10 Pinakamakapangyarihang Negosyante sa Pilipinas

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Namumukod-tangi na naman ang taong 2009 sa mundo ng kalakalan sa Pilipinas. Ang sampung personalidad na pumasok sa listahan ay walang dudang mga matagumpay na ang isang angkan dito’y nagkaroon pa ng pagkakataong maging kapitbahay ang reyna ng Inglatera malapit sa Buckingham Palace. Tunay ngang hindi madali ang makatungtong sa tugatog ng matagumpay na kalakalan ngunit ang mga taong ito ay nagpakita ng tamang pagiisip, isang solidong edukasyon at tapang na bumangon mula sa mga pagkabigo at naniwalang ang mga bagay na ito ang kinakailangan upang makaraos sa matinding kompetisyon ng ekonomiya at pananalapi.

Gayunpaman, ang pasimula ng kalakalan sa Pilipinas ay nagmula pa noong panahon ng kastila, sa kasagsagan ng kanilang pananakop sa ating bansa. Ang impluwensya nila ang nagbunsod ng sibilisasyon sa Pilipinas, bagay na nagpaangat sa estado ng pamumuhay ng ibang Pilipino. Hanggang ngayon, ang ibang negosyanteng Pilipino ay taglay pa rin ang mga pamanang kaalaman ng mga kastila.


  • Ang angkan ng mga Lopez

Nagsimula ang lahat ng ito sa tapang ng loob ni Eugenio Lopez, ang patriyarka ng pamilya sa kabila ng pagkalugmok mula sa ikalawang pandaigdigang digmaan. Ang kanilang pamilya ay nagsimula bilang mga negosyante sa Iloilo. Sa paglawak ng kanilang kaalaman sa industriya ng kalakalan ay lumawak din ang saklaw ng kanilang negosyo; mula sa pagiging Sugar Magnates sa Iloilo noong 1860 hanggang sa pagmay ariin nila ang ABS CBN at Meralco sa kasalukuyan. Ngunit sa kabila nito ay marami rin silang pinagdaanang hirap lalo noong panahon ng Martial Law, nang ipasarado ang ABS CBN at dinakip si Don Eugenio sa isang paratang na tangkang pagpatay sa dating Pangulong Marcos. Sa kabutihang palad, nang matapos ang EDSA Revolution ay ibinalik ang ABS CBN at lalo pa nila itong pinagbuti, dahilan ng pagiging numero uno nito sa larangan ng media. Sa unang pagkakataon rin ay nakita ng Pilipinas ang una nitong paliparan sa Asya na sinundan ng malahiganteng media (ABS-CBN) at ng Meralco, isang electric distribution company sa Pilipinas. Makalipas ang ilang henerasyon, nagpapatuloy ang mga Lopez sa pagtulong sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng mga programang pang kawang gawa tulad ng “Bantay Bata”, “Bantay Kalikasan” at “Iligtas ang Ilog Pasig”. Taas noo itong isinusulong ng mga Lopez na minana pa nila mula sa patriyarka ng angkan.


  • Eduardo “Danding” Cojuangco

Si Eduardo Murphy Cojuangco, Jr. ay ipinanganak noong June 10, 1935. Bago pa man siya ipinanganak ay kinikilala nang isa sa makapangyarihang pamilya ang mga Cojuangco. Nang sumabak na siya sa larangan ng negosyo at pulitika, naging malapit siya kay dating pangulong Marcos, dahilan upang akusahan ang kanyang mga pagaari bilang “ill-gotten” wealth na may kaugnayan sa Martial Law. Bahagya rin syang napalayo sa kamag anak na si Cory Aquino noong panahon na pinatalsik si Marcos at pinalitan nito. Sa kabila ng mga batikos ay nagpatuloy sa pagpapatakbo ng negosyo si Eduardo. Kilala siya sa pulitika bilang “Kingmaker” sa posisyong Chairman Emeritus of the Nationalist People’s Coalition (NPC). Siya rin ang punong tagapamahala ng San Miguel Corporation, ang pinakamalaking korporasyon ng pagkain, inumin at iba pang produkto na may mga tanggapan pa sa China, Indonesia, Malaysia, Thailand at Vietnam. Kamakailan ay napabalitang lumalala na ang kanyang kalusugan ngunit ito ay itinanggi ng kanyang anak na si Mark.


