Merienda

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap

Ang merienda (o meryenda) ay hango sa salitang Espanyol na tumutukoy sa pagkain sa pagitan ng tanghalian at hapunan. Dinala ng mga Kastila ang kaugaliang ito sa mga Pilipino na hindi nagtagal ay kinagawian na rin sa buong bansa.

Sa Pilipinas, ang pagkain ng merienda ay kadalasang ginagawa bandang alas-tres hanggang alas-singko ng hapon. Isang kagawian din ng mga Pilipino ang pagkain ng merienda sa pagitan ng almusal at tanghalian, na ginagawa bandang alas-diyes ng umaga.

Mga nilalaman

[baguhin] Mga pagkain

Kahit na isang hiram na kaugalian ang merienda, ang hilig sa pagkain at paghahanda ng mga ito ay naging bahagi na ng kulturang Pilipino. Sa Pilipinas, paborito pa ring merienda ang kape, tinapay, lugaw, lomi, ensaymada at empanada. Kasama rin ang mga kakanin tulad ng puto, bibingka, kutsinta, suman, sapin-sapin, palitaw, biko, at pitsi-pitsi.

Para naman sa mas mabigat na pagkain, kasama sa listahan ang palabok, tokwa’t baboy, puto’t dinuguan, at kung minsa’y kanin at ulam .Bukod sa kape, kadalasang sinasabayan ng mga pagkain ang pag-inom ng sofdrinks, tsaa, juice, o iba pang palamig.

Sa ilang bahagi ng bansa, lalo na sa mga probinsya, kinaugalian na ang paglalaga ng mga root crops tulad ng cassava, kamote, o ube. Sinasabayan ito ng pag-inom ng salabat, isang inuming gawa sa pinakuluuang ugat ng luya. Sinasabing ang hirap ng pagtatrabaho sa mga bukirin ang nagtutulak sa mga taga-probinsya na maghanda ng meriendang nakadaragdag-lakas sa katawan.

[baguhin] Pagkaing kalye

Dahil mas mura at mabilis lutuin, ang mga pagkaing itinitinda sa kalye ay ginagawang merienda rin. Pinakakilala rito ay ang fishball, squidball, kikiam, kwek-kwek at calamares. Patok din sa mga Pilipino ang banana que, kamote que, turon at lumpia.

[baguhin] Banyagang impluwensya

Ngayon, maraming banyagang pagkain na ang naka-impluwensiya sa pagkain ng Pilipinas. Iba’t ibang mga restaurant at fastfoods ang makikita na naghahanda ng mga merienda, at ang mga ito ay labis na kinahihiligan ng mga Pilipino.

Ang mga Tsino ang nagpakilala sa ilang mga paboritong merienda tulad ng pansit, siopao at siomai. Nakahiligan din ng mga Pinoy ang pagkain ng mga resipi tulad ng spaghetti at pizza mula sa Italya, tacos at tamales mula sa Mexico, at burgers at fries mula sa Amerika.

[baguhin] Sanggunian

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.