon sa Araw ng mga Ina si Ginang Sonora Smart Dodd sa Central Methodist Episcopal Church sa Spokane, naisip niya ang ideya ng paggawa rin ng selebrasyon o isang araw ng pagdakila para sa mga ama. Noong ika-19 ng Hunyo, 1910, naghandog ng pasasalamat si Sonora para sa kanyang amang si Henry Jackson Smart, na siyang nagpalaki sa kanya nang mamatay ang kanyang ina. Pinili niya ang buwan ng Hunyo dahil ito ang buwan ng kapanganakan ng kanyang ama

Inabot ng madaming taon bago ito naging isang opisyal na araw ng pagdiriwang. Hindi naging madali na isulong ito kahit na suportado pa ito ng YMCA (Young Men's Christian Association), YWCA (Young Women's Christian Association), at ng ibang simbahan. Habang masiglang ginugunita ang Araw ng mga Ina, ang Araw ng mga Ama naman ay pinagtatawanan lamang.

Isang panukalang batas ang isinulong ukol dito noong 1913. Sinuportahan naman ang ideya ng araw ng selebrasyon nito ng dating pangulo ng Amerika na si Calvin Coolidge noong 1924. At noong 1930, isang komite ang binuo ng mga grupong pangkalakalan upang gawing legal na araw ng pagdiriwang ang Araw ng mga Ama.

Ngayong 2009, ipadiriwang ito sa ika-21 ng Hunyo. Sa ilang Katolikong bansa, ginugunita ang Araw ng mga Ama sa Pista ni San Jose tuwing ika-19 ng Marso.

Paraan ng Selebrasyon

Ipinagdiriwang ang araw na ito sa higit 90 na bansa sa buong mundo. Iba't iba man ng araw at paraan ng selebrasyon, iisa pa rin ang kahulugan nito para sa lahat.

Dahil ito ay sa araw ng Linggo, sinisimulan ang selebrasyon sa pagdalo ng misa sa simbahan. Sama-sama ang pamilya sa pagdadasal at pagpapasalamat sa Maykapal sa ibinigay na buhay para sa ama. Susunod na rito ang sabay ng pagkain ng tanghalian, sa labas man o sa bahay. Minsan, ang mga anak ay naghahanda ng sorpresa sa kanilang Tatay sa pagaalay ng tula, awit, sayaw, card o regalo.

Nagiging espesyal din ang selebrasyon kung maghahanda ang Nanay ng paboritong pagkain ni Tatay. Pero hindi sa lahat, walang papalit sa lubos na kaligayahan ng ama kapag nakatanggap ito ng matatamis na halik at mahihigpit na yakap mula sa kanyang pamilya.

Sanggunian

Panlabas na Kawing

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.