  • Mike Velarde

Si Mariano “Brother Mike” Velarde ay ang pinuno at nagtatag ng El Shaddai Charismatic Renewal Movement. Bago pa man ito maitatag ay minsang naging matagumpay itong negosyante. Mula sa kinitang company bonus noong siya ay nagtatrabaho pa, nagsimula siyang bumili ng mga lupain at pinagawa itong subdivisions sa Parañaque. Ang Amvel Land Development Corporation ay kanyang pagaari at umani rin ng parangal noong 2004. Noong 1983 ay dumaan rin siya sa isang matinding suliranin na nagbunsod sa kanyang pagkalugi. Nagdaan pa ang ilang taon at nakabangon siyang muli sa pamamagitan ng isang Bible-quoting radio show na tinangkilik ng marami hanggang sa makabuo na siya ng kongregasyon; ito na nga ang El Shaddai. Ngayon, suot ang mamahaling checkered blazer at bowtie, umaakyat siya sa entabladong may halos sa kalahating milyong tagapakinig kapag siya na ay mangangaral. Sadyang nakakatawag atensyon ang marami nitong myembro at laki ng mga ikapo na maging ang mga politiko ay pupuntahan ito at hihingin ang kanyang suporta. Ito ay sapagkat lahat ng kanyang myembro ay nakadepende rin sa kanyang boto.


  • Ang angkan ng mga Zobel-Ayala

Sadyang mayaman na mula pa lang noong una at makapangyarihan pagdating sa negosyo ang angkang ito. Sa loob ng 20 henerasyon ay malaki na ang inaambag nila sa kalagayang sosyo- ekonomikal ng bansa. Sila ang unang nagpagawa ng rail system sa Pilipinas, pag aari nila ang pinakamatagal na tumatakbong institusyong pinansyal sa timog-kanlurang Asya at sila rin ang unang nagpagawa ng mga tulay na gawa sa bakal dito sa ating bansa. Pawang mga gwapo, magaganda at sa Harvard nagsipag tapos, Ang mga Zobel-Ayala ang pinaka malapit sa Pilipinas na may kaugnayan sa isang royal family na pinayagan pa ito ng reyna ng Inglatera na makabili ng ari-arian sa Kensington Court, isang lugar na malapit sa Buckingham Palace. Noong 2008, ang angkang ito ay pumangatlo sa 40 pinakamayamang pamilya sa Pilipinas na may total net worth na $1.2 bilyon ayon sa forbes.com Pamilya Gozon at Duavit Sila ang nagmamay ari ng GMA Network, Inc., isang istasyon ng radio at GMA 7, istasyon ng telebisyon na kapareho ng ABS-CBN ang popularidad. Si Felipe L. Gozon ang tumatayong tagapamahala at si Gilberto R. Duavit Jr. ang tumatayong Executive vice President, COO at direktor. Pawang nagsipagtapos ang mga ito sa Unibersidad ng Pilipinas. Bago ang pagusbong ng GMA Network, iniwan ng bayaw ni Felipe na si Menardo Jimenez ang buong pamamahala sa kanya at sa pamilya Duavit. Gayunpaman, nag iwan siya ng share sa naturang kumpanya habang pinagbubuti ang pagiging isa sa mga direktor ng San Miguel Corporation.


  • Manuel “Manny” Pangilinan

Lumaki sa isang simpleng pamilya na may kinalakhan ding mga pangarap na umunlad, nagsimula si Manny bilang isang simpleng estudyante, nagpagal hanggang sa maging isang propesyunal na tagapangasiwa, naging negosyante, aktibista, hanggang sa maging pinakamataas na binabayarang CEO sa bansa. Si Manuel “Manny” Pangilinan ang nasa likod ng First Pacific, PLDT, Smart at Piltel. Siya ang ika 38 na pinakamayaman sa Pilipinas na may net worth na nagkakahalagang $39 milyon.


