1991: Pagputok ng Bulkang Pinatubo

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Tuluyan nang nagising ang 60 taon nang natutulog na Bulkang Pinatubo sa Zambales, noong Hunyo 15, 1991 na naging laman ng pangunahing balita sa mundo. Sinasabing ito ang pangalawa sa pinakamalaking pagyanig matapos ang pagputok ng Katmai-Novarupta sa Alaska noong 1912. Ipinalagay naman sa lathalain mula sa New York Times na ito marahil ang pinakamalaking lindol sa ika-20 siglo.

May tinatayang 740 katao ang namatay at 8,000 kabahayan ang nasira, habang may dalawang milyon na iba pa ang naapektuhan matapos ang pagbuga nito ng abo at nakakalasong kemikal sa atmospera kasabay ang pagbulusok ng lahar. Ang halaga ng nasira ay umabot sa 450 milyong dolyar. Ang epekto nang pagputok na ito ay umabot sa Europa.

Dalawampung milyong tonelada ng sulfur dioxide at abo ang bumuga mula sa bunganga ng bulkan na may layo na 20-30 kilometro pataas sa atmospera. Kumalat ito pakanluran at umikot sa mundo sa loob ng tatlong linggo. Nabalot sa abo ang mundo ng 12 buwan. Bumama ang temperatura ng 0.5 sentigrado at ang epekto ay mas mataas na temperatura sa Hilagang Amerika, Europa, at Siberia habang nakaranas ng mas malamig na temperatura ang Alaska, Greenland, Middle East, at Tsina.

Nasira ang 260 metro na bahagi ng tuktok ng bulkan at ang sunod-sunod na pagyanig sa iba’t ibang lugar ay tumagal ng siyam na oras. Kasabay nito ang pagdaan ng bagyong Yunya na nagdulot ng malawakang pag-ulan. Ang pag-ulan na ito ang dahilan upang kumalat ang abo sa malaking bahagi ng Luzon.

Unang nagparamdam ang bulkan noong Hulyo 1990 nang nagkaroon ng lindol sa rehiyon na may lakas na 7.8 magnitude. Sumunod ang panaka-nakang paglindol noong Marso 1991 at nagpatuloy hanggang Hunyo.

Sa pagtutulungan ng Philvocs (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) at ng USGS (United States Geological Service), maagap ang pagkalap ng kagamitan sa pagsuri ng galaw ng bulkan na dahilan upang mailikas ang libu-libong tao malapit sa lugar.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.