10 Nangungunang Istasyon sa Radyo na AM

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang mga istasyon ng radyo sa AM ang siyang nakapagbibigay ng maiinit na balita at impormasyon at mga komentaryo. Hindi ito nangangailangan ng malaking gasto at kayang gawin kahit saan basta may radyo. Ang mga pangunahing mga produkto ay bumibili ng advertising slots sa AM upang abutin ang maraming mga tagapagkinig na hindi kayang abutin ng telebisyon at pahayagan. May 28 na istasyon ng radyo na AM sa Kalakhang Maynila. Magkaiba ang AM (amplitude modulation) at FM (frequency modulation). Mas malayo ang naabot ng signal ng AM bagama’t hindi ito gaano kalinaw kung ipaghahambing sa FM. Dahil dito ang mga AM na istasyon sa Kalakhang Maynila ay maaari ring magsilbi sa mga karatig na probinsya.


  • DZBB Super Radio

Ang DZBB ay palaging nasa itaas ng ratings sa mga istasyong AM sa Kalakhang Maynila at ito ang mahigpit na karibal ng DZMM. Ito ang istasyon ng AM sa Maynila na bahagi ng GMA Network na umani na ng maraming parangal para sa kanyang mga brodkaster at tagapagbalita. Sina Arnold Clavio, Mike Enriquez, Susan Enriquez, Jimmy Gil at Lala Roque ay iilan lang sa mga pinakasikat na mga brodkaster at tagapagbalita na konektado sa DZBB. Karamihan sa programa ng DZBB ay nakatutok sa balita at mga pagsusuri ng mga isyu sa lipunan. Naging sikat ding tagahatid ng balita sa telebisyon ang mga kilalang mamamahayag nito dahil sa GMA 7. Ang iilan nito ay si Mike Enriquez sa progaramang "Saksi sa Dobol B" at sina Arnold Clavio at Ali Sotto sa programang "Dobol A sa Dobol B."


  • DZMM Radyo Patrol

Ang DZMM ay ang istasyon ng AM ng ABS-CBN. Kasabay itong binobrodkast sa Skycable Teleradyo at sa The Filipino Channel, na pagmamay-ari din ng ABS-CBN. Ang DZMM ay isang istasyon na umani na rin ng maraming parangal. Ang mga kilalang personalidad sa radyo nito ay nagbibigay ng balita, impormasyon at serbisyo publiko. Iilan sa kanila ay si bise pangulo Noli de Castro, Julius Babao, Korina Sanchez, Ted Failon, Gerry Baja, Winnie Cordero at Bernadette Sembrano. Karamihan sa mga programa ng DZMM ay nakadiin sa pagbigay ng balita, pagsusuri nga kasalukuyang mga isyu at serbisyo publiko. Tanging ang "Maala-ala Mo Kaya" lamang ang dramang pangradyo na bino-brodkast nito. Marami rin itong mga pang-edukasyong programa gaya ng "Radyo Negosyo", "Sikap Pinoy" at "Sa Kabukiran."


  • DZRH Nationwide

Ang DZRH ay may maraming mga tagapagpakinig at kinikilala bilang pinakamatandang istasyon ng AM sa bansa. Mula sa kanilang istasyon sa Maynila, nakakapag-brodkast ito sa buong bansa gamit ang serye ng mga relay stations na naka-pwesto sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Ang DZRH ang pagmamay-ari ng Manila Broadcasting Corporation (MBC). Dahil sa lawak ng naabot ng istasyon sa pamamagitan ng relay stations, maraming taga-Luzon, Visayas at Mindanao ang nakakakinig sa kanilang mga programa, lalo na ang sikat na "Damdaming Bayan" nina Joe Taruc. Ang iba pang mga sikat na brodkastter nito ay sina Deo Macalma at Andy Vital.


  • DZXL RMN 558

Ang DZXL ay istasyon ng AM sa Kalakhang Maynila na pagmamay-ari ng Radio Mindanao Network. Itinatag ito ni Don Henry R. Canoy at ng kanyang mga kaibigan. Noong 1949, sa Quiapo, Maynila ito unang nagbrodkast bilang Pirate Radio. Noon hanggang ngayon, ito ay palaging nasa listahan ng mga nangungunang istasyon ng AM sa Kalakhang Maynila. Unang nag-brodkast ito bilang DZXL noong 1963. Ang islogan ng istasyon ay “Responsableng Mamahayag Ngayon” na hinango sa acronym na RMN. Ang mga sikat na brodkaster nito ay sila Weng dela Pena, Raffy Tulfo, Lea Navarro at Jake Maderazo.


