10 Pinakasikat na Pulutang Pinoy

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Kilala si Juan Dela Cruz sa kanyang bukod-tanging pagkamalikhain sa porma, uri ng pangkabuhayan at maging sa pagkain. Ang mga pagkaing ito ay maaaring kaiba sa panlasa ng dayuhan ngunit para sa mga Pilipino, ito ay nakagawian na. Pulutan ang tawag sa mga pagkaing kinakamay at karaniwang makikita sa mga espesyal na okasyon tulad ng kaarawan at pista. Katunayan, hindi kumpleto ang inuman kung wala ang mga pagkaing nakakapagpasarap pa ng samahang Pilipino. Ang likas na pagkamalikhain ng mga Pilipino kasabay ng mga ibinahagi ng dayuhan sa ating bansa ang nagpasimula ng pulutang Pilipino.

  • Sisig

Wala nang mas nakatatakam pa sa orihinal na gawang kapampangan na ibinabad sa asin, suka at iba pang pampalasa. Gawa sa iba’t ibang parte ng ulo at atay ng baboy, ang sisig ay unang naging pulutan noong panahon pa ng pananakop sa ating bansa ng mga Amerikano. Ang mga lokal na residente ng Clark Airbase noon ay bumibili ng ulo ng baboy na hindi nagagamit mula sa mga Pilipino. Mayroon ding ginaganap na Sisig Festival sa Angeles taun-taon kung saan ang bawat kilalang kainan ay naghahanda ng masasarap na lutong sisig.


  • Isaw

Ito ang pilipinong bersyon ng kebabs at barbecue. Ang kilalang pagkaing kalye na Isaw ay gawa sa bituka ng baboy o manok na nilinis ng maraming ulit, pinakuluan at inihaw.


  • Chicharon

Habang ang pulutang ito ay hindi kauna unahang nanggaling sa Pilipinas, ito ang paboritong itambal sa alak ng mga Pinoy. Mula sa orihinal nitong deep fried na balat ng baboy, umusbong na rin ang mga chicharong gawa sa balat ng isda, manok at tupa. Mas lalo itong sumasarap kung isasawsaw sa maanghang na suka bilang pulutan o kahit na ulam pa.


  • Adidas

Ang tawag sa pagkaing nagmula sa isang tatak ng sapatos, ito ay gawa sa paa ng manok na iginisa at pagkatapos ay inihaw, itutuhog at ihahanda na karaniwang may kasamang maanghang na sawsawan.


  • Mani

Ang mani ay laging kasama sa pulutan ni Juan Dela Cruz bilang pampagana o kaya’y pangunahing pulutan sa inuman. Ito ay maaaring mula sa nilaga (para sa maning may kapis) o pinirito na may kasamang bawang at asin. Masasabing ang pulutang ito ang pinakasikat sa bawat inuman at pagsasalu salo ng mga Pilipino. Marami at iba’t ibang klase ng mani ang matatagpuan sa mga lalawigan ng Isabela, Pangasinan, La Union at iba pang lalawigan sa hilagang bahagi ng Luzon.


  • Tokwa’t Baboy

Ito na nga marahil ang pinakamasustansyang pulutan ng mga pinoy. Ang pagkaing ito ay gawa sa tofu na may kasamang nilagang baboy at masarap na sawsawan.


  • Prawn Crackers

Mas kilala sa tawag na Kropeck sa Pilipinas o Kropuk sa Indonesia at Malaysia, ang pulutang ito ay gawa sa sugpo, harinang tapioca at tubig. Ang kagandahan dito ay hindi na kailangang magluto sapagkat mabibili ito sa mga tindahan nang gawa na.


  • Inihaw na Pusit

Sa matapang nitong amoy at kakaibang lasa, ang inihaw na pusit ang masasabing paboritong pulutan ng mga pinoy sa inuman. Kadalasan itong inihahanda nang nakatuhog sa stick. Ang pinakasikat na uri nito ay ang inihaw na danggit na mula pa sa Cebu.


  • Tenga ng Baboy

Tinatawag ding “Walkman”, ang pulutang ito ay inihaw na tenga ng baboy na inihahanda kasama ng matamis o maanghang na sawsawan.


  • Betamax

Mistulang bala ng betamax ang hugis, ang pulutang ito ay nagpapatunay na walang pinipiling pagkain ang mga Pinoy. Ito ay gawa sa namuong dugo ng manok na inihaw at inihahanda nang nakatuhog.

[baguhin] Sanggunian:

[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.