Gerardo de Leon

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Gerardo de Leon (Picture from ([1])


Si Gerardo de Leon, o mas kilala rin bilang Manong Gerry ng kanyang naging mga katrabaho, ay kabilang sa angkan ng mga Ilagan ng industriya ng pelikula at telebisyon. Ngunit bukod sa pagiging isang artista, mas nakilala siya bilang isang direktor na karamihan sa mga pelikula'y binubuo ng mga ipinapakitang elemento.


Mga nilalaman

[baguhin] Pinagmulan at Angkan

Isinilang noong 12 Setyembre 1913 sa Lungsod Maynila, ang ama niya ay si Hermogenes Ilagan, isang direktor ng mga dula at manunulat at pinuno ng isang kumpanya ng sarsuwela, at ang ina ay ang mang-aawit na si Casiana de Leon. Kung papansinin, kabilang siya sa angkan ng mga Ilagan, tanyag sa larangan ng pelikula at telebisyon.

Ang kanyang mga kapatid na lalaking sina Conrado Conde, Tito Arevalo, Angel Esmeralda, at Edo Nagali; mga kapatid na babaeng Honor Ilagan at Laling Talti; at mga pamangking sina Robert Arevalo, Jay Ilagan, at Eddie Ilagan; at ang tiyong si Mar Esmeralda (Marceliano Ilagan) ay naging kung hindi man artista ay direktor naman.

Kay Patricia Dicks, mayroon siyang dalawang anak na babae, sina Victory at artistang Liberty (Ongpauco). Kay Fely Vallejo naman, mayroon siyang isang anak na babae, si Maria Fe, na napangasawa ni Ronaldo Valdez, at ina ng aktor at mang-aawit na si Janno Gibbs.

Nag-aral siya sa Legarda Elementary School at nagtapos ng hayskul sa Jose Rizal College. Tinapos niya naman ang pag-aaral ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Umabot pa siya sa ikalimang puwesto sa pagsusulit sa medical board.


[baguhin] Mga Pelikula

[baguhin] Bilang Artista

Habang siya ay nag-aaral pa sa UST, sinimulan na niya ang pagganap kahit sa mga maliliit na parte lamang sa pelikulang Mga Pusong Dakila (1937). Sinundan ito ng Ruben (1938); Ang Pagbabalik (1938); Makiling (1938); Bago Lumubog ang Araw (1938); Mga Sugat ng Puso (1938); Binatang Bukid (1938); Bukang Liwayway (1938); Dasalang Perlas (1938); Isang Halik Lamang (1938); at Ruiseñor (1939). Sa panahong ito, itinuturing na siyang isa sa mga pinakamahuhusay na aktor ng industriya.


[baguhin] Bilang Direktor

Taong 1938 nang umpisahan na niyang magdirek ng sariling pelikula, Bahay Kubo, na isang musikal.

Ang iba pa niyang idinirek na mga pelikula bago pa man magsimula ang digmaan ay: Ama at Anak (1939); Princesa ng Kumintang (1940); Estrellita (1940); Panambitan (1941); at Ang Maestra (1941). Inabutan siya ng digmaan habang idinidirek niya ang Anong Ganda Mo para sa RDR Productions na pag-aari ni Rogelio de la Rosa. Dahil doon, natapos niya ang pelikula at naipalabas lamang ito noong Mayo 1942, pagkatapos mapasailalim ang Maynila sa mga Hapones.

Sa kainitan naman ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagdirek naman si de Leon ng mga dula sa teatrong Lyric and Capitol. Kinomisyon siya ng mga Hapones na gumawa ng dalawang pelikula para kay Eiga Haikyusha, ang Dawn of Freedom (1944), kasama si Abe Yutaka; at Tatlong Maria (1944). Pagkatapos ng digmaan, gumawa siya ng tatlong pelikula para sa Sampaguita Pictures; So Long, America (1946); Isumpa Mo, Giliw (1947); at Mameng, Iniibig Kita (1947). Si Pedro Vera, isa sa mga kasosyo sa Sampaguita, ay kinomisyon siya para gumawa ng independyenteng produksyon. Tayug, Ang Bayang Api (1947).