  • Veritas 846

Ang Veritas 846 ay pagmamay-ari at pinangangasiwaan ng Arsodiyosesis ng Maynila ng Simabahan Katoliko sa pamamagitan ng Global Broadcasting System. Ang programa nito ay itinakdang makapagbigay ng straight news, research at mga balitang nakabatay sa kaalaman at ang mga balita sa Simbahang Katoliko. Ang call sign ng istasyon ay DZRV. Naging mahalagang bahagi ito ng kasaysayan noong panahon ng Aklasang Bayan sa EDSA noong 1986. Dito nagmula ang panawagan ni Jaime Cardinal Sin na maglunsad ng People Power upang patalsikin ang diktadurang Marcos.


  • Bombo Radyo Philippines

Ang Bombo Radyo Philippines ay isa sa pinakamalaking radio network sa buong bansa. Ito ay pagmamay-ari ng Florete Group of Companies na nakabase sa Iloilo. Ang mga istasyon ng AM ng kumpanya ay nakapwesto sa halos lahat ng lugar ng bansa kung saan maiinit ang pulitika. Naging kilala ang istasyon dahil sa mga maiinit na pagpuna, exposes,balita at mga pananaw. Madaling matukoy ang istasyon ng radyo dahil sa islogan nitong “Basta radyo, bombo.” Ngunit ang pinagkaiba nito sa ibang istasyon ay ang paggamit nito ng tambol upang bigyan ng diin ang mga puna nito na karaniwa'y ang mga pulitiko at mga ahensya ng gobyerno ang target.


  • DZRB Radyo ng Bayan

Ang DZRB ay isang AM na istasyon na pagmamay-ari ng Philippine Broadcasting Service, isang kumpanya ng pamahalaan. Ito ay nagsisilbing tulay ng gobyerno at ng bayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga balita at mga programang public affairs tungkol sa mga gawain ng gobyerno, mga pulong ng Senado at mga mahahalagang isyu ng pamahalaan at ng bansa. Sa pagbibigay ng buhay islogan nitong “Tagapag-ugnay ng Pamahalaan at ng Mamamayan,” ginagamit ang istasyon upang makapagbigay ng impormasyon sa mamamayan tungkol sa mga proyektong pangkaunlaran na ginagawa ng pamahalaan.


  • DWIZ Todong Lakas

Ang DWIZ ay pagmamay-ari ng Aliw Broadcasting. Ang mga sikat at respetadong mga brodkaster at mamamahayag ay gumawa na ng tahanan sa DWIZ. Iilan sa kanila ay sina Rey Langit, Teddy Boy Locsin, Boying Remulla, Sonny Escuder, Rolly Gonzalo, Cristy Dailo, Alvin Capino at Jonathan dela Cruz. Nagsasabi ang istasyon na palagi itong nagpapalabas ng bago at mapagkatiwalaang balita. Dahil sa lakas ng signal ng DWIZ, maaaring mapakinggan ito sa ibang bansa sa Timog-silangang Asya. Nagsimula itong magbrodkast ito noong 12 Mayo 1991. Habang “Todong Lakas” ang islogan, ang branding naman ng istasyon ay “Boses Pilipino, Radyo Totoo.”


  • DWAD Radyo Ngayon

Ang DWAD ay istasyon ng AM ng Crusaders Broadcasting Systems at kaanib ng istasyong 97.9 FM. Nagbibigay ito ng mga balita, public affairs, musika at impormasyon. Nagsimulang magbrodkast ang DWAD noong 1988. May online format din ngayon ang ilan sa mga programa nito kaya napakikinggan din ito sa labas na ng Kalakhang Maynila at ng bansa.


  • MMDA Traffic Radio

Ang DWAN 1206 ay tahanan na ngayon ng MMDA Traffic Radio na ang layunin ay magbigay ng mga balita, impormasyon at serbisyo publiko ng 24 oras sa lahat ng 1.4 milyong motorista sa Metro Manila. Dahil pagmamay-ari ito ng Metro Manila Development Authority, ang karaniwang format nito ay serbisyo publiko at pagbibigay impormasyon hinggil sa mga proyekto ng nasabing ahensya ng gobyerno. Ang islogan nito ay “Kami ang inyong kaagapay sa lansangan.”


[baguhin] Sanggunian

  • DZRH. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DWIZ. Aliw.ph. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DZBB. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • GMA TRIUMPHED AT THE 2008 CATHOLIC MASS MEDIA AWARDS. Filipinoexpress.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DZMM. Mondotimes.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009)
  • DZXL. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • Veritas. Veritas846.ph. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • International Story. Catholic.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009). DZRB. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • Philippine Broadcasting Service. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DWAN. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • MMDA Gets Support for Traffic Radio Station Franchise. Newsinfo.inquier.net. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • Bombo Radyo Philippines. Statemaster.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.