Tikoy

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Ang pagkain ng tikoy ay pinaniniwalaang nagdadala ng magandang kapalaran

Ang Nian Gao, mas kilala sa Pilipinas bilang Tikoy, ay isang tanyag na pagkain ng mga Tsino lalo na tuwing sasapit ang Chinese New Year. Tinatawag ding Chinese New Year's cake, ito ay isang matamis na kakanin na gawa sa malagkit na kanin (Oryza glutinosa) na isang uri ng butil na talamak sa mga bansang Asyano. Isa ito sa pinakamahahalagang pagkaing inihahanda para sa pagdiriwang ng Bagong Taon batay sa Chinese Lunar Calendar.

Mga nilalaman

[baguhin] Paniniwala

Tuwing ipinagdiriwang ng mga Tsino ang kanilang bagong taon, hindi maaaring mawala sa hapag ang tikoy. Ang tradisyon ng pagkain ng tikoy ay nagsimula sa kanilang alamat at pamahiin sa pinaniniwalaang suwerte na hatid ng nasabing malagkitn na kakanin.

[baguhin] Alamat

Ang paghahain ng tikoy sa hapag sa pagsalubong sa bagong taon ay isang tradisyong Tsino na nag-ugat pa sa kanilang alamat. Batay sa alamat,ang bawat tahanan ng Tsino ay may Panginoon ng kusina na kilalang bilang si Zaowang. Siya ang nagsisilbing tagapagbantay ng bawat pamilya, at tagapagbalita naman sa kataastaasang Panginoon. Sinasabing tuwing sasapit ang ika-23 araw ng huling buwan ng taon ay nililisan ni Zaowang ang bahay ng mga pamilya upang maghatid ng mensahe sa panginoon – ipinapabatid niya dito kung anong pag-uugali ang ipinakita at ginawa ng pamilya sa nagdaang taon. Upang maging maganda ang ibalita ni Zaowang sa Panginoon, bago pa man nito lisanin ang bahay ay inaalayan na nila ito ng masasarap na pagkain, kabilang na ang tikoy. Ngunit ayon sa kuwento, ang pagbibigay ng malagkit na tikoy ay hindi isang uri ng “suhol” sa panginoon ng kusina. Ang tikoy ay ibinibigay upang magsilbing pandikit sa bibig ni Zaowang at nang hindi ito makapagsumbong ng masama sa kataastaasang panginoon.

[baguhin] Pamahiin

Pinaniniwalaan din ng mga Tsino ang suwerte na hatid ng Nian Gao o tikoy sa papasok na taon. Sa wikang Tsino, ang Nian ay kapwa nangangahulugan ng “malagkit” at “taon”, samantalang ang gao naman ay “keyk” at “tumaas/umalsa”. Samakatuwid, ang Nian Gao nangangahulugan ding “paangat bawat taon.” Ang paghahain nito tuwing Chinese New Year ay sinasabing nagdadala ng magandang kapalaran sa tahanan. Isa rin itong representasyon ng magandang samahan sa pamilya – pagkakabuklod at pagkakalapit dala ng lagkit ng tikoy. Naniniwala din ang mga Tsino na ang makakamit na yaman ng pamilya sa papasok na taon ay nakasalalay sa kung gaano kataas ang iaalsa ng tikoy pag ito ay pinasingawan.

[baguhin] Mga paghahanda

Pinakasikat na pagluluto ng tikoy ay ang pagpiprito dito.

Ang itsura ng tikoy ay malayo sa konsepto ng “keyk” sa mga kanluraning bansa. Sa halip na buhaghag at malambot gaya ng tinapay or sponge cake, ang tikoy ay malagkit, siksik at may katigasan ngunit malambot naman kapag idinaan sa apoy (kung ipiprito o pasisingawin). Gawa ito sa giniling na malagkit na kanin (hanggang sa maging animo'y paste ang tekstura nito), arina at asukal (maaaring puti o pula depende sa kulay na nais makuha).

Sa bayan ng Shanghai sa Tsina, ang tikoy ay kulay puti at isinasahog sa gulay at sabaw. Pinakasikat na luto ng tikoy dito ay ang guisado.

Sa Guangdong naman, ang tikoy nila ay pinatatamis gamit ang asukal na pula (brown sugar) na siyang nagbibigay dito ng manilaw-nilaw na kulay. Ito ay pinasisingawan hanggang sa ito ay tumigas. Maaari na rin itong ihain ngunit kadalasan ay itinutubog pa ang hiniwang tikoy sa itlog bago iprito. Ito marahil ang pinakasikat na luto ng tikoy sa lahat ng panig ng mundo.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.