Pintados de Pasi Festival

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Pintados de Pasi Festival

Ang Pintados de Pasi Festival ay taunang pagdiriwang na dinaraos tuwing ikatlong linggo ng Marso sa probinsiya ng Iloilo. Itinaon ang kapistahan sa petsa kung kailan naging siyudad ang Passi, Marso 14, 1998.

Ang selebrasyong ito ay sumasalamin sa mayamang kasaysayan ng Passi, Iloilo. Pangunahing bahagi ng Pintado de Pasi Festival ang sayawan ng mga taong napapalamutian ng tradisyunal na tattoo sa buong katawan. Sa saliw ng musikang lumalabas mula sa tambol, plastik at kawayan umiindayog ang mga mananayaw. Ang itaas na bahagi ng kanilang katawan animo’y alon na marahang hinahampas ng hangin. Mayroon ding talon, ikot, lukso at pagsipang paggalaw na parang isang mandirigma.

Ilan pa sa mga atraksyon sa pagdiriwang ay ang: food festival; karosa parade; garden show; pinta carabao; Bb. Pintados; sinadya sa suba; pinta lawas; binayle sa kalye; at laro ng lahi.


[baguhin] Tradisyon ng Tattoo sa Pilipinas

Bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, mayroon ng sining ng tattoo sa bansa. Sa Visayas matatagpuan ang pinakadetalyado at kumplikadong disenyo ng tattoo ng mga katutubo. Ang tattoo ay ginamit ng mga katutubo bilang simbolo ng posisyon sa tribo, parangal, edad, at kapangyarihan. Minsan din itong ginamit bilang palatandaan kung ilan na ang napatay o napugutan ng ulo ng isang lalaking mandirigma. Madalas silang bakatan ng tinta sa kanilang dibdib at ulo. Ang pagta-tattoo naman sa mga kababaihan, marka ng kagandahan. Karaniwan itong makikita sa kanilang mga braso at palad. Ang paglalagay ng tattoo ay ginagawa kasabay ng isang sagradong ritwal o seremonya.

Nang dumating ang mga Espanyol sa bansa, sinalubong sila ng mga katutubong puno ng tattoo sa katawan kaya tinawag nila ang isla ng Panay na ’’Islands of the Painted Ones’’ at ’’La Isla De Los Pintados’’. Nang lumaganap ang Kristiyanismo, itinuring ang tattoo bilang gawain ng mga ‘’pagan’’ o ‘yong mga walang Diyos kaya unti-unting tumamlay ang sining.

Magpahanggang ngayon mayroon pa ring sining ng tattoo. Nagbago nga lang ang dahilan kung bakit ito ginagawa. Ang pagdiriwang ng Pintados de Pasi Festival ang marahil isa na lang sa natitirang paraan para mapreserba o maipagpatuloy ang tradisyong ito.



[baguhin] Sanggunian


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.