San Jose

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Si San Jose (Kuha ni "Lawrence OP" mula sa Flickr.com. Reserbado ang ilang karapatan.)

Si San Jose ay anak ni Jakob. Siya ang tumayong ama ni Hesus at asawa ni Maria. Itinuturing siyang patron ng mga karpintero, manggagawa at simbahan ng sansinukob. Nabanggit siya sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Lukas.


Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan

Walang masyadong nakatala tungkol sa kapanganakan ni Jose bukod sa nasusulat na nagmula siya sa angkan ni Haring David. Isa siyang karpintero sa Nazareth. Apatnapung taon si Jose nang magkaroon ng unang asawa, si Melcha (Escha o Salome sa iba) at nagkaroon sila ng apat na anak na lalaki at dalawang anak na babae. Tumagal ang kanilang pagsasama ng apatnapung taon. Nang mabalo, namuhay siya sa katatagan. Ibinalita ng kaparian sa Judea na naghahanap sila ng lalaking kagalang-galang at nasa gulang na labindalawa hanggang labing-apat upang mapangasawa ni Maria. Nasa siyamnapung taong gulang na noon si Jose subali't sa sinasabing paghirang ng Diyos, himalang siya ang napiling maipakasal kay Maria.

Ipinapalagay na hindi mayaman si Jose kaya nang dalhin si Hesus sa templo, dalawang kalapati lamang ang kanyang naibigay sa halip na tupa.


[baguhin] Bilang ama ni Hesus

Sinasabing malaki ang pananalig ni Jose sa Diyos kung kaya't nang bisitahin siya ng anghel (na tumawag sa kanya bilang anak ni David sa panaginip) at sinabing napili siya ng Diyos upang mapangasawa ni Maria, tumugon siya sa sinabi ng anghel. Matapos ikasal, nalaman ni Jose na nagdadalantao si Maria. Isang malaking kasalanan ang pagbubuntis noon nang walang asawa. Naisip niyang hiwalayan ito nang palihim upang hindi mapahamak sa kamay ng mga tao. Subali't nagpakita sa kanya ang isang anghel sa kanyang panaginip at sinabing Anak ng Diyos ang nasa sinapupunan ni Maria at nilimliman ito ng Espiritu Santo.

Nanatili si Jose sa tabi ni Maria at nang ipanganak si Hesus, nagpakita sa kanyang panaginip ang anghel at nagbigay ng babalang nasa panganib ang kanyang pamilya. Iniwan niya ang lahat ng kanyang ari-arian, mga kaibigan at pamilya at dinala sina Maria at Hesus sa Ehipto kung saan naghintay siya hanggang sabihin ng anghel na ligtas na silang makababalik.

Minahal ni Jose si Hesus bilang sariling anak. Para sa kaligtasan ng kanyang mag-ina, tumira sila sa Nazareth at doon itinuro kay Hesus ang pagkakarpintero. Nang mawala si Hesus sa templo, hinanap nina Jose at Maria nang may lubos na pagkabahala ang kanilang anak.

Kinilala ng mga tao si Hesus bilang anak ni Jose na ilang beses nabanggit nang magsimulang mangaral si Hesus. Dahil hindi nabanggit pa si Jose sa ebanghelyo mula nang mangaral si Hesus hanggang sa kanyang kamatayan, pinaniniwalaang namatay na ito bago pa man ang ginawang pangangaral ni Hesus.


[baguhin] Kamatayan

Ayon sa aklat na “Story of Joseph the Carpenter”, umabot ng isang daan at labing-apat na taong gulang si Jose hanggang mamatay noong 20 Hulyo (A.D. 18 o 19). Sinasabi naman ni San Epipanyo na siyamnapung taong gulang si Jose nang mamatay, at kung paniniwalaan ang Venerable Bede, inilibing siya sa Burol ng Josaphat.


[baguhin] Pag-alala at kapistahan

Nagsimula ang debosyon kay San Jose noong ikalabing apat na siglo, tuwing Marso 19, ang tradisyunal na araw ng kanyang kamatayan. Isinulong naman ito ni Papa Sixto IV sa Roma noong 1479. Naging patron din si San Jose ng mga bansang Mexico, Canada at Belgium. Idineklara siyang patron ng simbahan ng sansinukob ni Papa Pio IX noong 1870 at noong 1955, ginawa ni Papa Pio XII na Mayo 1 ang kapistahan ng San Jose Mangagawa upang tapatan ang pagdiriwang ng mga Komunista.

[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.