10 Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Artikulo sa WikiFilipino

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

10 Dapat Tandaan sa Pagsulat ng Artikulo sa WikiFilipino

Napakadaling sumulat o mag-edit ng akda sa WikiFilipino. Ang WikiFilipino ay nilikha para sa mga Filipino kaya hindi dapat katakutan ang pag-aambag ng anumang akda hinggil sa Filipino at Filipinas. Narito ang 10 bagay na dapat tandaan ng sinumang boluntaryo:

  1. Isaad ang pinakamahalagang detalye ng artikulo sa unang talata. Iwasang sabihin, halimbawa, na “Si Juan Madrigal ay isinilang sa Bundok Tralala noong 8 Pebrero 2004. Anak siya nina Ignacia at Pedro Madrigal. Bla-bla-bla.” Ano ang importanteng bagay na marapat itampok? Halimbawa, “Si Juan Madrigal ang nagpundar ng pinakamalaking negosyo hinggil sa minahan sa Romblon, at tumulong sa gobyerno upang mapahusay ang impraestruktura sa naturang lalawigan.”
  2. Kung tao ang paksa, magtuon kung saang lárang siya naging tanyag. Sa sining biswal ba, sa politika, o sa isports o sa iba pang lárangan?
  3. Kung hinggil sa pook ang paksa, isaad ang katangian, kung hindi man kahalagahan, niyon sa mga Filipino. Huwag kaligtaan ang mga detalye: rehiyon, mapa, populasyon, lungsod, munisipalidad, at iba pa. Kung pamana ng lahi ang pook, gaya ng payyo sa Cordillera, isaad ang kahalagahan niyon sa pandaigdigang antas.
  4. Kung hinggil sa bagay ang paksa, ilarawan ang kahalagahan o katangian niyon sa unang talata pa lamang. Pagkaraan, isaad ang iba pang detalye: saan matatagpuan, sino ang gumawa o umimbento, ano ang sagisag, ano ang silbi o gamit, at bakit minamahalaga ng mga tao.
  5. Kung hinggil naman sa pangyayari, isaad kung ano ang naganap, sino ang mga tao na sangkot, saan naganap, at ano ang kahalagahan sa Filipino. Huwag masyadong maglunoy sa pagkatalo ng mga Filipino sa digmaan; hanapin ang mga pangyayari na may pananaig o pagwawagi ng mga Filipino.
  6. Kung hinggil sa hayop o halaman ang paksa, hanapin ang taal na pangalan ng naturang hayop o halaman at iyon ang gamitin, imbes na sumandig sa Ingles o siyentipikong pangalan. Gayunman, huwag kaligtaang isaad ang siyentipikong pangalan ng sari. Isaad din kung saan-saang panig ng bansa makikita ang mga sari ng gayong hayop o halaman. Bigyan ng priyoridad ang sari na taal sa Filipinas, halimbawa, “malmag” (tarsier) at “dugong” (seacow).
  7. Kung hinggil sa organisasyon ang paksa, magtuon kung lárang nakilala ang pangkat. Isaad ang bisyon nito, ang mga nagawang proyekto, ang pamunuan at ang uri ng mga kasapi.
  8. Laging isaisip ang balangkas ng proyektong akda. Higit na madaling sumulat kung may sinusundang balangkas.
  9. Huwag kaligtaang isaad ang mga sanggunian, pagkilala, at kawing. Kumpletuhin ang lahok sa sanggunian. Isaad ang pagkilala, gaya ng pagtipa sa {{WikiFilipino Nilalaman}} at lalabas ang padron (template) na may pagkilala sa WikiFilipino. Pindutin ang buton sa panloob o panlabas na kawing upang ang mga salita sa loob ng akda ay maiugnay sa ibang akda na nasa loob ng WikiFilipino o sa mga akdang nasa labas ng WikiFilipino.
  10. Laging isaalang-alang ang katotohanan ng mga akdang sanggunian. Tiyakin ang pinagmumulan ng sanggunian, dahil hindi lahat ng bagay ay maaaring maging sanggunian.