Ang Buhay ay Isang Pelikula

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Ofws sa bahrain.jpg

Sinasabing iba ang kapangyarihan ng pagkukwento. Simula nang isilang ang tao sa daigdig, ang mga kwento ang nag-uugnay sa bawat kultura,sa bawat tao, at sa bawat damdamin. Mga kwentong naisasalin sa ibat ibang henerasyon. Tulad ng kwento ng mga OFWs na bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas.

Mga nilalaman

Puwersa ng isang Kwento

Ayon sa artikulo ni Evelyn Clark, isang manunulat sa Reader’s Digest, tinalakay nito ang kalakasan ng pagsasalaysay. Base sa naging resulta ng kanyang ginawang pag-aaral, natuklasan niya kung paanong pinakikinabangan ng malalaking korporasyon ang paggamit ng mga kwento upang maiparating ang isang mensahe sa kanilang mga nasasakupan. Ayon pa rin sa kanyang pagsasaliksik, napapangalagaan ng mga kwento ang isang natatanging kasaysayan at kinakalinga ang kultura ng isang bansa, ipinagbubunyi ang mga bayani, inaangat ang benta ng isang kumpanya at lumilikha ng daan upang makabuo ng isang matatag na prinsipyo at pamantayan sa buhay.

Kwentong OFWs

Sumasalamin ang pelikula sa istorya ng tunay na buhay. Gaya ng mga kwentong pinagdaanan ng mga OFWs. Mga kasaysayang tumatalakay sa ligaya at lungkot, tagumpay at kabiguan, tamis at pait. May katatakutan at kababalaghan din- tulad ng mga istorya ng mga nabibiktima ng illegal recruiters. May nagpapatiwakal matapos na maloko. May nasisiraan ng bait. May mga inabuso. Sa pisikal man o sa sekswal. Buhay na saksi ang mga Pinay domestic helpers na pinagsasamantalahan ng kanilang mga amo. Binubugbog. Pinahihirapan. Pinarurusahan.

Sa kabilang mukha ng istorya ay may nakaririmarim ding pag-aabuso- na ginagawa ng mga naiiwan sa Pilipinas. Habang nagpapakamatay sa pagtatrabaho ang nasa ibang bansa ay ang walang patumanggang paglulustay naman ng salapi ng kanyang naiwan sa Pilipinas. Kaya sa pag-uwi ng naturang OFW ay tila usok na tinangay ng hangin ang lahat ng kanyang ipinagsakripisyo sa malayong bansa. Karamihan sa kanilang mga istorya ay maituturing na magandang materyal para sa paggawa ng isang pelikula. Mga dakilang kasaysayan na kapupulutan ng aral sa buhay.

Mapait na katotohanan

Sa ngayon ay nahaharap sa isang malaking suliranin ang mga OFW base sa nakaraang ulat mula sa isang bansa kung saan napipinto ang pagkawasak ng pamilyang Pilipino. Ang mga pamilyadong OFW dito sa Pilipinas ay nagkakaroon ng ibang pamilya sa bansang kanyang pinagtatrabahuhan. Ang isyu ng moralidad ay pumupusyaw na. May ilang natutukso na magtaksil sa kanilang mga naiwan sa Pilipinas. Kung ganito ang nagiging kalakaran ay tinatawagan ang pansin ng kinauukulan upang mahinto ang ganitong mga pangyayari. Kapalit ng kaunting dolyar ang pagkakahiwa-hiwalay ng isang buo at masayang pamilya. Bagay na hindi nararapat magpatuloy pa.

Katas ng Saudi

Kung may malulungkot, may mga istorya din naman ng tagumpay ang mga OFWs. Marami sa mga Pilipino sa Saudi ang maluwalhating nakapagpundar ng magagandang bahay, nakapagnegosyo at nakapagtapos ng pag-aaral ng kanilang mga anak- lahat ay galing sa pawis at luha nang paghahanapbuhay sa malayong bansa.

Noon at ngayon,kinikilala ang mga OFWs bilang mga mahuhusay, matitiyaga at masisipag na manggagawa. Dahil may kaiga-igayang personalidad at disiplina, pinagkakatiwalaan sila ng lubos ng kanilang pinaglilingkurang kumpanya. Dagdag pa rito ang pananalaping naitutulong nila bilang mga OFW sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas.

Pamilya pa rin

Tinawag ni Randy David, isang kolumnista ang bagong pamilyang Pilipino na “Love in migration”. Malaki ang dapat ipagpasalamat sa makabagong teknolohiya kung saan nakatutulong ito ng malaki upang kahit na magkakalayo ay tila magkalapit na rin ang isang OFW at ang kanyang pamilyang nasa Pilipinas. Ang long distance parenting ay nagiging matagumpay upang magsikap ang kanilang mga anak at matutong magpahalaga sa pagiging buo ng isang pamilya at sa wastong gamit sa pananalapi.

Ang lahat ng kwentong nailahad na at hindi pa nailalahad tungkol sa mga OFWs ay testimonya na nagpapatunay lamang ng pagsasakripisyo, pag-ibig at kontribusyon nila tungo sa ikaaangat ng kabuhayan at kasaysayan ng bansa.

Muli, ipinagbubunyi namin kayo, mahal naming OFWs.

Sanggunian

  • Sunstar (hinango noong Oktubre 23, 2008)
  • GMA (hinango noong Oktubre 23, 2008)

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.