10 Makulay na Salawikaing Filipino ukol sa Kagandahan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Mga nilalaman

Paliwanag

Salawikain, na tinatawag kung minsang kawikaan, ang isa sa mga katutubong tula na lumaganap sa Pilipinas bago pa dumating ang mga mananakop na banyagang Europeo. Taglay ng salawikain ang malalim na pagpapahiwatig, o ang maligoy na paraan ng pagsasabi, upang ikubli ang ibig sabihin ng nagsasalita. Kung ang bugtong ay may iisang sagot, pansin ng mga kritikong sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario, ang salawikain ay makapagtataglay ng maraming sagot o pakahulugan.

Ang aklat na Philippine Folk Literature: The Proverbs (2002) ni Damiana L Eugenio ang may pinakamalawak na koleksiyon ng salawikain sa buong Pilipinas. Mulang salawikain ng Ivatan hanggang salawikain ng Joloano ay matatagpuan doon. Ipinaliwanag din ni Eugenio ang mga uri ng salawikain, at nagsaad pa ng panukala ng pagbasa sa bawat pangkat.

Pamantayan sa pamimili

Libo-libo man ang salawikain sa Pilipinas, maaari pa ring mahugot sa hanay nito ang mga hiyas na hindi maluluma magpahangga ngayon. Inuri ito ng mga tagasubaybay ng Wikifilipino at ginamit ang ilang pamantayan. Una, ang paggamit ng talinghaga. Ikalawa, ang paggamit ng imahen o hulagway. Ikatlo, ang masining na paggamit ng sukat at tugma sa ilang pagkakataon. Ikaapat, ang paggamit ng katutubong dalumat o konseptong mula sa isang bayan o lipi. At ikalima, ang himig at tinig ng tula. Ang kombinasyon ng katutubong kasiningan at bisa nito ang pinahalagahan sa pamimili.

Nilimitahan ng pangkat ang pamimili hinggil sa konsepto ng “kagandahan” ng Filipino, bilang panimula. Hindi lamang Tagalog ang pinagbatayang salawikain, bagkus maging ang iba pang wikang lalawiganin sa Pilipinas. Ang sumusunod—ang sa aming palagay—ang pinakamakukulay na salawikaing Filipino hinggil sa kagandahan.

1.
Magandang pamintana,
masamang pangkusina.

Paliwanag: Sa modernong panahon, maaaring ipakahulugan ito na “magandang idispley na siyota, pero tamad sa kitchen!” O kaya'y walang alam na gawaing bahay ang kasintahan o asawa, ngunit seksi o makisig pumorma.

2.
Ang matuod nga katahom,
makita sa tagiposuon.

Paliwanag: Kawikaan ito ng Hiligaynon. Nakikita umano ng puso ang tunay na ganda o x-factor. Kaugnay nito ang “loob” na isa pang katutubong konsepto ng Filipino. Paano makikita ang tunay na ganda? Huwag magsalamin. Gamitin ang pag-ibig at pag-unawa.

3.
Kadalasan, ang karikta'y
ginagawang isang bitag
upang siyang ipanghuli
Noong ibig ipahamak.

Paliwanag: Totoo hangga ngayon, at ginagamit pa ring padron kahit sa telenobela, gaya ng Marimar. Ang pisikal na ganda ay malimit umanong pang-akit upang ibulid sa masama ang isang tao.

4.
Ang puri at ang dangal,
mahalaga kaysa buhay.

Paliwanag: Ang “dangal” at “puri” ay halos magkasingkahulugan at tumutukoy sa “honor” sa Ingles. Kaugnay ng “puri” ang “chastity,” “virginity,” at “respect” ngunit hindi limitado rito ang pakahulugan. Muli, ang dalisay na loob ang isa pang katangian ng kagandahan, at gagamitin kahit ng Katipunan.

5.
Maong ni makapoy a lupa
Nen say makapoy a kanunutan.

Paliwanag: Pangasinense ito, na ang ibig sabihin ay “Mabuti na ang pangit na mukha, huwag lang pangit na pag-iisip.” Ano ang “pangit” na pag-iisip? Maaaring ito ay “pagbabalak ng masama,” “pagkabagabag ng loob,” “mahalay na pagnanasa,” at iba pa.

6.
Sa paggianan yo makas ta lapaorera,
ay ana lamang yo ulag.

Paliwanag: Mula ito sa Gaddang, na ang literal na salin ay “Kung saan naroroon ang magagandang bulaklak, naroroon lagi ang uod.” Bulaklak karaniwan ang talinghaga sa babae, at ang uod na nagiging paruparo ay panumbas naman sa lalaki. Hindi lahat ng “paruparo” ay lalaki; ang “paruparong bukid” mula sa awiting-bayan ay pasaring sa baklang transvestite.

7.
Mabuti't masamang ginto
Sa urian natatanto.

Paliwanag: Makikilatis ang ganda ng isang tao o bagay kung iyong susubukin. Ito ang paalaala ng kawikaan. Kaya hindi dapat masilaw agad sa panlabas na anyo. Magpigil. Bago maloko ng peke.

8.
Sa maliliit na dampâ
nagmumula ang dakila.

Paliwanag: Isang aspekto ng kagandahan ang “kadakilaan.” At gaya ng ipinapahiwatig ng salawikain, ang mga dakilang tao ay isinisilang na dukha. Gayunman, ang nasabing kahirapan ay hindi sagka upang makamit niya ang tagumpay.

9.
Ang bayaning masugatan
nag-iibayo ang tapang.

Paliwanag: Ang “bayani” na tinutukoy dito ay malayo sa konseptong “hero” ng Estados Unidos o Europa, kung gagamitin ang pagdalumat ni Zeus Salazar. Hindi iisa ang bayani bagkus marami—ang buong bayan. Kaya ang kawikaan ay magsisilbing inspirasyon sa lahat na magpatuloy sa pakikibaka kahit may digmaan o kahirapan. Ito ang tunay na kagandahan.

10.
Minsan orai bolawan i oran
Sa di ta inged na tomo den
So tarintik sa tambira inged ami.

Paliwanag: Umulan man daw ng ginto sa ibang bansa, walang makahihigit sa ambon sa sariling bayan. Sa salawikaing ito ng Maranaw, ang konsepto ng ganda ay hindi na lamang sa tao, bagkus naisalin sa bansa. Hindi umano maipagpapalit ang materyal na kaginhawahan sa ginhawang matatamo sa bayang sinilangan.

Sampu lamang itong salawikain. At maaari ninyong dagdagan, bawasan, o susugan upang mabatid ng lahat kung ano nga ba talaga ang “ganda” sa ating mga Filipino.

Sanggunian

  • Almario, Virgilio S. Katutubong Sangkap ng Tulang Tagalog. Pasig City: Anvil Publishing House, 1988.
  • Eugenio, Damiana L. Philippine Folk Literature: The Proverbs. Quezon City: University of the Philippines Press, 2002.
  • Lumbera, Bienvenido. Tagalog Poetry 1570–1898. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1984.

Panlabas na kawing

  • Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring sumangguni lamang sa Filipiniana.net.

Pagkilala

Wikifilipino.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.