Animismo

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang animismo ay isang katutubong paniniwala na laganap sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Ang isa sa mga katangian ng animismo ay ang paniniwalang may mga mabuti at masasamang ispirito at nilalang na nanatili sa mundo na dapat igalang o dili naman kaya’y sambahin.

Mga nilalaman

[baguhin] Deskripsyon

Ang animismo ay laganap sa Pilipinas noong pahanong bago dumating ang mga Kastila. Ang tawag nila sa pinakamakapangyarihan nilang diyos ay si “Bathala,” habang ang iba namang mga ispirito ay mga “diwata” at “anito”. Ito ay kaugnay din sa pagsamba sa kalikasan, sapagkat pinaniniwalaang ang mga anito ay nakatira sa mga puno, bato, hayop at iba pang mga bagay na matatagpuan sa kapaligiran.

[baguhin] Mga Kilalang Diyos

Maliban kay Bathala, may iba pang mga sinasabi ang mga animista ng sinaunang panahon. Ang ilan sa mga diyos na sinasamba ay sina Adlaw (araw), Tala (bituin) at Mayari (buwan), na siyang tatlong anak ni Bathala. Kabilang din sa listahang ito sina Lakampati, na siyang diyos ng mga pananim, Hayo, na diyos ng karagatan, at Anitong Tabo, na siyang diyos ng ulan at hangin. Sa Bisayas naman ay sinasamba ang diyos na si Kanlaon, pati sina Maguayan na diyos ng dagat at Kaptan na diyos ng hangin.

[baguhin] Pagsamba sa mga Ispirito

Ang mga ispiritong ginagalang ng mga animista ay maaaring mga ispiritong nagmula sa kalikasan, at mayroon din namang mga ispirito ng kanilang mga ninuno. Para sa kanila, ang pagsamba sa mga ispirito ay magdudulot ng magagandang bunga, tulad ng mas maunlad na pananim at magandang panahon. Kinakailangan nilang gumawa ng mga bagay, katulad ng pag-alay sa mga ispirito, upang mapabuti ang kalooban ng mga ispirito sa kanila. Ang mga masasamang ispirito naman, ayon sa kanila, ay dapat iwasan o di kaya’y bigyan din ng mga alay, upang hindi sila magdulot ng mga panganib at sakuna.

[baguhin] Mga Tagapanguna sa Pagsamba

Ang mga taong nangunguna sa mga ritwal ng animismo ay tinatawag na mga babaylan at catalonan. Sila ang nangunguna ng mga ritwal ng pangungusap sa mga ispirito. Karaniwang gumagamit sila ng mga awit at sayaw upang simulan ang ritwal. Ang mga babaylan at catalonan ay lubusang ginagalang sa komunidad, at bahagi din ng kanilang mga gawain ay ang pagbibigay lunas sa mga karamdaman at ang pagbibigay ng payo ukol sa paggawa ng mga importanteng desisyon. Karamihan sa mga babaylan ay mga kababaihan.

[baguhin] Mga Impluwensiya ng Animismo sa Ngayon

Ngayon, tinatayang may dalawang porsyento pa rin ng mga Pilipino ang animista. Karamihan sa mga animista sa Pilipinas sa kasalukyan ay mga pangkat na katutubo. Maski na rin halos lahat ng mga Pilipino ay mga Katoliko, may mga paniniwala pa rin ang mga Pilipino na masasabing nag-uugat sa mga paniniwalang animismo. Halimbawa, laganap pa rin ang paniniwala ng mga Pilipino sa masasamang ispiritong tulad ng aswang at barang na nagdudulot ng panganib. Ang mga paniniwala sa mga duwende, nuno sa punso at mga diwata ay masasabing ugat din ng animismo.

Pati ang paniniwalang Katoliko ng mga Pilipino ay nahahaluan din ng animismo. Ang pag-aalay ng itlog sa istatwa ni Sta. Clara upang makasigurong hindi uulan ay isang halimbawa nito.

[baguhin] Sanggunian

Animism Profile, http://www.omf.org/omf/cambodia/about_cambodia/animism_profile Animism, http://encyclopedia.jrank.org/ANC_APO/ANIMISM_from_animus_or_anima_mi.html Animism, http://www.themystica.com/mystica/articles/a/animism.htm Animism, Sacred Texts http://www.sacred-texts.com/sha/anim/anim04.htm


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.