Babaylan

Mula sa Wikifilipino
Tumalon sa: paglilibot, paghahanap
Babaylan.jpg

Mga nilalaman

[baguhin] Paliwanag

Babaylan ang sinaunang taguri sa katutubong Pilipino na pumapapel na tagapamagitan sa mga puwersang sobrenatural at sa mga tao. Malimit na babae ang babaylan, ayon sa saliksik ni Zeus Salazar at ni Alicia P. Magos, bagaman sa ilang pagkakataon ay may lalaki ring gumaganap niyon ngunit nakadamit o kumikilos gaya ng babaeng babaylan. Singkahulugan ng babaylan ang “baylan” (Bisaya), “daytan” (Bisaya), “katalonan” (Tagalog) at “maaram”(Kiniray-a).

[baguhin] Papel sa lipunan

Sa pag-aaral ni Magos, ang babaylan ay may samot-saring papel sa lipunan. Una, siya ay manggagamot na hindi lamang nagpapagaling ng pisikal na sakit bagkus maging ng sukal ng loob at dumi ng isip ng isang tao. Ikalawa, siya ay pari na nagsasagawa ng mga ritwal upang himukin o amuin ang puwersang sobrenatural. Ikatlo, siya ay pilosopo na nagbubulay at nagpapaliwanag hinggil sa uniberso; at ideologo, na nagtataglay ng malawak na hanay ng mga diwain hinggil sa daigdig. Ikaapat, siya ang tagapagdala ng kultura at nagtatakda ng panuntunang dapat sundin ng kaniyang mga kababayan.

Para naman kay Salazar, ang babaylan ay bahagi ng estrukturang panlipunan at pang-ekonomiya, at katungko ang datu at ang panday. Kabilang sa mga tungkulin ng babaylan ang sumusunod. Una, ang pamamahala sa ritwal ng agrikultura, mulang pag-alam sa panahon ng pagkakaingin hanggang pagtatanim tungong pag-aani. Ikalawa, ang pamamahala sa buong mitolohiya ng bayan o barangay. Ikatlo, ang pamamahala at pag-iingat sa buong medisina ng barangay, lalo sa sikolohiya ng tao o bayan.

[baguhin] Kapangyarihan

May kakayahan umano ang babaylan, ani Magos, na makipag-usap sa mga kaluluwang yumao o kaya'y sa mga espiritu ng kaligiran. May kakayahan din ang babaylan na papasukin sa kaniyang pisikal na katawan ang mga espiritung sobrenatural, hangga't nais ng nasabing babaylan. Higit sa lahat, kaya ng babaylan na himukin at pabalikin ang kaluluwang nabihag ng masasamang espiritu.

Sa tala ni Antonio Morga, ang mga kaanak ng maysakit ay karaniwang naghahandog ng mga prutas, ilahás na baboy, at pita-pitarilyang tuba sa Maykapal habang umaawit, nagdarasal, at nagsasayaw ang babaylan.

Ang babaylan, ani Francisco Colin, ay mula sa naiibang uri, dahil naipapamana sa anak o naisasalin sa ibang piling tao ang kapangyarihan nitong manggamot o manghula. Hindi rin basta-basta ang pag-aanito ng babaylan. Ayon kay Robustiano Echauz, ang mga ritwal ay karaniwang ginaganap sa liblib na pook o sagradong bundok na makatutulong umano sa pagsagap ng kapangyarihan.

[baguhin] Pananaw sa babaylan

Mababago ang positibong pananaw hinggil sa babaylan nang dumaong sa Pilipinas ang mga mananakop na Espanyol. Para kay Morga, ang katalonan gaya lamang ng babaylan, ay mangkukulam umano na nanloloko ng mga tao at naghahasik ng kasamaan. Mapang-aglahi naman ang paglalarawan ni Miguel Loarca, na itinulad ang babaylan sa animo'y siraulong mananayaw na nananawagan sa demonyo. At kung sasaguniin si Ignacio Alzina, ang mga baylan ay tinutulungan o kunwang tinutulungan ng mga demonyo.

Taliwas ang gayong pananaw sa pananaw ng mga Pilipino. Dahil ang babaylan, para sa kanila, ay bahagi ng lipunang gumaganap ng papel na tagapagsaayos ng ugnayan, kalusugan, at kabuhayan ng mga tao.

Malulupit ang mga sinaunang Kastilang naniwala sa mga pinagsasabi ng gaya nina Morga, Loarca, at Alzina. Sa gayong lihis na pananaw, ang mga babaylan, gaya ng katalonan, ay marahas na pinarusahan at ipinabitay dahil umano “sa paghahasik ng katutubong paniniwala at pagsamba sa mga idolo.”

Maisasalin nang matagal sa kamalayan ng Pilipino ang gayong madilim na pagtanggap sa babaylan o kauri nito. Mababago lamang ito nang lumitaw ang mga bagong saliksik na nagpapahalaga sa dalumat at ambag ng mga babaylan at katutubo.

[baguhin] Sanggunian

  1. Alzina, Ignacio. Historia de las islas e indios de Bisayas (1668), Part I. Makikita sa History of the Bisayan People, vol. 1, salin nina Cantius J. Kovak at Lucio Gutierrez. Manila: UST Publishing House, 2002.
  2. Colin, Francisco, “Native Races and Their Customs,” The Philippine Islands, 1493-1898, inedit nina Emma Blair and James Alexander Robertson. (Cleveland, Ohio: The Arthur H. Clark Company, 1903-1909). 40: 74-75.
  3. Loarca, Miguel. “Relacion de las Islas Filipinas,” The Philippine Islands, 1493-1898, inedit nina Emma Helen Blair at James Alexander Robertson. (Cleveland, Ohio: The Arthur H. Clark Company, 1903-1909). 5:131-133.
  4. Magos, Alicia P. The Enduring Ma-aram Tradition: An Ethnography of a Kiniray-a Village in Antique. Quezon City: New Day Publishers, 1992.
  5. Morga, Antonio. “Events in the Philippine Islands,” The Philippine Islands, 1493-1898, inedit nina Emma Helen Blair at James Alexander Robertson. (Cleveland, Ohio: The Arthur H. Clark Company, 1903-1909). 16:132
  6. Salazar, Zeus A. “Ang Babaylan sa Kasaysayan ng Pilipinas,” sa Bagong Kasaysayan, Lathalain Bilang 4. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 1999.

[baguhin] Pagkilala

WikiFilipino footer.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.