  • Ang angkan ng mga Aboitiz

Ang angkang ito na tubong Cebu ay may mga negosyo tulad ng shipping, kuryente, bangko, mga pagawaan at iba pang mga kalakal sa buong bansa. Bunga ito ng kanilang walang takot na pagharap sa mga suliraning may kinalaman sa kalakalan. Nagsimula sa pagiging dealer ng abaca hanggang sa makabili ng barko at nagtuloy na sa isang shipping business. Sa kasalukuyan, 15 sa mga miyembro ng pamilya ang nagpapatakbo nito. Ayon sa sinusunod na tradisyon, tuwing may malaking desisyon na gagawin ang isa sa mga miyembro ay nagtatawag sila ng pagpupulong sa pamamagitan ng liham upang pag usapan ang mga dapat gawin. Isa sa mga panuntunan sa kanilang angkan ay ang pagreretiro sa edad na 60 taong gulang at paghirang ng kapalit na galing din sa pamilya. 2 sa miyembro ng angkang ito ay napabilang sa 40 pinakamayamang Pilipino. Ito ay sina Enrique Aboitiz na naging #16 sa ilalim ng Aboitiz Equity Ventures na may halagang $375 milyong ari arian at si Enrique Razon, Jr. ng International Container Terminal Services na naging #8 sa $820 milyong halaga ng ari arian.


  • Jose Miguel Arroyo

Si Jose Miguel “Mike” Tuason Arroyo ay ang unang Ginoo ng Pilipinas. Galing sa isang prominenteng pamilya, siya ay nagtapos sa Ateneo de Manila University at isang abogado. Ang pinakamalaking proyektong nagawa nya bilang unang ginoo ay ang ginawa niyang suporta sa mga nagsasanay para sa South East Asian Games na ginanap sa Pilipinas noong 2005. Matapos ring mapunta sa posisyon nang manalo ang asawa sa pagka pangulo, siya ay nadawit sa iba’t ibang kontrobersiya at pandaraya ngunit wala pa ni isa ang napapatunayan sa mga ito. Siya ay namumuhunan sa real estate at nagmamay ari rin ng stocks na binibigyan siya ng kitang umaabot sa milyon.


  • Luis “Cito” Lorenzo

Si Luis “Cito” Lorenzo ay isa sa mga mayayamang opisyal ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang gabinete. Siya rin ay naging estudyante ng Pangulo sa Ateneo de Manila University, at nagtapos sa Wharton School sa Pennsylvania. Liban sa pagkakabilang sa may kayang pamilya sa katimugan, Si Luis “Cito” Lorenzo ay isang negosyanteng nagmamay ari ng malalaking kalakalan sa China na utang pa niya sa hasyenda ng saging at pinya mula sa pamilya.


  • Lucio Tan

Ang pinakamayamang negosyante sa Pilipinas ay kilala sa tawag na “Kapitan” ng kanyang mga kaibigan at kasamahan sa propesyon. Siya lang naman ang nagmamay ari ng Philippine Airlines na pangunahing paliparan sa bansa. Siya riin ang nasa likod ng Asia Brewery at Fortune Tobacco. Ang lahat ng kanyang ari arian ay nagkakahalagang $1.5 bilyon at nadaragdagan pa. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, mas kinikilala siyang una sa pagiging mapagbigay niya patungkol sa political na mga pangangampanya. Iyon ang kanyang nakagawiang gawin bago pa man lumaki nang husto ang kanyang ari arian. Namumukod-tangi na naman ang taong 2009 sa mundo ng kalakalan sa Pilipinas. Ang 10 personalidad na pumasok sa listahan ay walang dudang mga matagumpay na ang isang angkan dito’y nagkaroon pa ng pagkakataong maging kapitbahay ang reyna ng Inglatera malapit sa Buckingham Palace. Tunay ngang hindi madali ang makatungtong sa tugatog ng matagumpay na kalakalan ngunit ang mga taong ito ay nagpakita ng tamang pagiisip, isang solidong edukasyon at tapang na bumangon mula sa mga pagkabigo at naniwalang ang mga bagay na ito ang kinakailangan upang makaraos sa matinding kompetisyon ng ekonomiya at pananalapi.


[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.