Nang lumipat naman siya papuntang Premiere Productions, Inc, naging madalas siyang direktor para sa studio ng produksyon. Marami siyang mga naging klasiko dito, katulad ng Sisa (1951); Sawa sa Lumang Simboryo (1952); Banga ni Zimadar (1953); Dyesebel (1953); Pedro Penduko (1954); Sanda Wong (1955); Kamay ni Cain (1957); Bakya Mo Neneng (1957); Ako ang Katarungan (1962); at Kulay Dugo (1964).

Gumawa rin siya ng mga pelikula para sa iba pang mga istudyo kagaya Walang Panginoon (1956) ng Everlasting Productions; Saigon (1956) ng Lebran; The Moises Padilla Story (1961) ng MML; Walls of Hell: Intramuros (1964) ng Hemisphere, kasama si Eddie Romero; Ibulong Mo sa Hangin (1966) ng AM Productions; The Gold Bikini (1968) ng Lea Productions; Brownout (1970) ng Adroit Films; Playpen (1974); Banaue (1975) ng NV Productions; at ang Juan dela Cruz ni FPJ, na nasimulan noong 1976 ngunit naiwang hindi tapos nang mamatay si de Leon.

[baguhin] Mga Parangal

Natanggap niya ang kauna-unahang Maria Clara Award pinakamahusay na direktor para sa Kamay ni Satanas (1950). Siya rin ang kauna-unahang nakatanggap ng karangalan para sa pinakamahusay na direktor mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) para sa kanyang pelikulang Bagong Umaga (1952). Nagwagi rin siya ng anim pang pinakamahusay na direktor na karangalan mula sa FAMAS para sa mga pelikulang Hanggang sa Dulo ng Daigdig (1958); Huwag Mo Akong Limutin (1960); Noli Me Tangere (1961); El Filibusterismo (1962); Ang Daigdig ng mga Api (1965); at Lilet (1971). Dahil sa pagkapanalo niya ng mahigit sa limang beses, naisama siya agad sa FAMAS Hall of Fame. Nanalo rin siya ng mga karangalan sa FAMAS para sa dulang pampelikula ng Apat na Kasaysayang Ginto: "Hatinggabi" (1956) at El Filibusterismo; at pinakamahusay na editing para sa Huwag Mo Akong Limutin.

Noong 1954, nagwagi rin siya ng parangal para sa pinakamahusay na direktor sa Asian Film Festival na ginanap sa Singapore dahil sa pelikulang Ifugao, na ang kuwento ay umiikot sa mga tribo. Ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) ay ginawad naman sa kanya ang Natatanging Gawad Urian noong 1977 upang iangat siya para sa kanyang mga lifetime achievement sa pelikula. Ang Film Academy of the Philippines ay binigyan siya ng posthumong pagkilala, ang Lifetime Achievement noong 1983.

Noong 1983, isang taon matapos siyang mamatay noong 25 Hulyo 1981, dineklara siyang Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng Pelikula.

[baguhin] Mga Panlabas na Kawing

[baguhin] Sanggunian

  • Guerrero, Amadis Ma. “Gerardo de Leon: A Master Film-Maker Speaks Out”, Philippines Daily Express, September 3, 4 and 5, 1978.
  • Reyes, Emmanuel. Notes on Philippine Cinema. Manila: De La Salle University Press, 1989.
  • Sotto, Agustin L. "War and its Aftermath in the Philippine Cinema". Canberra: The Department of Political and Social Change, Australian National University, 1995.
  • Tiongson, Nicanor G. ed. CCP Encyclopedia of Philippine Arts. Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1994.


[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.