10 Nangungunang Istasyon ng Radyo sa FM

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang Kalakhang Maynila ay may 28 FM stations at lahat ng ito ay nasa kumpetisyon para sa malaking porsyento ng mga nakikinig at mas malaking pondo galing sa mga advertisers. Kahit na higit sa 3.75 milyong pamilya sa buong Kalakhang Maynila ang mas pipiliing manood ng telebisyon, ang radyo ay patuloy pa ring nagiging paboritong paraan upang maaliw ang mga tao sa Pilipinas. Nagsimula ang pagpapatakbo ng mga istasyon ng radyo noong panahong sakop pa ng Amerika ang Pilipinas. Ngunit dumami ang mga istasyong FM sa dekadang ’60. Sa kasalukuyan, ang pinakasikat na mga istasyon ng FM ay pagmamay-ari ng GMA at ABS-CBN. Ito ay dahil sa mas malawak na networks ng dalawang kumpanya na pawang nagsimula bilang mga TV broadcasting stations lamang


  • 97.1 Barangay LS

Ang DWLS-FM 97.1 ay isang FM station sa Maynila na nasa pagmamay-ari ng Radio GMA Network (RGMA). Ang huling dalawang letra ng istasyon na LS ay hango sa mga inisyal ni Loreto Stewart, asawa ng namayapang Robert “Uncle Bob” Stewart, and dating may-ari ng istasyon. Dati itong kinilala bilang radyo ng mga paaralan dahil sa presensya nito sa mga eskwelahan ng Metro Manila ngunit binago na nito noong 14 Pebrero 2007 ang format upang makapagbigay ng mas pang-masang programa. Sa pangunguna ni Mike Enriquez nabago ang format ng istasyon at naging Barangay LS Forever. Ang mga DJ ng istasyon ay may mga “papa” o “mama” sa kanilang mga pangalan. Iilan sa mga sikat sa kanila ay sila Mama Belle, Papa Dudut, Papa Bear at Papa Bodjie. Ang islogan ng istasyon ay “Ayos gyud!”


  • NU 107

Itinatag noong 1987, kilala ang NU 107 bilang paboritong istasyon ng mga mahilig sa musikang rock. Ang Progressive Broadcasting Corporation ang may-ari ng istasyong ito. Ang istasyon ay may malapit na relasyon sa mga banda at recording companies at palaging nagbibigay ng pagkakataon sa mga bandang Pilipino na itugtog sa mga programa ang kanilang mga likha. Mula 1994, and DWNU ay naglulunsad ng NU Rock Music Awards bawat taon upang parangalan ang mga bandang Pilipino na nakagawa ng kahanga-hangang mga likha sa larangan ng lokal at internasyunal na musika. Ang islogan ng NU 107 ay “Home of New Rock.” Unang nag-ere ito noong Nobyembre 1987. Ang mga DJ nito ay sina Trish, Shannen, Roanna, Pontri, Kim, Joystick Jay, Jewel, Francis Brew at Cyrus the Virus.


  • 101.9 For Life

Ang DWRR-FM ay isang istasyon na pagmamay-ari ng ABS-CBN. Dahil sa mabilis na pag-uso ng mga kanta binago nito ang format patungo sa musikang pop at pinangalanang All Hits, All the Time (1996). Matapos ang dalawang taon, binago nito ang tagline at ginawang For Life bago muling inilunsad ang istasyon bilang Tambayan 101.9 noong Nobyembre 2009. Nagsimulang mag-brodkast ang istasyon noong 1960 bilang DZRR ngunit sa 1972, ipinasara ito ni Marcos. Iilan sa mga sikat na DJ nito ay sina Jack Melo, Laila Chickadora, China Heart, Ric Rider at Toni. Ang islogan nito ay “Sa’n ka pa!”


  • 90.7 Love Radio

Sa mga nakaraang taon, and DZMB-FM Love Radio ay palaging nagunguna sa mga FM station sa Metro Manila. Bahagi ito ng Manila Broadcasting Network. Ang ini-ere ng Love Radio ay mga love songs at iba pang mga sikat na awitin sa kasalukuyang panahon na nagresulta sa mas maraming nakikinig na mga kababaihan at kalalakihan. Pamilyar ng maraming nakikinig ng FM ang islogan nitong “Kailangan pa ba’ng i-memorize yan?” Nagsimula itong mag-brodkast noong 14 Pebrero 1974 kung kaya tinawag itong Love Radio. Ang mga sikat na DJs nito ay sila Chris Tsuper, Nicole Hyala, Papa Jack at Missy Hista.


