10 Nobelang Filipino na Dapat Basahin sa Hay-iskul

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Nag-iiba ang pamantayan ng mga dapat na mabasang aklat ng mga estudyanteng nasa mataas na paaralan. May inirerekomenda ang Departamento ng Edukasyon, samantalang gumawa naman ng ibang listahan ang ibang independiyenteng edukador at editor upang gamitin sa mga paaralang pribado. Narito ang ilang rekomendadong nobela na nasagap ng WikiFilipino, at hinango sa mga opinyon ng iba't ibang eksperto na mahilig sa panitikang Filipino. Inaasahan na bago magtapos sa hay-iskul ang isang estudyante ay nabasa na niya ang ilan sa mga nobelang ito.

Mga nilalaman

[baguhin] Pamantayan sa Pamimili

Kabilang sa pamantayang ginamit sa pamimili ang masinop na paggamit ng wika, ang masining na pagsulat, ang paghubog sa mga tauhan, ang pagpapasok ng mga di-karaniwang diwain, ang paglinang sa guniguni, at ang paglihis sa itinakdang kumbensiyon sa pagsulat ng nobela. Sinikap na paghaluin dito ang mabibigat na tema at ang temang magagaan, kaugnay ng sari-saring pagdulog ng manunulat sa pagsusulat.

[baguhin] Mga Piling Nobela

  1. Canal de la Reina ni Liwayway A. Arceo. Inilarawan sa nobela ang Canal de la Reina mula sa mga karanasan at isipan ng mga tauhang naging bahagi niyon.
  2. Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez. Himagsikan, at ang walang kamatayang usapin sa repormang agraryo na mainit na pinagtatalunan noong dekada 1950, ang tampok sa akdang ito.
  3. Madaling Araw ni Iñigo Ed. Regalado. Paghihimagsik ni Juan Galit laban sa mga Amerikano ang tuon ng nobela, na ang sukdulan ay pagpatay kay Kabisang Leon na tuta ng imperyalista.
  4. Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Kauna-unahang nobelang Tagalog na nagpasok ng diwaing sosyalista, at tumalakay sa malagim na pangyayari hinggil sa lakas-paggawa noong panahon ng Amerikano. Lumihis din ito sa linyang Katipunismo nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.
  5. Lalaki sa Dilim ni Benjamin M. Pascual. Gahasa at ang madilim na pangyayari hinggil sa buhay ng babae sa pananaw ng lipunang patriyarkal ang itinampok nang walang bahid ng kabastusan. Manapa'y inilahad iyon sa banayad, madulas na salitaan.
  6. Sa Mga Kuko ng Liwanag ni Edgardo M. Reyes. Ang nobelang isinalin sa pelikula ni Lino Brocka, at nagtatampok sa paghahanap ng pag-ibig at pagkatao sa bituka ng Maynila.
  7. Dugo sa Bukang-Liwayway ni Rogelio Sikat. Inilahad dito ang paghahalo ng mga mito at realidad sa kanayunan, at ang pagsisikap ng mga busabos sa buhay.
  8. Ang Ginto sa Makiling ni Macario Pineda. Umiinog ang nobela hinggil sa maalamat na Makiling, at ang paghahanap ng yaman ng tao upang makaraos sa hirap at magkamit ng kapangyarihang pangkaisipan, pangkatawan, at pangkalooban.
  9. Pinaglahuan ni Faustino S. Aguilar. Pagbubunyag ng Amerikanong imperyalismo, at ang pagsalungat sa lumalaganap na materyalismong pinauso ng mga mananakop, ang itinampok sa pamamagitan ng pananaw ng mga tauhan.
  10. Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco. Usapin sa repormang agraryo at panunulisan ang nobelang ito, at tumatanaw sa pag-asa sa kabila ng kabulukan at karimlan ng paligid.

Ang mga nobelang ito ay mabibili sa mga publikasyong gaya ng Ateneo de Manila University Press, Anvil Publishing House, at University of the Philippines Press. Mababasa naman sa internet ang mga 100 nobelang Tagalog na binuo ng Filipiniana.net, at maaaring balikan ng mga guro at estudyanteng naghahanap ng mga pambihirang akda.

[baguhin] Panlabas na Kawing

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.