1990: Lindol sa Luzon

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Lindol sa Luzon ay naganap noong Lunes, Hulyo 16, 1990, ng bandang ika-apat ng hapon sa Pilipinas na ikinasawi ng 1,621 katao at ikinasaktan pa ng marami. Ang kalakhang Luzon ay ginimbal ng malakas na lindol na sumusukat nang 7.8 magnitude. Ang lindol ay nagdulot ng pagyanig ng lupa na ramdam mula sa katimugan hanggang sa hilagang Luzon. Ang sentro ng pagyanig ay nasa Nueva Ecija.

Mga nilalaman

Pagyanig

Ang pagyanig ay nagdulot ng pinsala sa lugar na sakop ng 20,000 square kilometers na umaabot mula sa kabundukan ng Cordillera Administrative Region hanggang sa rehiyon ng Gitnang Luzon. Ramdam na ramdam din ang lindol sa kalakhang Maynila, na bagaman walang naiulat na grabeng pagguho ng ilang gusali, ay nagdulot naman ng kaguluhan at pagpapanik na ikinasawi ng tatlong katao.

Baguio, Benguet

Ang Lungsod ng Baguio, isa sa pinakamatataas na lugar sa bansa, ay isa sa mga higit na tinamaan ng lindol. Ikinaguho ng 28 gusali ang lindol, kabilang na ang ilang kilala't naglalakihang hotel, pabrika, pampublikong gusali, maging ng mga pampribadong gusali't tahanan. Sinira rin ng lindol ang ilang linya ng tubig, kuryente at komunikasyon. Isinara rin ang ilang pangunahin kalsada sa Baguio tulad ng Kennon Road dahil sa pagguho ng lupa. Nawalan ng kuryente at komunikasyon sa buong lungsod sa loob ng 48 oras. Pininsala rin ng lindol ang Loakan Airport, dahilan upang hindi makababa ang ilang sasakyang panghimpapawid. Napuno ang mga hospital at may naiulat din na pagnanakaw sa mga pamilihan. Isa sa tanyag na gusaling gumuho ay ang Hyatt Terraces hotel kung saan walumpung empleyado at bisita ang namatay. Ilan din naman ang himalang nakaligtas, tulad ng isang kusinero na nabuhay nang 14 na araw sa ilalim ng gumuhong mga bato't semento.

Cabanatuan, Nueva Ecija

Sa Lungsod ng Cabanatuan, gumuho ang anim na palapag na gusali ng Christian College of the Philippines, ang sinasabing pinakamataas na gusali sa lungsod pagkatapos ng lindol habang kasalukuyang may klase. 154 katao ang nasawi sa loob lamang ng gusali. Sinasabing marami pa sana ang nailigtas kung hindi lamang sa kakulangan ng gamit na siyang magtatanggal at magbibiyak sa mga naglalakihang bato at semento. Ilan sa mga biktima ay namatay sa gutom at uhaw. Ang gusali ng Christian College of the Philippines ang tanging gusali sa lungsod na gumuho. Sa kalahatan, 154 ang namatay at ilang daan pa ang nasugatan.

Dagupan, Pangasinan

Siyamnapung gusali naman sa Lungsod ng Dagupan ang napinsala at 20 roon ang gumuho. Maraming gusali ang lumubog ng isang metro dahil sa pagkakabitak ng lupa. Nagdulot ng paglubog ng lupa ang lindol, dahilan upang magbaha sa ibang bahagi ng lungsod. 17 ang tinatayang namatay sa lindol.

Pagkalipas ng Lindol

Agad naman nakabawi ang Lungsod ng Baguio bilang pangunahing lugar ng turismo ng bansa pagkatapos ng lindol. Hindi pa rin nagagalaw ang lupaing pinagguhuan ng Hyatt Regency Hotel hanggang sa kasalukuyan.

Sanggunian

Panlabas na Kawing

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.