  • 101.1 Yes FM

Ang kasalukuyang 101.1 Yes FM ay ang dating Kiss-FM na pagmamay-ari ng Makati Broadcasting Network bago ito binili ng Manila Broadcasting Company at ginawang DWST. Noong Disyembre 1998, muling inilunsad ito bilang 101.1 Yes FM kung saan mapakikinggan ang easy music at iba pang mga adult contemporary na mga programa kagaya ng kaakibat nitong istasyong Love Radio. Noong 2002, inilunsad nito ang kasalukuyang tagline na “Automatic Yan” na ang ibig sabihin ay, kung makikinig man ang isang tao ng radyo dapat naka-switch agad ito sa 101.1. Ang mga sikat na DJ ng Yes FM ay sina Totoy Bato, Diego Bandido, Emma Harot at Bibboy Bibo.


  • 96.3 WRock

Ang 96.3 WRock ay ang nangungunang istasyon sa Metro Manila ng United Broadcasting Network. Ang mga tagapagkinig nito ay naaliw sa programa nitong easy listening at adult contemporary na tinatawag na lite rock. Mahusay na pinaghalo-halo ng WRock ang kanyang mga station IDs, mga komersyal at listahan ng musika. Binili ito ng Manila Broadcasting Corporation noong Mayo 2009 at muling inilunsad bilang 96.3 Easy Rock. Ang mga sikat na DJ nito ay sina Jackie (boses ni Lannie Chan), Mandy (Amanda Jaucian Balneg), Alex at Lui. 29 Setyembre 1992 ito unang nag-ere. Ang kasalukuyang islogan ay “Like it Easy.”


  • Home Radio 97.9

Dahil naging matagumpay at karaniwan ang easy listening at adult contemporary na programa ng ibang mga istasyon kagaya ng Mellow Touch, WRock, Love Radio, pinagtangi ng Home Radio 97.9 ang kanilang istasyon sa pamamagitan ng hindi paggamit ng mga DJs. Kahit na pareho lamang ang musika nito sa iba, ang mga programa nitong walang DJ ay kakaiba.


  • Magic 89.9

Ang Magic 89.9 ay isa sa mga FM station ng Quest Broadcasting. Itinatag noong 1986, ang target nitong tagapagkinig ay ang kabataan. Upang makisabay sa usong-usong mga gimik ng mga FM station, inilunsad ng Magic 89.9 ang “Love Notes” na pinangungunahan ng isa sa mga orihinal na DJs nito, si Joe D’Mango. Ang gimik ay naging hit kaagad lalo na sa mga kababaihang empleyado ng mga opisina. Ang 15 minutong segment nagbibigay ng payo ay palaging nasa itaas ng ratings sa kanyang time block. 14 Pebrero 1986 itong nagsimulang mag-ere. Ang mga sikat na DJ nito ay sina Andi-9, Mojo Jojo, Mo Twister at Big Daddy Jake. “Today’s Best Music” ang islogan ng istasyon


  • Mellow 94.7

Inilunsad ang istasyong ito noong 1973, panahon ng Martial Law. Wala itong DJ noon at naka-tape lang ang programa pati na ang mga voiceovers na ginawa ni Mike Enriquez (na ngayo'y nasa GMA Network). Ang Mellow 94.7 ay palaging nasa itaas nga mga survey at naging mahigpit na kalaban ng Love Radio dahil sa parehong programa. Binago nito ang kanyang format upang abutin ang mga mas nakababatang tagapagkinig. “Sounds good” ang islogan ng istasyon na ito. Iilan sa mga sikat na mga DJ ay sina Andie, Marco, Chloe at Chris. Nagsimulang mag-brodkast ang istasyon noong 23 Pebrero 1973.


  • 91.5 Energy FM

Ang 91.5 Energy FM ay dating DWKY-FM na pagmamay-ari n Mabuhay Broadcasting System. Dati itong tumutugtog ng mga classic rock ng mga dekada 80 at 90 ngunit nang binili ito ng Ultrasonic Broadcasting System noong 1998, binago nito ang kanyang programa tungo sa pop at novelty music bago ito inilunsad bilang 91.5 Energy FM noong 2003. Ang mga DJs nito ay nagsasalita sa wikang Tagalog at nagpa-uso sa tagline na “Hi, Pangga” at “Me Ganon”, kung kaya sumikat din ang isa sa mga DJs nito na si Mr. Fu.


[baguhin] Sanggunian

  • Why Mega Manila Ratings are Very Important. Pinoyexchange.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • 915 Energy FM Metro Manila. Tvnatinito.blogspot.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009)
  • DWKY. Ceb.wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009)
  • Philippine Radio Stations Changes Roundup. Financemanila.net. (Hinango noong 23 Disyembre 2009)
  • DWLS. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DWRR-FM. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • NUROCK. Eradioportal.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • NU107. Philmusic.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DZMB. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DWYS. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DWRK. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • Home Radio. Aliw.ph. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DWTM. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • QUEST. Eradioportal.com. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).
  • DWKY. Wikipedia.org. (Hinango noong 23 Disyembre 2009).


[baguhin] Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.